Ella Cruz defends her mom: "Hindi po pakikialam iyon because she's my manager."

Ella Cruz is getting another chance to shine as an actress under Viva Artist Agency when her contract with ABS-CBN was not renewed. "We all have to move on, right?" she says.


Ipinagtanggol ng young actress na si Ella Cruz ang kanyang inang si Mrs. Jessica Cruz sa paratang na isa raw itong stage mother.

Naapektuhan daw kasi ang sana'y magandang career nito sa Kapamilya network.

Diumano, ang pagiging pakialamera ng kanyang ina ang dahilan kung bakit hindi ni-renew ng Star Magic ang kontrata ni Ella.

Kaya raw napilitan ang young star na lumipat at ngayon nga ay mina-manage na ito ng Viva Artists Agency (VAA).

Dinepensahan naman ni Ella ang kanyang ina at sinabing mali ang tsismis tungkol dito, "Unfair naman pong sabihin nila na ganun ang mommy ko."

Naglahad si Ella ng kanyang saloobin sa press conference ng WattPad Presents TV Movie sa Music Hall @ Metrowalk, sa Pasig City, noong January 26.

Sabi niya, "Si Mama po kasi ang manager ko, siyempre siya ang nakikipag-usap in regards sa mga kontrata at sa mga projects na gagawin ko.

"Kaya may karapatan naman po si Mama sa lahat nang nangyayari sa career ko.

"Hindi po pakikialam iyon because she's my manager, ano ang masama doon, di ba?"

Desisyon daw nilang mag-ina ang lumipat siya sa management ng VAA dahil hindi na nga ire-renew ang kontrata niya sa ABS-CBN.

Saad ni Ella, "We both made the decision to move to Viva since wala na akong contract with Star Magic.

"Nagpaalam naman kami nang maayos sa mga bosses sa ABS-CBN.

"Malaki ang utang na loob ko po sa Dos because sila ang nagbigay ng first starring role ko sa isang teleserye na Aryana.

"Lahat naman po ng projects na ibinigay nila sa akin ay magaganda kaya forever akong magpapasalamat sa kanila.

"Pero we all have to move on, right?

"Kung saan may offer at trabaho, doon po tayo."

MRS. CRUZ SPEAKS. Nakausap din namin ang ina ni Ella na si Mrs. Jessica Cruz.

Aware daw siyang may mga nagsasabing nawala sa Star Magic si Ella dahil sa kanya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Nakakagulat nga po na ako ang sinisisi nila. Bakit ako?

"Manager po ako ng anak ko. Kung may kailangan pag-usapan sa projects niya, kailangan alam ko rin.

"Never akong naging atribida or gumawa nang hindi maganda dahil ikasisira iyon ng career ni Ella.

"Madali akong kausap. Basta tungkol sa career ni Ella, open akong makinig at makipag-cooperate.

"Noong hindi na ni-renew ang kontrata niya sa Star Magic, hindi ako nag-demand for anything.

"Naintindihan ko ang rason nila. Kaya nilipat namin si Ella sa Viva.

"Umalis man kami sa Star Magic, alam ko na wala akong kaaway doon.

"Wala akong naging problema sa mga tao doon.

"Malaki ang pasasalamat namin ni Ella sa ABS-CBN, sila ang nagbigay ng big break kay Ella.

"Hindi namin malilimutan iyon kahit nasa ibang management na ang anak ko," pahayag ni Mommy Jessica.

GOOD MOVE. Naging maganda naman daw ang paglipat ni Ella sa Viva dahil may naka-line up na projects sa kanya.

Aniya, "Okey naman po ang lahat, lagi naman po kami nagmi-meeting in regards sa mga projects na gagawin ko.

"Tulad dito sa WattPad Presents TV Movie, nasa episode ako na 'Avah Maldita' kunsaan kasama ko sina Donnalyn Bartolome and Akihiro Blanco.

"It's my first time to work with them at naging okey naman ang bonding namin sa taping.

"I'm looking forward to working with other stars ng Viva and TV5."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN