Marian Rivera and Maine Mendoza meet for the first time

Sa unang pagkakataon ay nagkita na sa personal ang dalawa sa pinakasikat na artistang babae sa GMA Network na sina Marian Rivera at Maine Mendoza. Ito ay naganap sa GMA Thanksgiving Party para sa kanilang advertisers kagabi, February 10.


Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagtagpo ang dalawa sa pinakamalaking female stars ngayon sa bakuran ng GMA Network—ang Primetime Queen na si Marian Rivera at ang Dubsmash Queen na si Maine Mendoza.

Naganap ang pagkikita nina Marian at Maine sa GMA Thanksgiving Party para sa kanilang advertisers nitong Miyerkules ng gabi, February 10, sa Shangri-La Hotel, Makati City.

Star-studded ang naturang event dahil sa pagdalo ng halos lahat ng pinakasikat na mga artista ng Kapuso Network.

Nakisaya, nakihalubilo, at nakipag-papicture ang Kapuso stars sa advertisers ng istasyon na siyang bida sa pagtitipong iyon.

Isinagawa ng GMA-7 ang nasabing party bilang pasasalamat sa walang-sawang suporta ng advertisers sa kanilang mga programa noong 2015.

Umabot sa halos tatlong milyong piso ang mga naging papremyo sa raffle at palaro, habang isang brand new car naman ang napanalunan ng masuwerteng nabunot sa grand draw.

Ngunit ang tila naging highlight at pinagkaguluhan nang husto kagabi ay ang pagdating ng dalawa sa pinakasikat na tambalan sa bakuran ng Kapuso network: ang DongYan ng mag-asawang sina Dingdong Dantes at Marian Rivera at ang AlDub nina Alden Richards at Maine Mendoza.

Ito ang kauna-unahang pagkakataong nagkasama sa isang public function ang dalawang Kapuso love teams.

THE MEETING. Naunang dumating sa venue sina Alden at Maine, kung saan nakisalo sila sa table ng top executives ng network.

Wala na sa venue si Maine nang dumating sina Marian at Dingdong.

Ayon sa impormasyong nakalap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), umakyat na siya sa kuwarto sa hotel upang magpalit ng damit.

Ngunit ilang sandali ay bumaba ulit ito at lumapit sa table kung saan nakaupo si Marian. Tinabihan ni Maine si Marian.

Panay ang halakhakan ng dalawang Kapuso stars matapos silang magkamayan.

May mga pagkakataon ding nagbubulungan sila.

Dinumog din sila ng mga tao na nasa venue upang magpa-picture.

THE MARIAN-MAINE CONNECTION. Masaya ang naging unang pagkikita nina Marian at Maine. Pero bakit nga ba "big deal" sa mga nakasaksi ang una nilang pagtatagpo?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kahit pareho sila ng talent management na kinabibilangan, ang Triple A ni Mr. Tony Tuviera, hindi pa nagkikita at nagkakilala nang personal ang dalawa bago ang event kagabi.

Maliban sa pagiging alaga ng Triple A, pareho rin silang bahagi ng Eat Bulaga! at ng "Juan For All, All For Juan" segment.

Bago nabuntis si Marian sa panganay nilang anak ni Dingdong Dantes na si Maria Letizia noong 2015, siya ang kasa-kasama nina Jose Manalo, Wally Bayola, at Paolo Ballesteros sa mga barangay.

Dahil sa kanyang pagbubuntis ay kinailangang magpaalam ni Marian sa noontime show ng GMA Network, at pagkatapos ng ilang linggo ay saka naman isinali si Maine bilang si Yaya Dub.

Dito na nagsimula ang phenomenal love team nina Maine at Alden na AlDub.

Habang si Marian naman ay patuloy na napanood sa bagong comedy-variety program na Sunday Pinasaya, ngunit kinailangan din niyang magpaalam pansamantala nang malapit na siyang manganak.

Nagsilang si Marian noong November 23, 2015.

Ang pagdating ng Kapuso Primetime Queen sa thanksgiving party ng GMA Network kagabi ang nagsilbing hudyat ng pormal na pagbabalik niya sa telebisyon.

Usap-usapan na bago magtapos ang Pebrero ay mapapanood na muli si Marian sa Sunday Pinasaya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN