Boy Abunda to Manny Pacquiao: "Sino ka para manghusga?"

Veteran TV host Boy Abunda reacts to Manny Pacquiao's statement about same-sex marriage: "Hindi ko po alam kung ano ang pamantayan niya ng sinasabi niyang tao. Kung ang tao ay nananakit, kung ang tao ay nangyuyurak ng karapatan ng ibang tao, e, gugustuhin ko na pong maging hayop. Kung ang ibig sabihin po ng hayop ay gumagalang, ang ibig sabihin ng hayop ay nagmamahal, then I am an animal."


“Manny, sino ka? Sino ka para manghusga?”

Ito ang malaking katanungan ng TV host-talent manager na si Boy Abunda kay Manny Pacquiao kasunod ng naging pahayag ng Pambansang Kamao tungkol sa same sex-marriage.

Sa isang interview ay sinabi ni Pacquiao na ang pagpapakasal ng dalawang tao na pareho ng kasarian ay “mas masahol pa sa hayop.”

Bilang isang kilalang lider ng LGBT (lesbian, gay, bisexual, transgender) community at may lifetime partner sa katauhan ni Bong Quintana, nagpahayag ng kanyang saloobin si Boy kaugnay ng binitawang salita ni Manny.

Ito ay sa kabila ng narinig na raw niya ang apology ng Pinoy boxing champ at kongresista.

Ginawa ni Boy ang kanyang pahayag sa late-night program niya sa ABS-CBN, ang Tonight With Boy Abunda, nitong Martes, February 16.

Ngunit nagpauna na siyang kung anuman ang kanyang opinyon tungkol sa isyung ito ay walang kinalaman ang ABS-CBN o ang kanyang programa.

“I take full responsibility for what I'm about to say. Akin lamang po ito...

“Sinabi ni Manny Pacquiao na common sense, common sense lamang daw po dahil wala naman tayong nakikitang mga hayop na bakla o lesbiyana.

“At dahil wala naman daw tayong nakikita, mas mabuti pa ang mga hayop dahil alam nila ang lalaki at saka ang babae.

“Kaya mas masahol pa ang tao sa hayop.”

Ngunit ipinunto ni Boy na ang tao na tinutukoy ni Manny sa kanyang pahayag ay ang mga miyembro ng LGBT.

Inamin ng veteran TV host na labis siyang nasaktan at masama ang loob niya “dahil sobra po ang aking paggalang kay Manny Pacquiao.”

Patuloy ni Boy, “Alam niyo po, hindi ko po alam kung ano ang pamantayan niya ng sinasabi niyang tao.

“Kung ang tao ay nananakit, kung ang tao ay nangyuyurak ng karapatan ng ibang tao, e, gugustuhin ko na pong maging hayop.

“Kung ang ibig sabihin po ng hayop ay gumagalang, ang ibig sabihin ng hayop ay nagmamahal, then I am an animal.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

CROSSING THE LINE. Pagkatapos nito ay binalikan ni Boy ang ginawa niyang pagtatanggol noon kay Pacquiao.

“Alam niyo po, sometime in 2012, ako’y nagsalita in defense of Manny Pacquiao.

“Dahil in one of his interviews with Associated Press, nagbitaw siya ng mga salita at sinabi niya, ‘I do not condemn gays. Meron akong pamangkin, meron akong pinsan, meron akong mga kaibigan, kamag-anak. But I don’t condemn them, but I am against same-sex marriage.’

“Sabi ko, iginagalang ko ang opinyon nito because in this world, there is space for respectful, vibrant debate. Kanya-kanya tayo ng opinyon.

“So, sabi ko, iginagalang ko ang kanyang opinyon.”

Ngunit sa pagkakataong ito ay lumagpas na raw sa linya ang Pambansang Kamao.

Saad ni Boy, “Remember, Manny Pacquiao is considered or was considered by many as a national hero.

“Pero itong mga binitawan niyang salita, para ho sa akin, ang aking opinyon dahil ako’y tunay na nasaktan, he crossed the line. He crossed the line.

“Hindi ako papayag, Manny, if you’re watching, na natawag mo ako na mas masahol pa ako sa hayop. I am low than an animal?”

THE STRUGGLE CONTINUES. Pagkatapos nito ay inihambing ni Boy ang struggles ng “black slaves” at ng mga kakabaihan sa patuloy na pakikipaglaban ng LGBT community para sa kanilang mga karapatan.

Pahayag ni Boy, “Ang mga itim, hindi po sila sumurrender, lumaban po sila, hanggang sa nakuha po nila yung kanilang karapatan to dignity, to humanity.

“Ngayon, America has a black President [Barack Obama].

“Huwag na tayong lumayo dun sa mga struggles ng mga kakabaihan.

“There was a time in our lives when women have no voice; second, third-class citizens.

“Of course, the struggle continues para sa mga kababaihan against violence.

”They could not vote.

“Ang ating mga nanay, ang ating mga kapatid na babae were extensions of their men. Wala ho silang mga karapatan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Today, around the world, we have women leaders and presidents.”

WHO ARE YOU? Patuloy niya, “Why am I saying this, Manny?

“Dahil gusto kong malaman mo na hindi sila tumigil sa kalalaban para sa kanilang mga karapatan.

“At kami sa LGBT community, hindi rin kami titigil hanggang sa dulo ng buhay namin, hanggang kamatayan.

“Ipaglalaban namin ang aming karapatan to equality, to dignity, dahil ninakaw ito sa amin.

“I am not begging Manny Pacquiao for dignity. I am not begging you for respect. I am not begging you for my humanity.

“Because you do not own my humanity. Akin yun, that’s my birth right.

“So, ang amin lamang, dahil pinipilit ng iba na ito’y nakawin sa amin, ilalaban namin ‘yan.”

Dagdag pa ni Boy, “Pag-usapan natin ang presidente ng Amerika, Barack Obama...

“Anong sinabi ni Obama? ‘Our journey will be complete if we treat our gay brothers and sisters like anyone else under the law. For if indeed we are created equal, then the love we commit to each other must be equal as well.’

“Common sense, di ba? Siguro naman, Manny, may common sense si Obama.

“Let’s talk about Hilary Clinton, ‘Gay rights are human rights.’ Siguro naman may common sense.

“Puntahan natin si Papa [Pope Francis]. Ano ang sinabi ng Santo Papa, ng mga Katoliko, ‘If a person is gay and has goodwill and who seeks the Lord, who are we to judge.’”

Buwelta ni Boy: “Manny, sino ka? Sino ka para manghusga?

“Saan ka kumuha ng kapangyarihan para tawagin kami na mas masahol pa sa hayop?

“Last point, common sense ang pinag-uusapan natin, tatakbo ka para senador, ito ang aking katanungan: Palagay mo ba iboboto ko ang isang tao na ang tingin sa akin ay hindi tao? Iboboto ko ba ang isang tao na ang tingin sa akin ay mas masahol pa sa hayop?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Manny, ang kasagutan, salita mo—common sense.”

Boy Abunda Speaks up on Manny Pacquiao' s controversial statements

A video posted by Tonight With Boy Abunda (@twbaofficial) on

Boy Abunda Speaks up on Manny Pacquiao' s controversial statement

A video posted by Tonight With Boy Abunda (@twbaofficial) on

Boy Abunda Speaks up on Manny Pacquiao' s controversial statements

A video posted by Tonight With Boy Abunda (@twbaofficial) on


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN