Rep. Dan Fernandez gives updates on congressional hearing on MMFF

Rep. Dan Fernandez is optimistic about the outcome of the investigation into MMFF. He says, "Lalong lalakas at gaganda at makikita natin na iyong mga pondo ng Metro Manila Film Festival, magiging accounted na. Kasi iyon lang naman ang gusto natin, ang ma-account ang pera."


Nanguna ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa paghingi ng update kay Laguna Representative Dan Fernandez kaugnay ng binuksang imbestigasyon tungkol sa Honor Thy Father controversy sa nakaraang Metro Manila Film Festival (MMFF) 2015.

Si Dan ang nag-file ng resolution upang magkaroon ng imbestigasyon ang Kongreso dahil sa pagkaka-disqualify ng Honor Thy Father sa Best Picture category sa MMFF Awards Night.

Inirereklamo rin ni Dan at ng direktor ng pelikula na si Erik Matti ang kawalan ng due process sa pagkaka-disqualify ng kanilang pelikula.

Sa get-together with the press ni Dan na ginanap nitong Miyerkules ng tanghali, February 17, sa Max’s restaurant sa Scout Tuazon, Quezon City, ibinalita ng actor-politician ang mga naganap na pagbabago sa MMFF habang umuusad ang imbestigasyon.

Pahayag niya, “Ngayon yung composition ng executive committee ng Metro Manila Film Festival, babaguhin na nila lahat iyan, babaguhin na yung members ng Metro Manila Film Festival.

“At tomorrow, mayroon kaming hearing, ang pag-uusapan naman kasi yung pondo.

“Eto, baka hindi niyo nalalaman, Metro Manila Film Festival nga iyan, pero hindi niyo ba napapansin na ang lahat ng pelikula natin sa festival ipinapalabas na rin sa mga probinsiya?

“Yung amusement tax sa Metro Manila Film Festival, iyon ang kinukuhang pondo ng MMFF executive committee.

“Pero out of Metro Manila, mayroong tinatawag na price increase; halimbawa, manonood ka sa probinsiya, yung ticket price nadadagdagan ng P20.

“So, out of Metro Manila, bawat nanonood na tao na mayroong price increase ng beinte pesos, hindi alam kung nasaan iyong perang iyon.

“Iyon ang aalamin namin bukas, makikita natin kung saan dinadala yung perang iyon.”

Ibinihagi rin ni Dan ang iba pang pag-uusap lalo na nga’t magkakaroon ulit ng hearing sa House of Representatives bukas, February 18.

Kinausap na rin daw nila si Chairman Emerson Carlos ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), na namamahala sa MMFF.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“So, ngayon, ang maganda rito sa ginawa nating imbestigasyon, makaklaro na, maaayos na.

“Kinausap na namin si Chairman Carlos ng MMDA at sinabi na namin yung aming mga rekomendasyon para doon sa composition.

“Nang sa ganun, mabago na totally yung ginagawa sa Metro Manila Film Festival taun-taon.

“Para makita natin talaga na yung wini-waive na amusement tax at iyong price increase ay napupunta talaga sa mga beneficiaries.”

IRREGULARITIES. Matatandaan na sa unang Congressional hearing ay nabuksan ang umano’y iregularidad sa taunang film festival.

Kasama na rito ang pagkakaroon umano ng kaugnayan ng MMFF Executive Committee member na si Dominic Du kay Atty. Joji Alonso, isa sa mga producer ng dalawang MMFF entries na #Walang Forever at Buy Now, Die Later.

Ang dalawang pelikula ang nanalong Best Picture at Second Best Picture, respectively, sa awards night.

Nag-demand din si Direk Erik na magsagawa ng auditing sa ticket sales at finances ng MMFF.

Saad pa ni Dan, “Si Dominic Du, isa siya sa members ng executive committee.

“Then, may association siya kay Atty. Alonso, na-discover natin iyan… siya ang nagpo-promote ng Digicinema [film distribution company ni Du] at nagpo-promote nung film ni Alonso.

“So, mayroon siyang relasyon doon sa isa sa producers, which is not allowed by the rules and regulations of the Metro Manila Film Festival, kaya tinanggal na si Dominic Du.

“Now, he is still responsible, kasi nga yung mga pera ina-account namin, at tomorrow, malalaman namin kung sino talaga ang kumuha nung pera sa price increase outside Metro Manila.”

So, puwedeng makasuhan si Dominic Du at iba pa kung totoong may kaugnayan sila sa anomalya sa MMFF?

Sagot ng kongresista, “Puwede silang maging responsible at maaari silang kasuhan… if we find out na miyembro sila ng MMDA o consultant sila, baka pumatak doon sa plunder na tinatawag.

“Pero pag hindi, puwede silang tamaan doon sa ibang kaso na outside sa government employee, ganun ang gagawin natin.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

NO LONGER LIFETIME. Kaugnay dito, sa presscon ay ipinaliwanag din ni Dan ang nangyaring pagbabago sa MMFF executive committee.

“At saka ngayon, ang executive committee, ang members ng committee na iyan, hindi na sila iyong for life.

“Every two years, papalitan na sila… iyong anim papalitan mo after two years.

“Then, mare-retain iyong anim pa para may magtuturo doon sa mga bagong darating.

“Marami tayong new, talented na members ng industry who can be involved in the committee.

“Mayroong members ng actor’s guild, mayroong members sa media, yung mga ganun.

“Ganun ang gagawin natin na complete yung members ng committee, na lahat ng sectors ay represented.”

Ang pagbabagong ito ay ay dulot daw ng sentimiyento ng mga taga-showbiz na sana ay may alam sa industriya ng pelikula ang magiging miyembro ng MMFF execom.

Saad pa niya, “Tapos we are considering also si Alfred Vargas [Quezon City 5th district congressman].

“Last term na ako, hindi na ako makakapag-file ng batas, si Alfred ang magpa-file ng bagong batas na magha-handle talaga ng Metro Manila Film Festival.

“Baka malamang tatawagin natin ito na Filipino Film Festival.”

INSTITUTIONALIZE. Huling termino na ni Dan bilang kongresista at tatakbo siya bilang mayor ng Santa Rosa City, Laguna, sa eleksyon sa Mayo.

Isinusulong daw ni Dan na ma-institutionalize ang MMFF. Ano ang ibig niyang sabihin?

Paliwanag niya, “Mayroon ng batas na naggo-govern doon sa festival, kasi napakahabang panahon na may festival tayo, 41 years na.

“So ngayon, gagawin na nating batas talaga iyong umiiral sa pagpapaganap ng festival na iyan.

“Game changer ito in the sense na makikita natin, lalong lalakas at gaganda at makikita natin na iyong mga pondo ng Metro Manila Film Festival, magiging accounted na.

“Kasi iyon lang naman ang gusto natin, ang ma-account ang pera, saan niyo ba dinadala ang pera?

“Kasi naba-bother ang mga beneficiaries, nagkakagulo sila, kasi wala nga raw silang natatanggap na benefits.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Now, inaalam natin kung bakit ganun. So, this time, sa nakita natin, ilalagay natin sa tama.

CONNIVANCE? Bilang isa rin sa cast ng Honor Thy Father, bukod sa alegasyong may anomalya sa pondo ng MMFF, hindi rin daw nagustuhan ni Dan ang umano’y manipulasyon sa awards night.

“Kasi nga doon sa festival nga… nabuko namin si Dominic Du na member ng executive committee, siya rin iyong pumupunta doon sa board of jurors.

“Iyong board of jurors, sinabihan na niya na hindi kasama ang Honor Thy Father doon sa Best Picture, kaya natanggal kami.

“So, kung nakakapunta si Dominic Du na associated kay Alonso doon sa board of jurors, e, malamang connected din ito doon sa awards at citations.

“Hindi namin inaalis na malamang may mga connivance pagdating doon sa Best Actor, Best Actress, lahat-lahat iyan.

“Ganun ang sitwasyon kaya, unfortunately, iyong nangyaring awards night ay punung-puno ng katanungan lahat.”

Ano ang feeling niya na posibleng makabawi na sila sa ibang award-giving bodies?

Sagot ni Dan, “Iyon, eto nga, kapag nakabawi tayo sa ibang award-giving bodies, e, siyempre parang feeling mo, ito na iyong tunay.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN