Pokwang and Melai Cantiveros dismiss rivalry issue

"Unang-una, idol ko talaga si Ate Pokie [palayaw ni Pokwang]. Siya ang nagsimula ng mga ganitong mukha. Kung hindi dahil kay Ate Pokie, wala kami dito nina Kiray," says Melai Cantiveros (left) about her We Will Survive co-star Pokwang (right).


Hindi raw sineryoso ng We Will Survive stars na sina Pokwang at Melai Cantiveros ang tungkol sa lumabas noong isyu na umano’y may rivalry at competition na nagaganap sa pagitan nila bilang dalawa sa most in-demand comediennes ng ABS-CBN.

Para nga sa kanila ay walang nag-e-exist na rivalry sa kanila at gawa-gawa lang daw ito ng ibang tao.

Paliwanag ni Melai, “Guni-guni lang nila iyon. Kasi wala talagang rivalry.

“Unang-una, idol ko talaga si Ate Pokie [palayaw ni Pokwang]. Siya ang nagsimula ng mga ganitong mukha. Kung hindi dahil kay Ate Pokie, wala kami dito nina Kiray.

“Sobrang nagte-thank you ako kay Ate Pokie. Kaya nahihiya ako kay Ate Pokie pag may ganyang rivalry, may umaaway pa kay Ate Pokie. Hindi ba kayo nahihiya kay Ate Pokie?

“At saka si Ate Pokie, ate talaga ang turing ko sa kanya. Happy Yipee Yehey! (defunct noontime show ng ABS-CBN) pa lang, tapos Banana Split namin, lagi talaga akong tinutulungan ni Ate Pokie—sa mga outfit, sa make-up. Yun bang parang ate talaga siya sa akin. Kaya ako ang nahihiya ‘pag inaaway siya.”

So, magkaibigan na sila ngayon?

“Ano ka ba? Matagal na kaming magkaibigan, sir!” diin ni Melai.

Si Pokwang naman ay tinawanan lang daw ang isyu.

“Natawa na lang ako kasi si Melai napaka-genuine, napakabait na tao. At saka sabi ko bakit kailangang pagpapatulan iyong mga ganyan? Iisang network tayo, magkakapamilya tayo, dapat magtulungan tayo.

“Kagaya ng sinasabi ni Mang Dolphy noong nabubuhay pa siya, ‘Magtulungan kayong mga komedyante,’ iyon po.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sina Pokwang at Melai sa grand presscon ng pinagbibidahan nilang bagong primetime teleserye ng ABS-CBN, ang We Wil Survive, na magsisimulang umere sa February 29. Ginanap ang presscon kahapon, February 24, sa 9501 restaurant sa loob ng ABS-CBN compound.

HELPFUL CO-STARS. Ngayong magkatrabaho na silang rito sa We Will Survive kasama rin sina Bea Saw at Regine Angeles, ano ang in-enjoy nila at maipagmamalaki sa isa’t isa bilang kaibigan at katrabaho?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Tulungan, iyong pagtutulungan namin dito, ‘tapos yung kanya-kanyang aliwan ‘pag inaantok na. Gagawa at gagawa ng paraan yung isa para lang mai-share yung energy.

“Kasi ito [Melai], hindi ito nauubusan ng energy. ‘Pag nakita niya medyo lalamya-lamya na ako, ‘Ate Pokie… [mumbles]’ Pagka narinig ko na siyang nagsasalita nang ganun natatawa na ako at medyo nawawala yung antok ko.

“At saka yung pagdating sa atake sa isang eksena, nagse-share-an po kami talaga. ‘Pag hirap siyang umiyak dahil galing kami sa tawanan, once na hinawakan ko na yung kamay niyan, ngangalngal na iyan,” ani Pokie.

Ayon naman kay Melai, “Kaya nga po thank you, Lord talaga na si Ate Pokie ang kasama ko.

“Kasi nga tinutulungan talaga ako ni Ate Pokie sa pag-iyak.

“Pero ang hirap lang talagang umiyak ‘pag kaharap mo si Ate Pokie. Kaya sasabihin niya, ‘Seryoso na,’ ganun siya.

“Kaya din naman, kaya naman. Pero ‘pag emosyon, ‘Sige na,’ ginaganyan niya yung likod ko.

“Kami lahat, grabe talaga ang bonding namin doon, para kaming magkakaptid doon, tawanan kami.

“Si Ate Pokie kasi kuwan talaga iyan… sobra kasi ang trabaho niya, e. Ang hilig talaga niya sa tagtag. Kaya pag pagod na siya, ginaganun ko siya [mumbles]… nare-recharge naman siya.”

Pahabol pa ni Pokie, “Buhay kaming apat [kasama sina Bea at Regine] pag love life ang usapan!”

Pasok nga raw sa pagiging magkaibigan nila sa totoong buhay ang roles na ginagampanan nila sa We Will Survive bilang mag-bestfriend na sina Wilma Bonanza (Pokwang) at Maricel Rubio (Melai).


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN