Vice Ganda pays tribute to the late Wenn Deramas

Labis na iniyakan ng komedyante at TV host na si Vice Ganda ang biglaang pagpanaw ng direktor at kaibigang si Wenn Deramas. Ito raw kasi ang nagbigay ng malaking break sa kanya noong taong 2007.


Isa si Vice Ganda sa pinakaapektado sa pagpanaw ng box-office director na si Wenn Deramas.

Sumakabilang-buhay si Direk Wenn ngayong Lunes ng umaga, February 29, dahil sa cardiac arrest.

Read: Box-office director Wenn Deramas dies after cardiac arrest

Isa si Vice sa pinakaunang sumugod sa Capitol Medical Center, kung saan binawian ng buhay ang direktor.

Isa rin siya sa mga sumama sa paghatid sa mga labi nito sa Arlington Memorial Chapels sa Araneta Avenue, Quezon City, bandang alas-9 ng umaga.

Sa kabila ng labis na pagdadalamhati, sumipot pa rin si Vice sa noontime show nila sa ABS-CBN na It’s Showtime.

Pero sinabi niya sa mga manonood na hindi niya kayang magpatawa.

Maluha-luhang mensahe ng komedyante, “Sa lahat ng mga tumatangkilik sa mga pelikula niya, sa lahat ng mga tumawa sa mga pelikulang mga ginawa namin, maraming-maraming salamat po.

“Malaki ang pasasalamat ko kay Direk Wenn dahil binigyan niya ako ng isang puwang dito sa showbiz.

“Sa mga hindi po nakakaalam, si Direk Wenn po ang director ng lahat ng pelikula ko, lahat ng pelikulang tinatawanan ninyo.

“Lahat ng pelikulang pinalakpakan niyo sa filmfest. Lahat ng pelikula, si Direk Wenn po ang direktor nun.

“Siya ang direktor ng kauna-unahan kong pelikula na Apat Dapat, Dapat Apat.

“Yung pelikula ko na pagkaabot sa akin ng script, walang laman.

“Walang laman yung script dahil noon pa man, ipinaramdam na niya sa akin ang tiwala niya dahil sabi niya, ‘Bahala ka kung ano gusto mong sabihin.’

“Maraming-maraming salamat, Direk Wenn.

“Maraming-maraming salamat sa inyo.”

Bukod sa Apat Dapat, Dapat Apat (2007), nagkasama rin sina Vice at Direk Wenn sa mga pelikulang Petrang Kabayo (2010), The Unkabogable Praybeyt Benjamin (2011), This Guy’s In Love With U Mare (2012), Sisterakas (2012), Girl Boy Bakla Tomboy (2013), The Amazing Praybeyt Benjamin (2014), at Beauty and the Bestie (2015).

Pakiusap pa ni Vice sa audience ng It’s Showtime: “Ang hinihiling ko lamang po sa inyo ay ipagpatuloy niyo po ang pagdarasal para sa kanya, sa mga naulila niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“At humihingi din po ako ng paumanhin sa inyong lahat dahil ngayong araw na ito, hindi ko ho kakayaning magpatawa.

“Pasensiya na po kayo.”

Hiniling din niya ang isang mainit na palakpakan, sa huling pagkakataon, para sa yumaong direktor.

A FAMILY TRAGEDY. Bumuhos din kaagad sa social media ang pakikiramay para sa batikang director.

Bukod kasi sa pagpanaw ni Direk Wenn, naunang binawian ng buhay ang kanyang ate na si Mary Anne bandang alas-dos ng madaling-araw ngayong araw rin.

Read: Celebrities mourn death of director Wenn Deramas

Kaya maituturing na isang napakalungkot na trahedya para sa pamilya Deramas ang kanilang pagkamatay.

Ayon sa ulat ng DZMM Teleradyo, lima silang magkakapatid ni Direk Wenn.

Ang isa pa nilang kuya na si Bong ay pumanaw nito lamang December 2015.

May naiwang dalawang anak si Direk Wenn, isang lalaki (15 years old) at isang babae (4 years old).

Isa sa mga huling proyekto sa telebisyon ni Direk Wenn ay ang Wansapanataym Presents: Ang Susi Ni Sisay sa ABS-CBN.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN