Jolina Magdangal deeply affected by the passing of director Wenn Deramas

Jolina Magdangal on the late Wenn Deramas: "Si Direk Wenn, maingay, maokray. Pero kaya mahal na mahal siya ng mga tao, patawa niya lang yun. Pero kung mag-alaga siya, kahit na ano pa ang mangyari sa 'yo, kapag sinabi niyang 'aalagaan kita,' aalagaan ka."


Naging emosyunal ang actress-singer na si Jolina Magdangal habang binabalikan ang magagandang alaala niya kasama ang yumaong direktor na si Wenn Deramas.

Ilang beses naging direktor ni Jolina si Wenn sa mga proyekto niya noon bilang teen star.

At nang magbalik siya sa ABS-CBN noong 2014 ay si Direk Wenn din ang nagdirek ng kanyang comeback soap na Flordeliza.

Ang huling TV project ni Direk Wenn ay ang Wansapanataym: Susi Ni Sisay, kung saan tampok din si Jolina.

Sa launching ng album ni Jolina na Jolina Back To Love kahapon, March 1, hindi mapigilang mapaluha at maging emosyunal ng Kapamilya star habang tinatanong tungkol sa yumaong direktor.

Nagsimulang umiyak si Jolina nang tanungin kung ano sa mga kanta sa kanyang album ang gusto niyang i-dedicate sa direktor.

Tugon niya, “Ano nga ba ang kanta ko rito kay Direk Wenn... yung ‘Ganito Pala Ang Pag-Ibig.’”

Sa kabila ng pagiging emosyunal, ipinaliwanag ni Jolina kung bakit ang naturang kanta ang napili niyang ialay kay Direk Wenn.

“Siguro kasi sa ‘Ganito Pala Ang Pag-Ibig, kahit na sa dami ng problema na makikita natin araw-araw, never na makikita niyo si Direk Wenn na malungkot.

“Sa totoo lang, nang-ookray pa nga siya ng mga tao.

“Pero kahit inookray na niya, love pa rin siya ng mga tao, kasi alam nila na panlabas lang yun.

“Alam nila kung gaano siya ka-generous na tao.

“So, dun sa kantang yun, kaya yun ang naisip ko sa kanya, kasi kahit na ang tagal ko na sa showbiz, kahit na minsan may mga heartaches akong sinasabi sa kanya dati, pero yung mga advice na ibinibigay niya sa akin...

“Very special talaga sa akin si Direk Wenn.”

Patuloy ni Jolina, “Malaki ang naitutulong niya sa akin, hindi lang sa pagkatao ko, kundi sa trabaho rin.

“And noong bumalik ako sa ABS, naging kampante ang loob ko kasi siya ang nakatrabaho ko ulit.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Naging kampante ako sa kissing scene, kasi si Marvin [Agustin] at si Direk Wenn, nag-trust ako, kasi nandiyan siya.

“Kaya sobrang laki lang talaga ng impact sa akin na ganun ang nangyari sa kanya.

“At kung may ide-dedicate akong kanta sa kanya, ‘yang kanta ni Mark [Escueta, her husband], kasi parang family rin niya sa akin.

“Yung kantang yun, pamilya kami—si Mark, ako at si Pele [Jolina’s son], at kasama namin si Direk Wenn dun.”

HARD TO BELIEVE. Matagal daw bago nag-sink in kay Jolina na wala na ang itinuturing niyang pinakamalapit na direktor sa kanya.

Ninong din si Direk Wenn ng anak nina Jolina at Mark na si Pele.

Pahayag ni Jolina, “Hindi ako makapaniwala.

“Parang iniisip ko pa rin, hindi, nandiyan lang siya sa bahay niya.

“Malapit lang kasi siya sa amin, parang isang village lang.

“So, hindi ko pa rin natatanggap.”

Naging malaking bahagi ang namayapang director sa pagbabalik ni Jolina sa Kapamilya network at kahit na sa personal niyang buhay.

“Dati, noong bata pa ako, hindi ako pinapayagan ng parents ko hangga’t hindi siya ang magpapaalam sa akin, ganun kami.

“Tapos, ang dami niya sa aking nabibigay na advice.

“Although noong lumipat ako [sa GMA Network], nawalan kami ng communication.

“Pero noong bumalik ako, parang hindi kami nagkahiwalay ng twelve years sa kuwentuhan, sa pagre-reminisce ng mga pinagdaanan namin dati.

“Tapos, nakita ko pa ang mga pictures namin dati, noong naggagawa kami ng movies.

“Tapos, siya yung gumawa nung sa Maalaala Mo Kaya na ‘Paper Roses,’ siya ang nagdirek nun.

“At yung sinabi ko nga sa Instagram ko na siya ang nagdirek ng unang-unang umiyak ako, sa ‘Kung Maibabalik Ko Lang’, sa Teysi ng Tahanan.

“So, marami kaming pinagdaanan.”

THE SAD NEWS. Ayon kay Jolina, natutulog pa siya nang dumating sa kanilang mag-asawa ang malungkot na balita. 

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang ama niyang si Jun Magdangal, na kasalukuyang naninirahan na sa Tagaytay, ang nagbalita kay Jolina ng pagpanaw ni Direk Wenn.

Lahad ng singer-actress, “Tulog ako, tulog kami nun.

“Yung phone ko, namatay na pala, hindi ko alam.

“Pag ring, parang nagising ako, pero kalahati lang.

“Noong pagsabi agad ni Mark na, ‘Ano po?!’ Parang nagising na talaga ako, pero hindi pa ako tumatayo.

“Noong sinabing ‘Direk Wenn,’ tumayo na ako.

“Tapos nakausap ko na si Daddy.

“Noong sinabi na sa akin ni Daddy, parang hindi pa rin ako makapaniwala, hindi pa rin talaga.

“Hanggang sa noong ibinaba na ang phone, parang tulala lang ako.

“Tina-try kong i-charge ang phone ko, ang bagal ng galaw.

“Tapos si Mark, nagri-research na pala siya, sa Twitter, sa Facebook... Tapos sabi niya, totoo nga.

“Noong finally nag-open na ang phone ko, ang una kong tinawagan, si Mama Bear, Tita Cynthia… sila ang una kong nakasama noong nagbalik ako [sa ABS-CBN].

“Tapos, yun na, parang sumobra na ako ng hagulgol.

“Tapos, parang naririnig ko lang si Mama Bear na humihinga, wala siyang sinasabi, iyakan lang kami.

“Tapos sabi niya, ‘Wala pa akong details.’

“Tapos noong binaba ko na ang phone, ang dami kong gustong tawagan, ang dami kong gustong i-text.

“Kasi, ang dami nang nagti-text talaga, wala akong masagot.

“Parang ako, hindi si Direk Wenn yun, baka iba.”

Hindi na naman napigilan ni Jolina na mapaluha nang tanungin ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kung kailan nag-sink in sa kanyang namatay na nga si Direk Wenn.

Saad ni Jolina, “Parang ayoko pa rin maniwala kagabi [sa burol].

“Kahit nakauwi na ako, kahit ngayon... siguro kahit tumagal na, hindi pa rin ako maniniwala.

“Siguro, iisipin ko na baka wala lang kaming project together, hindi ako maniniwala.”

PLANS FOR THE FUTURE. Pagkatapos ng Flordeliza, si Direk Wenn din ang naging direktor ni Jolina sa “Susi Ni Sisay” episode ng Wansapanataym.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

May mga naiisip pa nga raw silang mga susunod na proyektong magkasama sila.

“Marami, marami pa kaming naiisip na gawin,” sambit ni Jolina.

Nag-uusap pa raw sila ni Direk Wenn tungkol sa health cards dahil alam ng singer-actress ang pinagdaanan nitong mild stroke at pagpapa-angioplasty.

Ayon pa kay Jolina, “Marami kaming pinag-uusapan, sa mga buhay-buhay, tungkol sa anak.

“So, nagkakakuwentuhan din kami sa mga ganun.

“Kaya akala ko noong na-admit nga siya noong time na yun, akala ko okey na, nag-bloom na ulit siya.

“Maayos hitsura niya, parang ang fresh niya, at palagi ko siyang binabati na, ‘Ang fresh mo, Direk, ha.’

“So, noong narinig ko yun, naisip ko, napagod ba siya ulit? Nagpupuyat ba siya ulit?

“Kasi, alam ko, ayaw na nga niyang magpuyat.

“Kaya parang yun ang mga questions na pumasok sa isip ko noong malaman ko yun.”

WHAT SHE WILL MISS MOST... Tinanong din ng PEP si Jolina kung ano ang mga mami-miss niya sa direktor.

“Marami, marami, e.

“Si Direk Wenn, hindi ko man siya palaging nakakausap, pero yung mga prayers na ipinapadala niya, minsan sine-send ko pa sa iba dahil sobrang ang ganda talaga.

“Tapos, ang hindi ko makakalimutan sa kanya, yung pagmamahal niya sa mga anak niya.

“Yung pagmamahal niya sa mommy niya at yung pagmamahal niya sa mga tao niya.”

Patuloy ni Jolina, “Noong marinig ko ‘yan, isa ko pang naisip, paano yung mga tinutulungan niya, paano yung mga nakadikit sa kanya, paano yung dalawang anak niya.

“Yun talaga ang inisip ko, dahil kawawa naman ang mga anak niya, ang bata pa nila, e.”

Pero naalala rin daw ni Jolina ang minsang kuwentuhan nila ni Direk Wenn tungkol sa dalawang anak nito.

“Dati, nakuwento ni Direk na, ‘Napag-usapan na namin ‘yan ng best friend ko. Na kapag may nangyari sa akin, ganito, ganyan.’

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kuwentuhan lang yun dati.

“Pero paano nga, nangyari nga ngayon? Ano ang gagawin ng mga bata? Ano kaya ang napi-feel nila?

“Doon ako naaawa.”

Nakita rin daw ni Jolina ang dalawang anak ni Direk Wenn nang dumalaw siya noong unang gabi ng lamay.

“Nakita ko, parang wala—bata pa, e. Naglalaro. Parang wala pa sa kanila.

“Pero ang natatakot ako dun, hindi kasi expressive.

“So, kahit siguro ang daming magganyan sa kanya, humawak sa kanya, hindi natin alam kung anong sakit ang nararamdaman niya.

“Kung tayong kaibigan ni Direk Wenn, e, ganito, paano pa kung magulang mo na nagmahal sa ‘yo, nag-alaga, at kadikit mo araw-araw, gabi-gabi?

“Sino na ang katabi mong matutulog, yung ganun?

“So, yun ang iniisip ko.”

WHO IS DIREK WENN FOR JOLINA. Sa mga hindi nakakakilala kay Direk Wenn, anong klaseng tao ito base sa pagkakakilala ni Jolina?

Paglalarawan niya, “Si Direk Wenn, maingay, maokray.

“Pero kaya mahal na mahal siya ng mga tao, patawa niya lang yun.

“Pero kung mag-alaga siya, kahit na ano pa ang mangyari sa ‘yo, kapag sinabi niyang ‘aalagaan kita,’ aalagaan ka.

“Kasama niya, generous siya.

“Kapag nagsabi siyang ‘ako ang bahala diyan,’ sobra-sobra pa ang ibibigay niya.

“Kapag sinabi niyang, ‘tara, tulungan natin ‘to,’ grabe ang gagawin niya.

“Humingi siya ng tulong sa iba, pero yun pala, marami na siyang naibigay.

“At minsan, kahit hindi mo sabihin, masi-sense niya at gagawa talaga siya ng paraan para makatulong.

“At sobrang bait niya talagang tao.”

Sabi pa ni Jolina, “At bilib ako sa utak niya. Sobrang galing niyang gumawa ng istorya.

“Kasi, nakikita ko kung paano niya i-revise ang script. 

“Noong minsan, sabi ko nga, sana ganito rin ako.

“Noong minsan, hindi puwedeng ganito ang eksena, biro mo yung buong week, gagawa siya sa upuan ng isang buong week na script.

“Nasabi ko, sayang ang utak nito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kumbaga, para siyang refrigerator na ang daming laman sa loob na pagkain.”

Patuloy niya, “Mula noong bumalik ako sa ABS, ang dami kong nahinging advice.

“Isa rin siya sa mga tao kung bakit ako nagpursige at napapayag sa Your Face Sounds Familiar, isa siya sa mga nakausap ko.

“Isa siya sa mga kinakausap ko sa mga kantang gagawin ko o istoryang gagawin ko, ano pa ang role na okey.

“Iba… iba ang naging experience ko kay Direk Wenn.”

Nanghihinayang naman si Jolina na hindi niya nabigyan ng kopya ng kanyang bagong album na si Direk Wenn bago ito pumanaw.

“Sana pala noong nadaanan ko ang set niya, binigyan ko na siya, bumaba na sana ako.

“Excited siya diyan, e,” sambit niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN