Vice Ganda reveals Direk Wenn Deramas's coffin is worth P1.3 million

Vice Ganda to Direk Wenn Deramas: "Bakit bigla kang umalis? Bakit di ka nagsabi? Ba't ngayon? Bakit ang aga? Bakit hindi ako prepared? Bakit?"


Nagkuwento si Vice Ganda, matalik na kaibigan ng namayapang direktor na si Wenn Deramas, kung paano niya itinawid ang unang araw ng pagpanaw ng tinaguriang box-office director.

Sa ika-apat na araw ng burol ni Direk Wenn kagabi, March 3, isang misa na sinundan ng isang programa ang isinagawa ng Star Cinema at Star Creatives ng ABS-CBN upang bigyang-pugay ang mga naging ambag at sariwain ang hindi nila malilimutang alaala kasama ang direktor, na naging katrabaho nila sa loob ng maraming taon.

Ayon kay Vice, tinawagan siya ni Roxy Liquigan ng Star Cinema upang ibahagi ang kanyang mga magagandang alalaa kay Direk Wenn “ in a very light way” noong gabing iyon.

Emosyunal na panimula ng It's Showtime host, “Noong dumating ako dito una, ang akala ko ay makikiramay.

“Pero lahat ng taong dumadating dito, ako yung niyayakap. Kinakamusta ako.

“And then I realized, ako pala yung nawalan.

“Akala ko makikiramay lang ako, ako pala yung ganun, ako pala yung naulila.

“So, how will I make it light?”

Dito na nagsimulang tumulo ang luha ng comedian-TV host.

'BAKIT LIST.' Patuloy ni Vice, “Kanina, gising lang ako, nasa kuwarto, hindi ako makatulog. So, browse lang ako nang browse.

“Tapos nakita ko yung promo ni Mico del Rosario sa bago nilang pelikula, yung kay Gerald [Anderson].

“Bakit list. Bakit list... Sabi ko, ‘Ay, parang bagay sa akin itong bakit list.’

“Bakit si Direk Wenn? Ba’t siya? Kung puwede namang….”

Dito ay nagtawanan ang mga taong nasa loob ng Arlington Chapel A.

“Huwag na lang magturo. Very light.

“Bakit list? Bakit bigla kang umalis? Bakit di ka nagsabi?” sabi ni Vice, sabay tingin sa kabaong ni Direk Wenn.

Sabi pa niya, “Ba’t ngayon? Bakit ang aga? Bakit hindi ako prepared? Bakit?”

Tumulo muli ang luha ng komedyante.

Humahagulhol pang sabi niya, “Parang life… gusto ko mas nakakatawa ako, kasi ako yung komedyante.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Gusto ko ako yung may pinaka nakakatawang sasabihin ngayon kasi Unkabogable Comedy star ako.

“Pero hindi ko alam kung paano gagawin.

“Paano kaya yun matutunan? Paano yun? Hindi ko alam.

“Ang dami mong ibinigay na role sa akin, pero parang minali ko lang lahat.

“Yung Petrang Kabayo, parang ang dali lang, one day nga lang akong nag-workshop kay Pen Medina.

“Parang ang dali lang, [Praybeyt] Benjamin, parang ang dali lang.

“Sisterakas, ang dali lang, tatlo naman kami.

“Girl Boy Bakla Tomboy, medyo mahirap, kasi apat yun [na characters].

“Pero nung nag-blockbuster yung pelikula, kaya okay na rin. Madali yung role.

“Pero ang pinakamahirap na role na ibinigay mo sa akin ay yung role na mamili ng kabaong at isusuot mo.”

Dito na bumigay nang husto si Vice.

“Sabi ko, kailangang makita ko yung damit.

“Kasi hindi puwedeng ipasuot [yung mga dating damit], kasi nga baduy nga, e.

“Yung mga Amerikana niya, makintab, may mga kung anu-anong burloloy.

“Kaya sabi ko, ayokong ganun ang ipasuot.

“Kaya tinawagan ko si Avel [Bacudio], ‘Avel, meron ka bang damit diyan na napagawa na hindi pa nasusuot?’

“Sabi niya, ‘Meron, para sa Guillermo [Mendoza Memorial Awards].'”

Ang tinutukoy ni Vice ay ang Box Office Entertainment Awards, kung saan gagawaran si Direk Wenn bilang Most Popular Director, katuwang si Cathy Garcia-Molina.

Habang si Vice naman ay isa sa pararangalan bilang Phenomenal Stars.

Patuloy niya, “Sabi ko, ‘Ang aga naman nitong magpagawa ng damit, May pa yun, a.'

“Sabi ko, patingin. Kasi ang gusto ko class lang, simple lang. So, sinend sa akin yung picture.

“Nagulat ako, first time kong makakita ng ipinagawa niyang damit na basic.

“Basic, black and white, ayan suot niya.

“Hindi siya ganyan manamit. Gusto niya makintab, may design, may detalye.”

THE P1.3-M COFFIN. Matapos nito ay ikinuwento ni Vice kung paano siya namili ng kabaong para kay Direk Wenn.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Tapos, namimili ako ng kabaong... Ang daming kabaong, tulala ako.

“Sabi ko, ‘Tita June [Rufino, talent manager], ito na ang pinakagusto ko.

“Kasi simple lang, may mga simple lang, pero masyado namang may engrave-engrave.

“Sabi ko, 'Ito na lang.'

“Sabi niya, ‘Sigurado ka ba na ‘yan?’

“Sabi ko, 'Ito na.'

“Ito na talaga. So, sabi ko dun sa taga-Arlington, ‘Magkano po ito?’

“'P1.3 million.'”

Dito ay muling nagpatawa si Vice. Sabi niya, “'Tita June, parang mas magandang magpa-cremate. P1.3M? E, bonus yun sa blockbuster film.'

“Sabi ni Tita June, ‘Ay, hindi siya puwedeng tipirin. Ayaw niya. Gusto niya, star siya. Gusto niya magarbo siya. Gusto niya bongga siya. Kung 'yan ang gusto mo, ‘yan ang ibibigay natin.'

“Okay, ‘yan na po, P1.3M.’

“Sabi ko kay Tita June, ‘Pagkatapos ba niya, puwede ko bang gamitin?’”

Dto ay muling nagtawanan ang mga taong nasa burol.

Sabi pa ni Vice, “Pero deserve niya ‘yan.

“Ang worth niya ay hindi isang milyon, hindi isang bilyon.

“Mahigit sa kanya nating i-calculate at i-compute ang worth ni Wenn Deramas, kasi nag-iisa lang siya. Nag-iisa lang siya.

“Kaya ang tanong, paano na ako? Si Wenn ay si Vice, si Vice ay si Wenn.

“So, paano na? Ang sakit-sakit na po sa kakaisip.

“Inang [Olive Lamasan], sino na ang director ko?”

Lahat kasi ng pelikula ni Vice ay si Direk Wenn ang nagdirek.

Kasunod na ikinuwento ni Vice ang plano nilang gawing Darna movie at ang ginawa niyang tula para kay Direk Wenn.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN