Vice Ganda recites an impromptu poem in Wenn Deramas's wake

Isang madamdaming mensahe, sa pamamagitan ng isang tula, ang ibinahagi ni Vice Ganda sa ika-apat na gabi ng lamay ng kaibigan nitong si Direk Wenn Deramas. Hinagpis ng komedyante, "Gusto kong gumawa ngayon ng tula, pero ang tanong, kaya ko ba? Hindi yata. Dahil sa ngayon, ang kaya ko lang ay masaktan at lumuha."


Sa idinaos na sponsored mass at programa para sa yumaong direktor na si Vice Ganda kagabi, March 3, nagbahagi si Vice Ganda ng mga hindi malilimutang alaala sa matalik na kaibigan.

Sa huling bahagi ng kanyang mensahe, nag-alay siya ng impromptu na tula.

Wala itong pamagat, pero sa kabuuan, namayani ang mga salitang “Gusto Kong Gumawa ng Tula.”

Narito ang inalay na tula ni Vice:

“Parang gusto kong gumawa ng tula.

“Parang gusto kong gumawa ng tula.

“Isang tula na hindi ko alam kung paano magsisimula.

“Isang tula na hindi ko alam kung ano ang ilalaman.

“Dahil napipipi, nabibingi, nabu-bobo, natatanga, natutulala yung gustong gumawa.

“So paano? Ano nga? Hindi ko alam, basta gusto kong gumawa ng tula.

“Gusto kong gumawa ng isang tula, isang tula na masaya na naglalayong magpatawa.

“Pero paano ba ‘to magagawa ng isang makata kung patuloy siyang lumuluha?

“At yung puso niya ay patuloy na nadudurog kasama ang kaluluwa niya, paano?

“Hindi ko alam. Basta, gusto kong gumawa ng tula.

“Gusto kong gumawa ng tula, gusto kong gumawa ng tula, dahil gusto kong tumula na parang isang bata.

“Gusto kong tumula na parang isang bata sa harapan ng kanyang ina.

“Na para sa kanya ay walang ibang magaling, ako ang pinakamahusay, ako ang pinakamagaling, at wala nang iba pa.

“Gusto ko gumawa ng tula dahil alam ko pangit man o maganda ay siya ang unang-unang matutuwa, siya ang unang papalakpak. Pero wala na siya.

“So paano na? Hindi ko alam. Basta, gusto kong gumawa ng tula.

“Gusto kong gumawa ng tula dahil gusto ko siyang mapasaya.

“Gusto ko siyang makita ulit na humahagalpak at naglulupasay sa katatawa.

“Na wala kang maaaring makikita anumang suliranin o problema sa kanyang mga mata.

“Pero wala na siya, so paano?

“Paano na ako tatawa? Ako na lang ba mag-isa?

“Hindi ko alam. Basta, gusto kong gumawa ng tula.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kahit ang lungkot-lungkot na.

“Gusto kong gumawa ngayon ng tula, pero ang tanong, kaya ko ba?

“Hindi yata. Dahil sa ngayon, ang kaya ko lang ay masaktan at lumuha.

“Pero huwag kang mag-alala, pag masaya na ako ulit, gagagawa ako ng tula.

“Pero ngayon, gusto kong gumawa ng tula, pero gusto ko rin, patawarin mo ako, hindi ko kaya, dahil wala ka na.

“Mag-isa, hindi ko kayang gumawa ng tula.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN