ABS-CBN pays homage to Direk Wenn Deramas

Hindi na nagsalita si Vice Ganda sa necrological service para sa yumaong direktor at kaibigang si Direk Wenn Deramas, nitong Sabado ng gabi sa ABS-CBN. Idinaan na lamang niya ito sa isang bongga at nakakatawang production number bilang pagbigay-pugay sa taong ayaw raw ng malungkot ang kanyang kapaligiran.


Balot ng kalungkutan ang loob at labas ng Dolphy Theater ng ABS-CBN sa idinaos na necrological service para sa namayapang direktor na si Wenn Deramas, gabi ng Sabado, March 5.

Pinamagatang Paalam, Direk Wen: Thank You For The Love and Laughter, umapaw ang venue sa dami ng tao na nakiramay.

Mula sa mga boss ng ABS-CBN, hanggang sa mga empleyado, at sa mga nakatrabaho nitong artista, mababanaag ang kalungkutan sa mukha ng lahat.

Bandang alas 7:38 ng gabi nagsimula ang misa.

Sinundan agad ito ng pagbibigay ng mga mensahe at pag-alala ng kabutihan at mga naimbag ni Direk Wenn sa entertainment industry.

Halos 25 taong nagtrabaho si Direk Wenn sa Kapamilya Network, mula sa pagiging production assistant hanggang sa mabigyan ng break bilang direktor sa pelikula at telebisyon.

Namataan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa loob ng Dolphy Theater sina Maricel Soriano, Piolo Pascual, Eugene Domingo, Luis Manzano, Joel Torre, Agot Isidro, Sunshine Cruz, Nikki Valdez, Valerie Concepcion, Desiree del Valee, Joem Bascon, Iñigo Pascual, at DJ Durano.

Naroon din sina Charo Santos, Malou Santos, Freddie Garcia, Tess Antonio, Andoy Ranay, Don Cuaresma, June Rufino, Jerry Sineneng, Bobot Mortiz, at Olivia Lamasan.

THANK YOU FOR THE LOVE AND LAUGHTER. Sa ginanap na misa, na pinangunahan ni Father Ver Alpasa, na kasamahan din ni Direk Wenn sa Teatro Tomasino, hinikayat niya ang lahat na bumati ng "good evening" sa kanilang mga katabi.

Si Desiree ang naatasan sa First Reading at si Nikki naman ang Second Reading.

Ibinahagi ni Father Alpasa na naabot ni Direk Wenn ang rurok ng tagumpay sa kanyang karera.

Naalala pa niya ang mga hirap na pinagdaanan nila noong nasa kolehiyo pa lang sila sa UST.

PAALAM, DIREK WENN. Pagkatapos ng misa, nagsimula naman kaagad ang eulogy o ang pagbibigay alaala ng mga malalapit kay Direk Wenn.

Nagsilbing hosts ng programa ang mga kasamahan ni Direk Wenn sa Teatro Tomasino na sina sina John Lapus, Roxy Liquigan, Candy Pangilinan, Eagle Riggs, Don Cuaresma, Andoy Ranay, at Atak Araña.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang tema ng necrological service ay 'fun and laughter.'

Ito raw kasi ang sumasagisag sa buhay ni Direk Wenn, na gusto ay laging masaya ang kanyang kapaligiran.

Nagsimula ang programa sa isang production number kung saan nakabihis ang dancers ng mga paboritong superhero characters ni Direk Wenn.

Unang nagsalita ang best friend of 37 years ni Direk Wenn na si Ariane Manalo or Atet, na lumipad pa mula Amerika para pumunta sa lamay ng kaibigan.

Inalala nito noong mga bata pa sila kung saan nagbebenta sila ng mga inihaw na paa ng manok tuwing may liga ng basketball sa kanilang lugar. Pero hindi raw sa kikitain nila excited si Direk Wenn kundi sa mga maglalaro sa liga.

Kasunod nito ang plano sana nilang mag-celebrate ng kanilang 50th birthday ngayong taon sa Europe.

Ang sumunod na nagsalita ay ang screenwriter na si Mel del Rosario, isa sa matalik na kaibigan at katrabaho ni Direk Wenn.

Ikinuwento nito ang masasayang alaala nila ng kaibigan noong nagpunta sila sa New York para mag-represent kay Charo Santos sa International Emmy Awards.

Hindi raw niya malilimutan ang araw-araw na pamimili ni Direk Wenn sa bawat tindahang madaanan nito bago sila magtungo sa mga seminar.

Kaya naman daw may dala-dala sila laging supot sa mga pinagdausan ng pagpupulong.

May mga pagkakataon pang lagi raw nang-aasar si Direk Wenn ng mga kasamahan sa trabaho, lalo na ang mga maiitim.

Nag-alay naman ng awitin si Jude Michael, kung saan isa sa inawit nito ang theme song ng teleserye ni Direk na Mula Sa Puso.

Nag-alay rin ng awiting “Home” si Gary Valenciano para kay Direk Wenn.

Nagbigay naman ng salita ng pasasalamat ang mga kapamilya ni Direk Wenn—ang dalawang kapatid nitong sina Baby at Miyam, at ang dalawa nitong anak na sina Raffy at Gabby.

TRIBUTE. Sumunod rito ang riot na tribute ni Vice Ganda, kasama ang mga kapwa stand-up comedian na sina Tetay at Kiray.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi na nagbigay pa ng mensahe si Vice dahil nasabi na raw niya ang lahat noong necrological service na sponsored ng Star Creatives at Star Cinema.

Samantala, nagbigay rin ng mensahe ang ABS-CBN chief content officer at ABS-CBN University president na si Charo Santos.

Dahil malat ang boses nito, si Direk Olive Lamasan ang nagbasa ng kanyang mensahe.

Isa sa labis na pinalakpakan at tinawanan sa loob ng Dolphy Theater ang pag-alala ni Ma'am Charo noong panahon ng Marina.

Dahil daw sa kagustuhan ng management na pahabain at i-extend pa ito nang i-extend sa ere, nagulat na lamang daw sila noong pinalipad ni Direk Wenn si Marina (Claudine Barretto) na isang sirena.

Dahil dito ay ipinatawag ng management ang direktor.

Pero labis na nagpapasalamat ang kumpanya sa dedikasyon ni Direk Wenn sa kanyang trabaho mula noon hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay.

Ani Miss Charo, “But for now, as we always say, ‘Wenn, pack-up na, victory party na Direk, and congratulations for a job well done.”

Ihahatid sa kanyang huling hantugan ang mga labi ni Direk Wenn bukas ng tanghali, March 6, pagkatapos ng 10 A.M. mass sa ABS-CBN.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN