Nora Aunor's mentor Mamay Belen passes away; Superstar has yet to visit her wake

Pumanaw na noong March 10 si Mamay Belen Aunor (kaliwa), ina ng dating teen star na si Maribel 'Lala Aunor' Aunor (kanan) at lola ng singer na si Marion Aunor (gitna). Si Mamay Belen din ang kinikilalang mentor ng Superstar na si Nora Aunor.


Pumanaw na si Mamay Belen Aunor noong March 10 sa edad na 86.

Si Mamay Belen ang ina ng ‘70s teen star na si Maribel Aunor at lola ng magkapatid na singers na sina Ashley at Marion Aunor.

Siya rin ang itinuturing na mentor/discoverer ng Superstar na si Nora Aunor, anak ng kapatid ni Mamay Belen na si Mamay Tunying.

Kasalukuyang nakaburol ang mga labi ni Mamay Belen sa Holy Trinity Chapel sa Sucat, Parañaque.

Kapansin-pansin na sa ibabaw ng kabaong nito ay nakapatong ang kanyang violin at sa tabi ay ang electric guitar naman niya.

Bukod sa pag-aaruga kay Nora nang pitong taong gulang pa lamang ang premyadong aktres, si Mamay Belen ay isang singer at composer.

Siya ay tumutugtog din ng violin at electric guitar, kaya siya binansagang “rock star” ng mga apong sina Ashley at Marion.

Ayon kay Maribel o Lala, ang kanyang ina ang naging impluwensiya ng kanilang buong pamilya para makahiligan ang musika.

“Siya yung nag-inject ng music sa family, sa kanya nag-originate, e.

“Kumbaga, naging musically-inclined kami dahil sa kanya.

“Imagine mo, 86 na siya, naggigitara pa siya, nagko-compose ng songs at nagba-violin pa.”

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Lala sa burol ng kanyang ina noong Linggo, March 13.

Nalaman namin mula sa kanya na as of 2:30 A.M. ng Linggo, hindi pa dumadalaw sa burol ang Superstar.

Ngunit nilinaw ni Maribel na wala na silang tampuhan ng pinsan niyang si Nora.

“Wala na naman kaming talagang ano, e. Wala lang talaga kaming communication after noong pinabalik siya ng TV5.

“Nagpatulong kasi siya sa akin before sa mga contract niya, kinuha ko naman siya ng lawyer para ito na lang ang mag-review ng mga contract niya.

“Iyon ang pinakahuli namin, kasi napapabayaan ko yung negosyo ko.

“Hindi ko kaya yung seven o’clock in the morning na kami maghihiwalay.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi pa rin daw nagpupunta ang anak ni Nora na si Ian de Leon sa burol ni Mamay Belen.

Pero alam na ba nila ang nangyari?

Tugon ni Lala, “Siguro kasi magka-Facebook naman kami [ni Ian].”

THE EARLY YEARS. Inusisa rin ng PEP kay Lala kung paano nagsimula ang relasyon nina Mamay Belen at Nora noong pitong taong gulang pa lamang ang Superstar.

Lahad niya, “Si Mama, sa showbiz, kilala siya as talent scout at mentor ni Ate Guy.

“Iyon ang unang-unang image niya, na siya ang nagturo kay Ate Guy sa pagkanta.

“Kasi dinala noon ni Mamay Tunying si Ate Guy sa mama ko, dahil madami sila Ate Guy at nahihirapan na silang pag-aralin.

“Actually, si Mama ang nagpaaral talaga [kay Ate Guy].

“Ang pagkakaalam ng mga tao noon, si Mama ko ang mother ni Ate Guy.

“Kami rin, hindi ko alam na pinsan ko lang siya.

“Kasi, magkakasama kami sa bahay, kaya akala ko noon ay magkapatid kami ni Ate Guy.

“Hanggang sa sumali na siya sa Tawag ng Tanghalan, 13 or 14 yata noon si Ate Guy.”

Hindi pa siya ipinapanganak, na kay Mamay Belen na si Nora?

Sagot ni Maribel, “Oo. Basta nang nagkaisip ako, nandoon na si Ate Guy.

“Ang pinaka-close niya ay yung eldest namin, yung ate ko.

“Kasi sina Mama noon… sa Nichols Airbase kami nakatira at may negosyo siya na nagkakatay ng mga baboy.

“Iyong mga sundalo doon, sila ang nag-o-order ng mga baboy at ang naghahatid ay sina Ate Guy at yung kapatid kong panganay.

“Then, parang naririnig yata na nang nasa Bicol pa lang sila, sumali yata siya [Nora] sa mga singing contest at nasabi ni Mamay Tunying, ‘Marunong ‘yang kumanta.’

“Ang Mmma ko noon kasi ay member ng Bicol Orchestra at kumakanta na rin. Kaya doon niya dinevelop si Ate Guy.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Habang naggigitara si Mama, binibigyan niya ng ano na, ‘Eto kantahin mo, eto, ganyan-ganyan.’

“So, siya ang unang nagturo sa pagkanta kay Ate Guy,” mahabang kuwento ni Lala.

Si Mamay Belen ba ang unang manager ni Nora?

“Talent scout pa ang tawag nila noong araw, e,” sagot ng pinsan ng Superstar.

THE SUPERSTAR’S SCREEN NAME. Ang tunay na pangalan ni Nora ay Nora Cabaltera Villamayor. Paano naging Nora Aunor ang screen name ni Ate Guy?

Ayon kay Maribel, “Ang pagkakaalam ko lang, kaya siya naging Aunor, noong unang salang yata ni Ate Guy sa Tawag ng Tanghalan ay parang hindi yata nanalo.

“Kaya ang ginawa ng mama ko, iyong kaibigan niyang si Mr. Bubay yata, iyon ang ginawa niyang parang talent scout para hindi sila mahalata.

“Doon, nanalo na yata… at sa pagkakaalam ko, kaya siya naging Aunor, noong first time na sumali siya, para hindi mahalatang sasali siya ulit, ginawa nang Aunor.

“Noong una ay Villamayor pa yata, pero Nora na ang name.”

Ang turingan ba noon nina Nora at Mamay Belen ay parang mag-ina rin?

“Oo, iyon ang pagkakaalam ko, kasi kapag nagkikita sila ay nag-iiyakan naman sila lagi.”

May tampo po ba si Manay Belen kay Nora?

Sagot ni Lala, “Kasi, parang ang inaano niya, ‘Baka busy.’

“Siguro kaunti, dahil gusto lang niya minsan ay kamustahin siya ni Ate Guy.

“Pero maliit lang naman iyon. Parang tampo lang iyon ng isang magulang sa anak.

“Alam mo naman iyong matatanda na, hindi ba?”

Sa tingin niya, magtatampo ba si Manay Belen kung hindi dadalaw si Ate Guy?

“Siguro,” nakangiting tugon ng dating teen star.

MAMAY BELEN’S LAST MOMENTS. Ano ang huling napag-usapan nina Lala at Mamay Belen?

“Wala naman, nagdyo-joke pa siya sa amin, e.

“Pero bago iyon, tumawag siya sa amin mula Pangasinan at nag-panic talaga ako.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kasi ang sabi niya [sa phone], ‘Lala, hindi na yata ako magtatagal.’

“Kaya bigla akong nagpunta sa Pangasinan.

“Wala kaming driver, kaya kami ni Marion ang naghalinhinan sa pagmamaneho.

“Pagdating namin doon, feeling ko ay parang naglalambing lang siya.

“Kasi nang tinanong ko kung bakit niya sinabi na hind na siya magtatagal, ang sagot niya, ‘Ha, sinabi ko ba iyon?’

“Pinauwi na niya kami dahil wala daw kaming driver at gagabihin kami sa daan.

“Pero iyon na pala yung last day na makikita namin siyang buhay.”

Bago raw siya tinawagan ng kanyang ina, nagkaroon ito ng pneumonia ngunit gumaling na ito.

Kaya nagulat si Lala nang makatanggap ng tawag mula Pangasinan na nagbabalitang pumanaw na ito.

“Tapos daw kumain, nagba-bye pa raw sa mga kasama niya at natulog na.

“Bandang 8 P.M. daw ay napansin nila na natanggal ang dentures ni Mamay Belen.

“Nang gisingin nila ito para ikabit ang dentures ay hindi na raw gumagalaw kaya itinakbo nila ito sa hospital.

“Hindi niya ipinaramdam sa amin na paalis na siya, dahil ayaw niya yung pabigat, e.

“Ang pinaka-consolation namin, hindi na siya naghirap.”

Ano ang pinaka mami-miss nila kay Mamay Belen?

“Iyong music niya at saka yung pagmamahal niya bilang ina.

“Marami siyang mga advices na talagang… halimbawa yung sa showbiz nga, alam na alam niya, mas ma-PR pa sa akin yun, e.

“Noong araw, kapag sumisimangot, sasabihan ka agad niyan na, ‘Huwag ka sumimangot, Huwag ka sumimangot!’” natatawang pagbabalik-tanaw ni Maribel.

Paano niya ide-describe si Mamay Belen bilang isang ina?

“Napakaano niya, kumbaga hindi ka pababayaan, hindi siya pabayang ina.

“Hangga’t maaari, pinagba-bonding-bonding niya kaming mga anak niya.

“Mabuti siyang ina sa aming lahat and halimbawa…

“Siyempre mga magkakapatid, hindi naman lahat maganda ang buhay, kumbaga kung sino ang naaapi, nandoon siya at handang tumulong lagi,” naluluhang saad niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN