Dion Ignacio calls out newbies who do not respect senior stars

Hindi na nakapag-college si Dion Ignacio dahil naging abala siya sa kanyang showbiz career noon. Kaya naman habang wala pang proyekto, naisipan nitong mag-aral ng culinary arts para sa kanyang hinaharap. Naniniwala raw kasi siyang hindi naman panghabambuhay ang showbiz.


Bilang matagal na rin si Dion Ignacio sa showbiz industry at produkto siya ng artista search na StarStruck, gusto niyang matutunan ng mga baguhang artista ang rumespeto at gumalang sa mga batikang artista.

Medyo may mga hindi raw kasi kagandahang asal ang ibang baguhan na hindi man lang nambabati sa set ng mga ginagawang teleserye o pelikula.

Isa raw sa mga nagustuhan niyang newbie ay si Ayra Mariano ng StarStruck Season 6.

Ani Dion, “Mabait siya, e, palabati siya para sa mga nagsisimula.

“Kasi marami sa mga baguhang artista hindi alam yung pagbati-bati, parang respect sa nakakataas. Siya palabati talaga siya.

“Tsaka ako, ganun din, kahit baguhan sila, ako ang nauunang bumati sa kanila para maimpluwensiyahan ko sila na, 'Ganun pala kapag baguhang artista, nagrerespeto ka ng ibang artista.'

“Minsan kasi may mga bagets na hindi pa alam yun.”

May na-encounter na ba siyang ganun?

Sagot ng 30-year-old actor, “Siguro yung mga baguhan, hindi ko na lang siguro imi-mention ang mga pangalan.

“Pero hindi pa rin kasi yata nila alam yun, e.

“Dapat ganun, marunong rumespeto sa mas nakakataas sa showbiz.

“Ako, kapag first time kong nakatrabaho ang isang artista, nagpapakilala ako, ‘Hello po, ako po si Dion. Ako po yung katrabaho niyo dito, ito po yung character ko.’

“So, ganun, kaya ko ginawa sa kanila yun para ma-adapt nila at gawin din nila sa iba yun.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Dion sa charity birthday event nito kahapon, March 28, sa Camillus Medhaven for the Elderly, sa Marikina City.

Kahapon mismo ang ika-30 kaarawan ni Dion.

NEW PROJECT. Ang huling proyekto ni Dion sa GMA Network ay ang Marimar na pinagbidahan nina Megan Young at Tom Rodriguez.

Mayroon naman na raw siyang kasunod na proyekto kasama si Max Collins, pero hindi pa raw niya alam ang detalye nito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Habang wala pang masyadong pinagkakaabalahan, nag-aaral ng culinary arts ngayon ang aktor.

Pahayag ni Dion, “Yung culinary, sobrang hindi siya biro, e, sobrang mahirap talaga.

“Kaya saludo ako sa mga chef, sa mga nasa kusina.

“Hindi pala biro [yung trabaho nila]. Doon ko naranasan maghugas ng plato...

“Lahat gagawin mo talaga, duty ng isang chef din yun na nagsisimula pa lamang.”

Ayon pa sa StarStruck alumnus, pansamantala lang naman ang showbiz at mas maiging mayroong fallback kapag tapos na ang kanyang career.

“At saka ginawa ko rin ito dahil hindi na ako nakapag-college, e, tapos 30 na ako.

“Naisip ko, 'Ano kaya, habang wala akong trabaho ngayon, makapag-aral muna.'

“Kasi hindi naman panghabang panahon ang showbiz, e.

“At least may alam ako, aral ako.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN