James Reid and Nadine Lustre make 72-year-old JaDine fan emotional during their meeting

Tila hindi makapaniwala si Rosela Latigar, 72, nang makaharap niya ang kanyang mga idolong sina James Reid at Nadine Lustre sa isang dance studio ngayong araw, May 12. Payo naman ni Lola Rosela, huwag na huwag nitong lolokohin si Nadine.


Nanikip ang dibdib dahil kinapos ng hininga ang isang 72-year-old fan nang makaharap niya nang personal ang kanyang mga iniidolong artista na sina Nadine Lustre at James Reid.

Naganap ang pagtatagpo ng tatlo kaninang tanghali, May 12, sa G-Force Dance Studio, sa Quezon City, habang nag-eensayo ng sayaw sina James at Nadine para sa kanilang world tour sa Amerika at Canada.

Si Lola Rosela Latigar, avid fan ng JaDine, ay nangarap na makilala nang personal sina James at Nadine bago raw siya bawian ng buhay.

Hindi maipaliwanag ni Lola Rosela kung bakit sa edad nito, sumigla ang kanyang pakiramdam nang mapanood niya ang On The Wings of Love, ang defunct teleserye ng JaDine sa ABS-CBN

Mula sa Dasmariñas, Cavite, solo siyang lumuwas ng Quezon City para panoorin sa Smart Araneta Coliseum noong February 20 ang JaDine In Love, ang major concert ng love team na sinusuportahan niya.

Sa nasabing concert din inamin nina James at Nadine na sila na sa totoong buhay.

Anim na beses din daw pinanood ni Lola Rosela ang This Time, ang blockbuster movie ngayon ng JaDine.

Ang Viva Artists Agency (VAA) ang gumawa ng paraan para matupad ang pangarap ni Lola Rosela na makaharap sina James at Nadine.

Maagang sinundo ng VAA staff sa Dasmariñas, Cavite si Lola Rosela na walang kamalay-malay na makikilala  at makakausap niya nang matagal sina James at Nadine, kaya napaiyak siya sa sobrang tuwa at halos mawalan ng hininga.

Pinasalamatan nina James at Nadine si Lola Rosela at hindi nila napigilan ang matawa sa mga payo sa kanila ng septuagenarian fan.

Sabi ni Lola Rodela, “Maraming pintas kay Nadine, malaki raw ang panga, marami raw taghiyawat at sakang.

“Nanood ako ng sine, pinagmasdan ko na mabuti ang mukha niya, wala naman taghiyawat.

“Tiningnan ko ang panga, tama naman.

“Tiningnan ko ang lakad, maayos naman.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Dapat huwag ganoon mamintas. Maganda naman siya.”

Mensahe naman ni Nadine, “Lola, maraming-maraming salamat po sa suporta ninyo.

“Sa amin po, sobrang sarap sa pakiramdam na masaya kayo kapag nakikita niyo kami. Na nawawala ang pagod niyo.

“Ngayon, yung reaction ninyo nang makita niyo kami!”

Prangkahang sinabi ni Lola Rosela kay James na huwag na huwag nitong lolokohin si Nadine dahil guwapo ang aktor at simple lang ang dalaga.

Nangako naman si James kay Lola Rosela na hinding-hindi niya paiiyakin ang kanyang girlfriend.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN