Ang Filipino veteran actress na si Jaclyn Jose ang itinanghal na Best Actress sa prestihiyosong 69th Cannes Film Festival.
Nagwagi si Jaclyn para sa kanyang pagganap sa pelikulang Ma' Rosa ni Brillante Mendoza.
Bagamat hindi binanggit kung sino ang mga nakalaban ni Jaclyn sa Best Actress category, kabilang sa international actresses na bida sa in competition entries ngayong Cannes 2016 ay sina Charlize Theron (The Last Face), Marion Cotillard (From The Land of the Moon), Kristen Stewart (Personal Shopper), Isabelle Huppert (Elle), Elle Fanning (The Neon Demon), at Sonia Braga (Aquarius).
Kasamang umakyat ni Jaclyn sa stage upang tanggapin ang kanyang tropeyo si Direk Brillante at ang anak ng aktres na si Andi Eigenmann.
Sa kanyang acceptance speech ay naging emosyunal ang The Millionaire's Wife actress.
'I don't know what to say. I am so surprised,' ang tila hindi makapaniwalang panimula ni Jaclyn.
Binanggit ni Jaclyn na pumunta lamang siya sa Cannes para sa red carpet kasama ang kanyang anak na si Andi, na gumanap ding isa sa mga anak niya sa pelikula.
Pagkatapos nito ay pinasalamatan ng Pinay actress ang Cannes at ang Jury na pumili sa kanya para manalong Best Actress.
Hindi rin nakaligtaang pasalamatan ni Jaclyn ang direktor ng pelikula na si Brillante Mendoza.
'He is such a brilliant director, a genius in the Philippines...'
Nagkatrabaho rin sina Jaclyn at Direk Brillante sa mga pelikulang Masahista (2005) at Serbis, na lumahok din sa Cannes noong 2008 at nagpanalo kay Brillante ng Best Director.
Dahil tila hindi na makahanap ng mga salitang sasabihin ay hinila ni Jaclyn ang anak na si Andi sa kanyang tabi.
Pagpapatuloy ni Jaclyn, 'I would also like to share this recognition to all the Filipinos who are here now... to my countrymen, to the Philippines.'
WATCH: Jaclyn Jose so cute in her acceptance speech as Cannes filmfest 2016 best actress
Si Jaclyn ang kauna-unahang Filipino na nanalo ng acting award sa kasaysayan ng Cannes.
Ginanap ang awards night ng Cannes filmfest nitong Linggo ng gabi, May 22, sa France (Lunes ng madaling-araw, May 23, sa Pilipinas).
Ang nakakuha ng Palme d'Or o Best Picture ay ang British film na I, Daniel Blake ni Ken Loach.
Napunta naman ang Grand Prix sa French film na Juste la Fin du Monde (It's Just the End of the World), idinirek ng Canadian director na si Xavier Dolan.
Ginawaran naman ng Jury Prize ang road-trip move na Honey Road ni Andrea Arnold.
Dalawang awards naman ang nakuha ng Iranian film na Forushande (The Salesman) ni Asghar Farhadi: best screenplay at best actor para kay Shahab Hosseini.
Narito ang kumpletong listahan ng mga nanalo sa Cannes Film Festival 2016:
Palme d'Or: Ken Loach - I, Daniel Blake
Grand Prix: Xavier Dolan - It's Only The End of The World
Best Director (tie): Cristian Mungui - Graduation / Olivier Assayes - Personal Shopper
Best Actress: Jaclyn Jose - Ma' Rosa
Best Actor: Shahab Hosseini - The Salesman
Best Screenplay: Asghar Fahardi - The Salesman
Jury Prize: Andrea Arnold - American Honey
Honorary Palme d'Or: Jean-Pierre Léaud
Camera d'Or (best first feature): Houda Benyamina - Divines
Best Short: Juanjo Gimenez - Timecode