Eula Valdes remains avid supporter of President-elect Rodrigo Duterte

Eula Valdes: "Basta masaya ako na nanalo si Duterte."

 


Isa si Eula Valdes sa mga artista na nagpahayag ng suporta kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte noong tumatakbo pa lang ito bilang presidente.

Nagpagawa pa nga siya ng Duterte T-shirts na ipinamigay niya sa mga kaibigan at staff and crew ng Princess in the Palace bago ang eleksyon noong May 9.

At ngayon ay nanalo na si Duterte bilang bagong pangulo ng bansa.

“Masaya ako siyempre,” bulalas ni Eula.

Sa kanyang pahayag, lumalabas na hindi siya katulad ng ilang celebrity supporters ni Duterte na naba-bash dahil sa sobrang umeksena o “pumapel.”

Pakli ni Eula, “Basta masaya ako na nanalo si Duterte.

“Wala akong maiko-comment dun sa ibang supporters niya na sinasabi nyo.

“Wala naman akong karapatang makialam, buhay nila yun.

“Basta nanalo si Duterte, at masaya na ako dun.”

EULA'S DAUGHTER. Sa kabilang banda, abut-abot daw ang kaba ni Eula nang bumiyaheng mag-isa papuntang Australia ang 11-year-old na anak niyang babae na si Juliana o Yana patungong Australia.

Dahil mag-isa ang anak na bibiyahe, hindi raw matapus-tapos ang bilin ni Eula sa anak.

“Sabi ko sa kanya, ‘O, babantayan mo ang bag mo, huwag mong aalisan ng tingin.

“‘Huwag mong pahahawakan sa kahit na kanino, o kung merong magpapahawak sa iyo ng bag, huwag kang papayag!’

“Nerbiyos na nerbiyos ako kasi nga uso ang laglag-bala, di ba?”

Ni hindi nga raw niya pinagdala ng maleta ang anak; backpack ang ipinagamit ni Eula dito.

“E, sa awa naman ng Diyos, nakarating sa Australia ang anak ko nang wala anumang aberya.”

Nagbakasyon kasi si Yana sa Australia sa piling ng ama nitong si Richard Litonjua na doon na naka-base.

Bakit hindi sinamahan ni Eula ang anak gayong nananatili naman silang magkaibigan ni Richard kahit matagal na silang hiwalay?

Paliwanag niya, “E, may trabaho ako dito, e.”

Sa kasalukuyan ay nasa Pilipinas na muli si Yana matapos ang bakasyon nito sa Australia.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

BUSY, BUSY, BUSY. Back-to-back ang shows na ginawa ni Eula.

Sa pagtatapos ng Princess In The Palace sa Biyernes, June 10, si Eula muli ang female lead sa Calle Siete na eere simula sa Lunes, June 13, bago ang Eat Bulaga! sa GMA Network.

Sa Princess In The Palace na papalitan ng Calle Siete ay cast members din sina Christian Vasquez at Ryzza Mae Dizon, pati na ang boyfriend ni Eula na si Rocky Salumbides.

Okay lang ba sa kanila na hindi na kasali si Rocky sa Calle Siete?

Sabi ni Eula, “Okay lang. Kung kasama siya dito, baka isipin na naman ng iba na package deal kaming dalawa.”

Sa Calle Siete ay si Christian muli ang love interest ni Eula.

Hindi kaya magselos si Rocky kay Christian?

“Naku, hindi! Bakit naman siya magseselos?

“Hindi ganun yun, artista rin siya kaya alam niya na ang trabaho ay trabaho.”

Masaya rin si Eula na kasama niyang muli si Ryzza Mae sa Calle Siete.

Alam ng marami ay gustung-gusto ni Eula ang child star.

“Aliw na aliw ako sa batang 'yan, gustung-gusto kong nilalapirot ang mga pisngi niyan!” ang tumatawang kuwento ni Eula.

“At magaling na artista, bata pa lang pero mahusay na siya.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN