Alden Richards and Maine Mendoza pay surprise visit to sick fan

Alden Richards and Maine Mendoza took a short break from their showbiz commitments to visit a sick fan at the Philippine Children's Medical Center in Quezon City on Saturday, June 25. The couple graciously heeded the request of the sick child's dad, who wrote an open letter to Eat Bulaga on Facebook with the hope of cheering his son, who has been confined since May this year.


Laking pasasalamat ni Rommel Molina, isang tagahanga ng Eat Bulaga Dabarkads na sina Alden Richards at Maine Mendoza, dahil napagbigyan ng mga ito na bisitahin ang kanyang may sakit na anak nitong nakaraang Sabado ng hapon, June 25.

Magkasamang tumahak papuntang Philippine Children's Medical Center sa Quezon City sina Alden at Maine matapos ang Eat Bulaga upang bisitahin ang anak ni Rommel na nagngangalang Jhommel.

Bitbit ng dalawa ang kanilang mga regalo para sa bata, kabilang ang isang teddy bear, autographed copy ng Cosmopolitan Philippines magazine kunsaan sila ang nasa cover, at isang basket ng prutas.

Ibinahagi ni Rommel sa kanyang Facebook ang pagdalaw nina Alden at Maine sa kanilang anak.

Bakas sa mukha ni Jhommel ang saya nang makita ang kanyang mga iniidolo. Pinili ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na hindi na ipakita ang mukha ng bata upang protektahan ito.

Saad niya sa kanyang FB post: "Wala pong katumbas na kaligayahan ang naibigay nyo sa aking iisang anak. Alam kung super busy kayo pero naisinggit nyo ang pagdalaw sa aking anak...

"kami po ng aking asawa ay lubos na nagpapasalamat at napaunyakan nyo ang aming munting hiling...more power sa Eat Bulaga! Kay Alden Richards at Maine Mendoza sana marami pa kayong mapasaya at matulungan! God Bless! Thank you... ??????"

OPEN LETTER. Sa tulong ng Aldub Nation, nakarating kina Alden at Maine ang open letter ni Rommel noong Miyerkules, June 22.

Sa sulat, ibinahagi nito na matagal nang tagahanga nina Maine at Alden ang kanyang anak at araw-araw itong nanonood ng Eat Bulaga upang mapanood ang mga ito.

Ngunit simula noong May 20, hindi na umano nasubaybayan ni Jhommel ang 'Kalyeserye' dahil na-confine na ito sa ospital dahil sa komplikasyon sa baga.

Patuloy naman daw tumatanggap ng chemotherapy si Jhommel upang gumaling ito. Bukod dito, nabanggit din ni Rommel na may cerebral palsy din ang kanyang anak.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dahil dito, hinilig ni Rommel na makita nang personal ng kanyang anak sina Alden at Maine lalo pa't nalalapit na rin ang kaarawan nito.

Umabot sa tig-isang libo ang likes at shares ng post ni Rommel sa FB kaya naman agad itong nakarating kina Alden at Maine.

Ang buong sulat ni Rommel:

"Dear Eat Bulaga, Ako po si Rommel Molina, isang masugid na tagahanga ng inyong programa simula pa noong bata pa ako. Wala po kaming pinalagpas ng tanghalian na hindi kami nakatutok sa Eat Bulaga habang nasa hapag kainan. Tinuturing na po naming isang tradisyon ang manood sa inyo tuwing tanghalian lalo na po ang mga nakakaiyak na palabas ninyo tuwing mahal na araw. Nang ako po ay mag asawa ay naging kaugalian na din ng misis ko, biyenan ko at anak ko ang manood sa inyo. Naipasa ko po sa kanilang lahat ang aking hilig sa panonood ng inyong programa habang ako ay nasa trabaho.

"Isa po sa pinaka natutuwa tuwing nanonood ng Eat Bulaga ay ang aking anak na si Jhommel. Siya po ay labing anim na taong gulang na dalagita. Masayahin at malambing po ang aking anak. Palagi po siyang nanonood kasama nang kanyang Lola. Siya po ang natatanging kayamanan naming mag asawa kaya po kami ay natutuwa dahil sa simpleng panonood niya sa inyo ay naibibigay namin ang saya at ligaya na alam naming nararapat para sa kanya.

"Isa po siya sa masugid na tagahanga ni Maine Mendoza at Alden Richards. Isa po siya sa mga tumitili at kinikilig sa kanilang tambalan na Aldub sa Kalyeserye. Sabi pa nga po niya ay idol niya si Ate Maine at crush niya si Kuya Alden. Hindi nawawala ang kanyang ngiti sa tuwing nakikita nya ang mga ito sa TV. At sobrang lakas naman ang kanyang tawa kapag nagkukulitan ang mga Lolas. Para po sa kanya ang panonood ng Eat Bulaga ay naging parte na ng kanyang tanghalian sa araw araw.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Subalit po ngayong mga nakaraang araw at linggo ay natigil po ang kanyang pagsubaybay sa inyo dahil po sa kanyang karamdaman. Simula po ng May 20, 2016 ay nakaconfine po siya sa ospital dahil sa kumplikasyon sa kanyang baga. Nakailang operasyon na din siya para mawala ang tubig sa kanyang baga ngunit dahil sa kumplikasyon na kanyang tinamo ay nagkaroon na din po ng bukol malapit sa kanyang puso. Kakatapos lamang ng kanyang chemo therapy at kami ay natutuwa dahil talagang lumalaban ang aming anak sa kabila ng hirap na kanyang pinagdadaanan. Si Jhommel po ay may isa sa mga batang may Cerebral Palsy at kasalukuyang dumedepende sa respirator sa ICU ng Philippine Children’s Medical Center para sa kanyang paghinga.

"Nalulungkot po ang aking anak dahil ang dami na daw po niyang hindi alam at nasubaybayan sa Kalyeserye. Kaya po hindi ko din maiwasan ang maluha dahil sigurado akong pag nalaman niyang may bagong pelikula sina Alden at Maine ay mawawasak ang kanyang puso dahil hindi niya ito mapapanood. Bawal po kasi ang tv sa ICU kaya kahit gustuhin man naming makapanood siya ng Eat Bulaga ay hindi din maaari. Kaya pinipilit din po namin na iwasan na mapagusapan ang Eat Bulaga.

"Sumulat po ako sa inyo bilang isang ama na nagmamahal ng lubusan sa kanyang anak. Kay Bossing Vic, Tito Sen, at Henyo Master Joey nakikiusap po ako na sana po matulungan nyo po ako sa maliit na hiling ko na mapakiusapan sina Alden at Maine na madalaw nila ang aking anak. Alam ko pong labis na abala sila sa kanilang mga trabaho at naiintindihan ko po na hindi po madali para sa kanila ang magkaroon ng libreng oras. Gusto ko lang po sanang mapaligaya ang anak ko kahit sandali lalo na po at nalalapit na ang kanyang kaarawan. Alam ko pong labis na matutuwa ang anak ko kung makikita niyang dinalaw siya ng kanyang crush at idol. Sana po ay mabigyan pansin po ang liham kong ito at ngayon pa lang po ay gusto ko na pong magpasalamat sa inyong lahat. Hindi man po ninyo mapagbigyan ang aking kahilingan ay lubos pa din po akong nagpapasalamat sa oras na nilaan po ninyo na basahin ang liham ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"More Power po sa Eat Bulaga and God Bless po sa inyong lahat."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN