President-elect Rodrigo Duterte on ABS-CBN: "If they want to destroy you, they will destroy you."

Incoming president Rodrigo Duterte thinks the media, particularly ABS-CBN News, have been biased in their reports about him: "Marunong silang mag-ano. And if they want to destroy you, they will destroy you, that's the problem."


Habang ang karamihan ng lehitimong mamamahayag ay naghihintay kung kailan muling magpapauunlak ng panayam si incoming President Rodrigo Duterte, nagpaunlak siya ng isang ekslusibong panayam sa sexy dancer na si Mocha Uson.

Isang masugid na tagasuporta ni Duterte ang lider ng all-female sexy dance group na Mocha Girls.

Sa kanyang Facebook account, ibinahagi ni Mocha ang video ng kanyang pakikipag-usap sa nahalal na bagong pangulo ng Pilipinas.

Ayon sa video description ni Mocha, nagpunta siya sa opisina ni Duterte upang ibigay ang mga e-mail message ng kapwa niya supporters.

Ngunit sa kanyang pagbisita ay nakausap na rin ng sexy performer si Duterte sa ilang mga isyu, kabilang na ang dahilan kung bakit hindi na siya nagpapa-interview sa media.

Pahayag ni Duterte, “Ang media kasi, they go for sensationalism.

“And kung ano yung would catch the attention of the reading public, sinasadya nila.

“They call it slant or angling.”

Matindi naman itong sinag-ayunan ni Mocha sa pamamagitan ng pagtango.

Ibinigay na halimbawa ni Duterte ang tila pagkaka-misquote ng ABS-CBN News sa pahayag niya minsan kung bakit siya madalas nagmumura.

“Kagaya nito, ito example ko, I was invited by the Rotary of Makati.

“Ang unang tanong, 'Bakit ka nagmumura palagi?'

“Sabi ko, ganito, pumunta ka ng Davao, sa iskwater ako lumaki.

“Ang mga kababayan ko is early squatters na mga Batangueno, e, maano sila sa bunganga, so nakokopya namin.

“So, yung mga ganito, 'put*ng ina,' 'gago,' 'leche ka,' I explained why.

“Ang lumabas sa [dzMM] Teleradyo, sa ABS-CBN, 'Si Duterte, inimbitahan ng Rotarians, walang ginawa kung hindi magmura.'

“I was not really... Kinukuwento ko lang.”

Halos ganito rin daw ang nangyari nang ilarawan niya sa isang press conference ang tatlong uri ng journalists.

“Kagaya noong sa journalism na pinapatay.

“Sabi ko, may tatlong klase ng journalists—yung crusaders for truth, ito yung hindi mo mabibili, talagang true to his advocacy.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ito namang second class, ito yung mga mouthpiece ng mga may vested interest, mga kung sino niya, ito ang defender nila. Yung mga mining PR to soften the news.

“Ang third, ito yung mga criminal masquerading as journalists.

“Alam mo ang ginawa ng ABS, kinopya ang salita ko na ganun, minus itong sinabi ko.

“Yung talagang papatayin ka lang at doon sa ARMM, yung journalists na 67 na pinatay.”

Diin pa ni Duterte, “Marunong silang mag-ano. And if they want to destroy you, they will destroy you, that's the problem.

“Ngayon, sabi ko, kung ganun kayo, hindi na ako magpapa-interview talaga. Mahilig na ganun, e.”

Habang sumasagot, makikita na panay ang pagtango ni Mocha at pagsabi niya ng “yes, sir” sa mga pahayag ni Duterte.

DID GABBY LOPEZ TRY TO BRIBE DUTERTE? Sa sumunod na bahagi ng video, naikuwento ni Duterte ang panahon kung saan sinubukan ng ABS-CBN na maipasok ang SkyCable sa Davao.

Ayon sa salaysay ni Duterte, inakala ng ABS-CBN, partikular na ang chairman nitong si Gabby Lopez, na hindi sila makapapasok sa Davao dahil ang home cable noon sa probinsiya ay pagmamay-ari ng kaibigan ni Duterte.

Sinabi naman daw ni Duterte, na matagal na naging mayor ng probinsiya, walang kinalaman ang kanyang trabaho sa partikular na isyu.

Ayon sa incoming president, inalok siyang bumili ng shares sa ABS-CBN o SkyCable o bayaran siya.

“Sabi ko, yun may-ari. Sabi niya, 'Yun nga ang problema, kabarkada niyo.'

“Sabi ko, 'Nasaan ang application ninyo?'

“Binigay ni Gabby. Blangko, pinirmahan ko, approved. Binigay ko sa kanya.”

Dagdag pa ni Duterte, “Yung mga executives na rin ang may sabi, Gabby Lopez used to say na sa lahat ng provinces na pinasok nila, Davao lang ang hindi nanghingi.

“I want it stated for the record, na sa lahat ng pinasok ng SkyCable, Davao City lang ang walang nanghingi sa kanila.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Mabuti na yung klaro-klaro. For prosperity 'yan, whatever really works for the public.

“Mabuti na yung magsabi tayo ng totoo.

“For once, pinilit ako na magtanggap ako ng ano, I refused. Pinilit.

“After that, I said no.”

WAS ABS-CBN UNFAIR TO DUTERTE? Bago ang sumunod na bahagi ng video, may inset na inilagay si Mocha kung saan nakasulat na naging fair si Duterte kay Gabby Lopez... “naging FAIR ba ang ABSCBN sa kanya itong nakaraang election?”

Kasunod nito, naikuwento ni Duterte ang diumano'y pagiging unfair ng ABS-CBN noong panahon ng kampanya.

Saad niya, “Yung aming 30 seconds [election ad] is almost P900,000.

“May mga ano kaming hindi in-air because they were favoring [presidential candidate Mar] Roxas.

“Ako, I'm not asking for fair play.

“Media is always asking for fairness, but they are the one corrupting the institutions.”

Sa dulo ng interview, sinabi ni Mocha kay Duterte, “We support you, hundred percent, boykot na po natin ang media.

“Yung mga tao po ngayon, umaasa sa Facebook.”

Sagot naman ni Duterte, “Facebook na lang, tutal makukuha mo naman lahat.

“Alam mo 'yang media, bayaran 'yan.”

Todo naman ang pagsang-ayon ng sexy dancer at matinding supporter ni Duterte, “Opo, totoo po 'yan. Iboykot po natin sila.”

Sabi pa ni Duterte tungkol sa media, “Ako, wala na sila.”

Sinubukan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na humingi ng pahayag sa ABS-CBN tungkol sa mga nabanggit ni Duterte.

Ngunit sa ngayon ay wala pang pahayag na ibinibigay ang Kapamilya network.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN