Coco Martin on Duterte administration: "Honestly, masaya po."

IMAGE Noel Orsal

Coco Martin on the current administration's aim to curb criminality: "Ang importante naman talaga, yung totoong kumikilos at totoong pinatutupad nila at ginagawa nila kung ano ang ipinangako nila. Kaya sobrang saya ko po sa mga nangyayari ngayon."


Inamin ni Coco Martin na masaya siya sa pamamalakad ng bagong administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Partikular na ang kapulisan, sa pamumuno ni Philippine National Police Chief Ronaldo “Bato” dela Rosa na hangad na masupil ang krimen, korapsyon, at droga sa bansa.

“Honestly, masaya po,” sabi ni Coco sa thanksgiving press conference ng primetime series niyang FPJ’s Ang Probinsyano, na ginanap sa 9501 Restaurant, sa ELJ Building ng ABS-CBN, Miyerkules ng gabi, July 13.

Ginagampanan ni Coco sa teleserye ang papel ni Cardo, isang alagad ng batas.

Patuloy niya, “Kasi sobrang concerned ako sa family ko.

“Every night kinakabahan ako kung nasa bahay ba ang pamilya ko, kung nakauwi ba sila nang maayos.

“Ngayon, ang pakiramdam ko, yung mga kriminal ang takot ngayon sa nangyayari.”

Sabi pa ng Kapamilya actor, “Feeling ko, ako man, makakalakad na ako nang maayos.

“Kasi dati, parang feeling ko, pag madilim, baka may whatever dito.

“Ngayon, ang feeling ko, yung mga criminal, yung mga gumagawa ng di maganda, sila ngayon ang natatakot.”

Seryoso ang administrasyon ni Duterte sa pagsupil sa droga, patunay ang araw-araw na balita tungkol sa pagtugis sa mga pinaghihinalaang nagtutulak ng droga o mga kriminal.

Saad ni Coco tungkol dito, “Hindi 100 percent na siguro tama o maganda yung nakikita natin, lahat tayo sang-ayon, pero ang importante sa akin may nakikita tayong pagbabago kagaya ng sinasabi nila.

“Ang importante naman talaga, yung totoong kumikilos at totoong pinapatupad nila at ginagawa nila kung ano ang ipinangako nila.

“Kaya sobrang saya ko po sa mga nangyayari ngayon.”

Pero may paalala ang Kapamilya actor.

Sabi niya, “Pero sabi ko nga po, lahat ‘yan, kumbaga dapat inaaral natin yung mga karapatan natin.

“Siyempre hindi naman po ako papayag kung alam kong lumalabag o sumosobra sila sa ginagawa nila.

“Siyempre kahit papa'no, yung human rights, na siyempre lahat tayo tao may karapatan.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dahil sa dumadaming bilang ng mga namamatay na diumano’y sangkot sa pagtutulak ng bawal na gamot, pinag-uusapan ngayon ang tila tumataas na bilang ng aktibidad ng mga vigilante.

TELESERYE’S ADVOCACY. Samantala, natutuwa si Coco sa magandang impluwensiya ng kanilang teleserye, lalo na sa imahe ng mga awtoridad.

“Isa sa mga purpose namin ay muling ibalik yung pagmamahal at tiwala ng mga tao sa ating kapulisan.

“Tutulong kami sa abot ng aming makakaya, napapanood niyo naman sa FPJ's Ang Probinsyano, ipinapakita namin dito yung totoong tao: hindi lahat ng pulis matino, hindi lahat ng pulis tiwali.

“Ipinapakita namin kung paano babaguhin, ipinapakita natin yung totoong buhay.

“Sa ‘kin siyempre, isang malaking isyu ‘yan na mahirap pasukin.

“Pero sabi ko nga, sa pamamagitan ng Probinsyano, sana nakakapaghatid kami ng magandang impormasyon na matututunan ng ating mga manonood.”

VICE GANDA ON "ANG PROBINSYANO." Ibinunyag din ni Coco na ang susunod na magiging guest star sa kanilang teleserye ay ang kaibigan niyang si Vice Ganda.

Tiniyak ni Coco na ibang Vice ang mapapanood nila dito.

Bukod kay Vice, makakasama rin sina Ethel Booba at Chokoleit.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN