Sunshine Dizon no-show in first hearing of VAWC case vs. husband Timothy Tan

IMAGE Sunshine Dizon's Instagram

Umusad na ang anti-VAWC case na isinampa ng aktres na si Sunshine Dizon laban sa kanyang mister na si Timothy Tan nang ganapin ang unang hearing kaugnay nito kahapon, July 14. Nagsampa rin ng kasong concubinage si Sunshine laban sa kanyang asawa.


Natuloy kahapon, July 14, ang unang hearing ng kasong Anti-Violence Against Women and their Children Act (VAWC) o R.A. 9262 na isinampa ni Sunshine Dizon laban sa asawa niyang si Timothy Tan.

Ginanap ang hearing sa tanggapan ni Senior Asst. City Prosecutor Farinda delos Santos sa Quezon City Hall of Justice.

Hindi dumating si Sunshine dahil hindi pa naman daw kailangan ang kanyang presensiya, ayon sa legal counsel niyang si Atty. Claire Castro.

Bale preliminary investigation pa lamang daw iyon.

Wala rin si Timothy pati ang abugado niya, kaya ang panig lang ni Sunshine ang nakadalo.

Tinanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Timothy kung darating siya sa hearing, sumagot siya thru text ng: “We haven’t received any copy of the subpoena.”

Wala raw nakakaalam sa kanila na mayroon na pala silang hearing.

Pero nang makausap ng PEP ang abugado ni Sunshine, sinabi nitong hindi siya naniniwala na hindi alam ng kampo ni Timothy ang tungkol sa hearing.

Pahayag ni Atty. Castro, “Hindi totoo ‘yan.

“Tinanong siya ni Ambet [Nabus, columnist and radio host] kung pupunta siya sa hearing, sabi niya hindi.

“Ibig sabihin, alam niya pero hindi lang siya pupunta.”

Nang ipinarating namin ito kay Timothy, sinabi ng asawa ni Sunshine na hindi niya nakausap si Ambet.

“Hindi ko po talaga nakausap si Ambet, at wala talaga kami nari-receive na subpoena o any information tungkol sa hearing.

“Hinihintay nga namin, e, para alam namin kung ano ang isasagot,” pahayag ni Timothy nang nakausap siya ng PEP ngayong araw, July 15.

CASES FILED. Ayon sa abugado ni Sunshine, ilan sa na-raise sa hearing kahapon ay ang isinumite niyang motion na i-consolidate na sa isang piskalya ang kasong anti-VAWC at ang concubinage na isinampa rin ng aktres laban sa asawa.

Ang kasong concubinage ay sa tanggapan ni Fiscal Ralph Cataquiz diringgin. Pero wala pang naka-schedule na hearing kaugnay dito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dagdag na pahayag ni Atty. Castro, “Isasama na rin namin sa anti-VAWC case si Clarisma Soriano Sison.”

Si Clarisma ang sinasabing kalaguyo ni Timothy at dahilan ng paghihiwalay ng mag-asawa.

Nakatakda na ang susunod na hearing sa July 28.

Hindi pa masabi ni Atty. Castro kung kasama na si Sunshine.

Inaasahan namang dadalo na rin si Timothy o ang kampo nito.

“Iru-ruling na ni Prosecutor at baka padalhan na siya ng subpoena for the July 28 hearing,” bahagi ng pahayag ni Atty. Castro.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN