Regine Velasquez and Donna Cruz reunite in Cebu

IMAGE Glen P. Sibonga

Sa isang mall show ni Regine Velasquez sa Cebu ay nanood si Donna Cruz, kasama ang kanyang anak. Tinawag pa ni Regine si Donna para sa isang impromptu duet.


Labis ang kasiyahan ng magkaibigang sina Regine Velasquez-Alcasid at Donna Cruz-Larrazabal sa reunion nilang dalawa na naganap sa Cebu.

Nagsagawa kasi ng free concert si Regine sa SM City Cebu noong Sabado, July 30, bilang bahagi ng kanyang PLDT Home The Regine Series Nationwide Tour.

Nagsilbi rin itong culminating event sa month-long festivities tagged as "Salamat kaayo, Cebu!" bilang pasasalamat ng PLDT Home at ng brand ambassador nitong si Regine.

Nanood naman ng concert si Donna kasama ang kanyang anak.

Nakabase na sa Cebu si Donna simula nang magpakasal siya kay Yong Larrazabal noong 1998.

Sa isang bahagi ng concert ay tinawag ni Regine si Donna at pinaakyat sa stage.

Tapos ay kinanta nila ang theme song ng 1996 movie nilang DoReMi, ang “I Can.” Kasama rin nila sa pelikulang ito si Mikee Cojuangco.

Ibinuko rin nilang dalawa ang tawagan nila sa isa’t isa, si Donna ay si Doinks, habang si Regine naman ay si Pachuchay.

Pagkatapos ng concert ay nagpunta sa dressing room sa backstage si Donna para bumati kay Regine at sa asawa nitong si Ogie Alcasid.


Sa tulong ng PLDT Home officer na si Maxine Parangan-Loyola ay nakapasok ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa dressing room ni Regine at eksklusibong nakapanayam nang saglit ang Songbird at si Donna.

Agad tinanong ng PEP sina Regine at Donna kung ano ang pakiramdam na reunited silang magkaibigan.

Sabi ni Regine, “Siyempre masaya kasi hindi naman kami laging nagkikita ni Donna. Kasi nga dito na siya sa Cebu.

“Kaya I’m glad na nagkaroon ng Cebu leg ang PLDT Home The Regine Series.

“At saka yung kanta namin kanina, impromptu yun. Nagulat na lang siya noong tinawag ko.

“Game din naman siya kaya bongga!”

Ayon naman kay Donna, “Masayang-masaya ako na makita dito sa Cebu si Regz, pati si Ogie at si Nate.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“And I’m happy to be singing with her again.

“It’s a great feeling pag nakakasama mo ulit ang isang matagal nang kaibigan.”

Huli pa raw silang nagkasama dalawang taon na ang nakararaan nang mag-guest si Donna sa cooking show ni Regine sa GMA Network, ang Sarap Diva.

MISSING MIKEE. Na-miss din daw nila ang kanilang kaibigan at DoReMi co-star na si Mikee.

“Sayang nga wala si Mikee, e. Na-miss tuloy namin siya,” sabay na sabi nina Regine at Donna.

Bukas din daw ang magkaibigan na magsama ulit sa isang proyekto kung may mag-o-offer sa kanila.

Samantala, bukod kay Donna, naging special guest din ni Regine sa concert ang Smart Bro ambassador na si Christian Bautista.

May impromptu duet din sina Ogie at Regine, na hindi binigo ang request ng audience na mag-kiss sila kaya tuwang-tuwa ang mga manonood.

May special appearance sa concert ang PLDT Home ambassadors na sina Miss Universe Philippines 2016 Maxine Medina at Bb. Pilipinas Grand International 2016 Nicole Cordoves, pati na ang Smart Bro ambassador na si Miss Universe Philippines 2014 MJ Lastimosa.

Present din sa event ang PLDT Vice President and Home Marketing Director na si Gary Dujali kasama ang iba pang mga opisyal ng PLDT.

Next stop ng PLDT Home The Regine Series Nationwide Tour ay sa Davao sa Agosto 6.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN