Film director Joel Lamangan firm in opposing Marcos burial at Libingan ng mga Bayani

IMAGE Mark Atienza

Film director Joel Lamangan's speech during a rally against Marcos burial: "Ipagsigawan natin na hindi dapat ilibing si Marcos sa libingan ng mga bayani! Dapat ilagay siya sa libingan ng mga taksil sa bayan!"


Isa ang film and TV director na si Joel Lamangan sa nanguna sa ginanap na Citizens Assembly o protesta laban sa paglibing sa yumaong diktador at dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

Mariing pahayag ni Lamangan sa harap ng mga nagsipagdalo sa rally sa Lapu Lapu Shrine, Luneta Park, Linggo, August 14:

“Ipagsigawan natin na hindi dapat ilibing si Marcos sa libingan ng mga bayani!

“Dapat ilagay siya sa libingan ng mga taksil sa bayan!

“Maggawa ng sementeryo ng mga taksil sa bayan. Doon ilagay si Marcos. One hundred percent agree ako diyan.”

Sa kanyang talumpati, kinondena ni Lamangan ang mga nagsasabing “golden years” ng Pilipinas ang panahon ng administrasyong Marcos.

“Hindi totoo yun! Yun ay panahon ng pananakot. Yun ay panahon ng pangungulimbat.

"Yun ay panahon ng legal na pagnanakaw. Yun ay panahon ng pagbuo ng oligarkiya.”

Kasabay nito ay nagpatutsada ang film director sa dating senador at vice-presidential candidate na si Ferdinand “Bongbong” Marcos.

Sabi ni Lamangan, “Ang nakakatakot, lahat sila nandiyan pa. At naghangad pa na maging VP [vice president].

“At muntik pang manalo. Hindi ba katangahan nating lahat ‘yan?”

Si Lamangan ay kilalang martial-law survivor.

Dalawang beses daw siyang dinakip at tinorture noong First Quarter Storm o kasagsagan ng pagpoprotesta ng mga militante laban sa administrasyong Marcos.

“Ang pang-aapi sa atin ay tayo rin ang kumukunsinte. Hindi tayo lumalaban.

“Sa hapong ito, pinatunayan [natin] na tayo ay handa pang lumaban at makibaka.

“Walang ulan at bagyo ang pipigil sa atin upang ipagtanggol ang nais nating kalayaan at tunay na katarungan.”


MARTIAL-LAW VICTIMS. Bukod kay Lamangan, inihayag din nina Etta Rosales at Aida Failan ang karanasan nila bilang mga biktima ng pisikal at sekswal na pang-aabuso noong martial-law era.

Si Aida ay kabilang sa Claimants 1081 o grupo ng martial-law victims na nagsumite ng reklamo laban sa yumaong Pangulong Marcos.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kuwento niya, “Ako ho ay tinorture sa loob ng kulungan. Tinorture din ho ang aking ama, pati ho asawa ko.

"Ang buong pamilya ko ay dinahas, ni isa na gumawa nito ay walang naparusahan.

“Marami ho kaming sekswal na inabuso. Konti lang ang nagsasalita kasi ang ating lipunan noon hong panahong [iyon]...

“Sana hindi na ngayon pinagtatawanan ang mga tulad namin. Hindi ho nakakatuwa.”


Si Rosales, na kilalang human rights activist at dating Akbayan Citizens Action Party party-list representative, ay biktima rin ng karahasan noong panahon ng martial law.

Aniya, “Isa lamang ako sa mga tinoture, kinuryente at minolestiyang sekswal ng mga alipores ni Marcos.”

Giniit din ni Rosales na hindi nararapat na ilibing ang yumaong diktador sa Libingan ng mga Bayani dahil daw sa laki ng kasalanan nito sa taong-bayan.

“Bakit ba natin dapat tutulan ang paglibing ni Marcos sa Libingan ng mga Bayani? 75,700 claimants na pinaslang ni Marcos, tinorture ni Marcos, dinukot ni Marcos ang siyang lumabas at nangahas na sabihing kami ay biktima ng karahasan ni Marcos.

“Hindi ba ‘yan sapat na ‘yang ebidensiya?

“‘Yan lang ay naaabot pa lamang ng claims board ng batas. Ano pa kaya yung mga nasa bundok?

“Ano kaya yung mga nasa bukid na hindi natin naaabot na siyang pinaslang at sinaktan ni Marcos?

“Hindi ba ebidensiya ‘yan na si Marcos ay hindi isang bayani?”


[gallery id="9660"]


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN