Jolina Magdangal on former Kapuso stars who moved to ABS-CBN: "Sana hindi sila nag-burn ng bridge."

IMAGE Noel Orsal

Jolina Magdangal on moving back to ABS-CBN: "Parang ang ganda lahat ng timing, lahat. Kasi, feeling ko, hindi rin ako magiging ganito kung hindi ako dumaan sa ibang bahay. Iba ang feeling ko nang pagka-welcome sa akin dahil matagal akong nawala. Ngayon, namnam na namnam ko ang warmth ng pag-aalaga nila."


Ikinatutuwa ni Jolina Magdangal na nasa bakuran na rin ng Kapamilya network ang ilan sa mga dating kasamahan niya sa Sunday musical-variety shows ng GMA Network na sina Kyla, Jay-R, Jonalyn Viray (Jona), at Jaya.

Pahayag niya, “Alam mo, happy ako sa kanila kasi nakikita kong masaya sila.

“Lahat naman ng lumipat, magaganda ang nangyari, e.

“So, natutuwa ako sa kanila. Masarap lang dun, kasama ko sila.

“Pero siyempre, ang wini-wish ko lang, sana wala silang naging bad terms or hindi sila nag-burn ng bridge.

“Kasi, ang sarap ng feeling na nakapagpaalam ka nang maayos, gaya ng ginawa ko.

“At thank you kay Perry [Lansigan, Jolina's manager]. Kasi, inalalayan niya ako diyan.

“Basta ang sarap lang ng feeling, like makita mo sila sa awards night or may ihahatid kang friends sa basement, ang sarap lang ng pakiramdam na magkita pa rin kayo.”

Dahil dalawang taon na rin ang nakalilipas mula nang bumalik sa ABS-CBN si Jolina.

Masasabi ba niyang tama ang naging desisyon niyang lumipat?

Saad niya, “Ako, hindi yung decision, timing.

“Parang ang ganda lahat ng timing, lahat.

“Kasi, feeling ko, hindi rin ako magiging ganito kung hindi ako dumaan sa ibang bahay.

“Iba ang feeling ko nang pagka-welcome sa akin dahil matagal akong nawala.

“Ngayon, namnam na namnam ko ang warmth ng pag-aalaga nila.

“Tapos ngayon, makikita mo ang mga dati mong katrabaho, pero ang dami nang bago, pakikisamahan mo ulit ng bago, na okey lang.”

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Jolina sa event ng Super Twins diapers, sa Gaisano Grand Mall, Cebu City, noong August 12.

NEW TRIPLETS. Samantala, nagkaroon na ng story conference para sa pelikulang pagsasamahan nina Jolina, Karla Estrada, at Melai Cantiveros para sa Star Cinema.

Pero ang balita, tila mauudlot pa ang pagsisimula nito.

Totoo nga bang naudlot ang unang pelikulang gagawin nilang tatlong hosts ng Magandang Buhay?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon kay Jolina, “Parang according to my RM [road manager], parang nag-adjust yata ang showing, pati mga shooting, kaya wait lang kami.

“Pina-open na yung schedules so, I guess, baka ma-delay lang.

“Hopefully, ma-delay lang, huwag namang ma-shelve.”

Tungkol daw sa “friendship” ang tema ng pelikula nila at nagustuhan daw niya ito.

Kuwento niya, “Nag-usap kami, sabi namin, 'Kahit ano pa siguro ang istorya ng movie, ang importante, magkakasama tayo.'

“Kasi, for the record, from Your Face Sounds Familiar to Boracay, to Magandang Buhay to movie.

“And siguro, ipinagpi-pray namin, endorsement na kaming tatlo, and if ever, sitcom or teleserye na magaan lang.”

Natawa si Jolina nang hiritan naming silang tatlo nina Karla at Melai ang makabagong Triplets.

Triplets ang tawag sa grupo nina Sheryl Cruz, Manilyn Reynes, at Kristina Paner noong ‘80s.

Sabi naman ni Jolina, “Siguro, ang saya lang na may nakuha kang bagong friends.”

Totoo talaga ang pagkakaibigan nila, hindi for show lang?

“Oo naman,” mabilis na sagot niya.

“Para sa amin, dumating o hindi ang Magandang Buhay, ganun na kami, e.

“At saka, ang sarap lang ng feeling na hindi na kami kailangang i-team building.

“Eto na ‘to, what you see is what you get.”

May isang araw nga raw na wala sila pare-parehong schedule, nagkaroon sila ng girl bonding sa salon at kumain sa labas.

Nagkataon ding isinama nila ang kani-kanilang mga anak kaya para na rin silang nag-mommy bonding.

Ayon pa kay Jolina, “Ang saya lang.

“At saka, kahit sa Magandang Buhay, minsan tinginan lang, nagkakaintindihan na.

“At saka, open kami to accept and respeto rin sa isa’t isa.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN