Robin Padilla believes in sincerity of President Duterte in tiff vs. Sen. Leila De Lima

IMAGE Noel Orsal

Walang nakikitang mali si Robin Padilla sa ginagawang pamamalakad ni President Rodrigo Duterte sa bansa, lalo na ang kagustuhan nitong malinis ang Pilipinas sa ilegal na droga. "Hindi po ito usapin kung sino ang nasasaktan, kung sino ang naapi. Hindi, kundi ano ang katotohanan," pahayag ni Robin.


Hanggang ngayon ay bukambibig ng aktor na si Robin Padilla ang pagiging mabait ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Hindi raw ito gumagawa ng mga bagay na ikasasama ng kanyang kapwa, lalo na ngayong ito ang tumatayong ama ng ating bansa.

Kaya naman minabuti ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na hingan ng reaksiyon si Robin tungkol sa pagbansag ni President Duterte kay Senator Leila de Lima na isang 'immoral senator.'

Kaugnay ito ng akusasyon ng pangulo na tumanggap diumano ng drug money ang dating Department of Justice secretary para sa kanyang kampanya noong May 2016 elections.

Maliban dito ay sinabi rin ni Pangulong Duterte na may relasyon diumano ang senadora sa kanyang driver na may sarili nang pamilya.

Pahayag ni Robin tungkol dito, “Basta ako, sa aking palagay, walang ginagawang mali ang ating pangulo.

“Paumanhin sa inyong lahat, sapagkat ako ay naniniwala hanggang sa mga oras na ito, magmula nung una niyo akong tinanong patungkol kay Mayor.

“Hanggang sa mga oras na ito naniniwala po ako, para sa akin, napakabait pa ni Mayor.

“Napakabait pa po niya, binibigyan pa po niya ng pagkakataon ang mga gustong magbago.

“Sapagkat kung yung gusto ko po ang masusunod na revolutionary government, wala po ‘to.

“Pero dahil si Mayor po ay gusto niya ay maging mahinahon ang lahat kaya sumusunod po ako sa kanya.”

Ano ang masasabi niya sa mga inihayag ni President Duterte laban kay Senator De Lima?

Ayon kay Robin, “Kasi alam ninyo, yung pinag-uusapan... labas ang chivalry, labas ang kung anuman dito.

“Ang pinag-uusapan dito, naglilinis ang pangulo... ako na ang example po.

“Kapag ako ay nasagasaan dito ay hindi po [ako] magrereklamo bilang isang Pilipino na gusto ng pagbabago.

“Kung ano ang sasabihin ng pangulo, susunod ako dahil gusto ko ng pagbabago.

“Yung nangyayari po sa pangulo at sa ating senador, ang tanong po diyan, e, kung sino ang may hawak ng ebidensiya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Mga public servant po sila, tandaan po natin, sila po ay nangako, sila ay nanumpa, una sa Diyos, pangalawa sa bandila ng Pilipinas.

“Kung sino ang nagsasabi ng totoo, siya ang maglabas ng ebidensiya.

“Hindi po ito usapin kung sino ang nasasaktan, kung sino ang naapi.

“Hindi, kundi ano ang katotohanan.”

Nakausap ng PEP.ph at iba pang miyembro ng media si Robin sa launching nila ng kanyang kapatid na si Rommel Padilla bilang endorsers ng Bravo Food Supplement kaninang hapon, August 19.

THE EVIDENCE. Ayon naman kay Pangulong Duterte, may mga hawak siyang ebidensiya na magpapatunay sa kanyang mga paratang kay Senator De Lima.

Naniniwala ba si Robin na may mga ebidensiya nga si President Duterte?

Tugon niya, “Hindi po ‘yan sa tanong kung naniniwala ako, kasi sino ba naman ako para magkaroon ako ng kaalaman sa usapin na ito?

“Yung akin pong opinyon sa oras na ito ay yung pinaniwalaan kong ang katotohanan po ang magpapalaya sa atin.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN