Kontra si Pangulong Rodrigo Duterte na maging host ng Miss Universe 2016 pageant ang American TV host na si Steve Harvey.
Dito sa Pilipinas gaganapin ang susunod na Miss Universe sa January 30, 2017.
Ayon kay Department of Tourism Secretary Wanda Teo, “When I told the President about that, negative agad.
“At ang sabi niya: 'Hindi puwede.' That was what he said,” pahayag ni Sec. Teo sa isang press briefing na ginanap sa Palasyo ngayong Huwebes, September 1.
Dagdag pa ng DOT secretary sa isang press briefing na ginanap ngayong Huwebes, September 1, “And he said: 'I’m going to talk to the Miss Universe na dapat hindi siya.'
“That’s my problem.”
Ayon pa sa ulat ng GMA News Online, balak daw ng kalihim na magtalaga ng isang Filipina co-host sa prestihiyosong beauty pageant kasama si Harvey para raw hindi lubos na magalit ang Pangulo.
“Para medyo hindi talagang magiging... magagalit ang Presidente, siguro maglalagay ako ng a girl from the Philippines that will co-host... probably one from the media,” pahayag ni Teo.
Naging kontrobersiyal ang Miss Universe 2015 pageant na ginanap sa Las Vegas, Nevada, nang magkamali si Harvey sa pag-anunsiyo na si Miss Colombia Ariadna Gutierrez ang nanalo at first runner-up ang kinatawan ng Pilipinas na si Pia Alonzo-Wurtzbach.
Pagkalipas ng ilang sandali, bumalik sa entablado si Harvey upang linawin na ang nanalo ay si Pia at hindi si Ariadna, dahilan upang bawiin ang nakaputong nang korona kay Ariadna at ang sash nito.
Humingi naman ng paumanhin si Harvey sa kanyang pagkakamali.
