Overwhelmed pa rin ang Kapamilya actress na si Myrtle Sarrosa dahil sa pag-follow sa kanya ng dalawang sikat na Hollywood stars sa Twitter.
Ito ay sina Nicholas Hoult ng X-Men, Skins, at Warm Bodies; at si Joe Dempsie ng Games of Thrones at Stranger Things.
Nagkaroon ng pagkakataon si Myrtle na makita ang dalawang Hollywood stars at makapagpa-picture kay Nicholas sa ginanap na AsiaPOP Comicon dito sa Manila.
Habang kinikilig pa ay ikinuwento ni Myrtle sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kung paano siya nagkaroon ng pagkakataong makita sina Nicholas at Joe nang dumating ang mga ito sa bansa.
“Nag-guest po kasi sila sa AsiaPOP Comicon, tapos guest judge din ako sa AsiaPOP Comicon kaya nagkasama kami.
“Ang nangyari kasi, fan niya [Nicholas] talaga ako, so nag-request ako sa organizer kung puwede...
“Kasi, magkaiba talaga ang schedule namin. Parang 1 to 3 siya, tapos ako, iba ang oras ko.
“Sabi ko sa kanila, ‘Baka magawan niyo ng paraan na magtugma para makita ko siya.’
“So, noong una, hindi talaga nila magawan ng paraan kasi sobrang fully booked ang schedules niya.
“So, pinagpaalam nila kay Nicholas Hoult kung puwede ko siyang i-meet.
“Tapos sabi niya, puwede raw.
“Sa kalagitnaan daw ng autograph signing niya at saka picture-taking, pumunta raw ako.
“Sobrang hirap to get a photo kasi very strict yung mga managers niya from U.S.
“But I’m really grateful that he allowed me to meet him in between his tight schedule.
“I had a huge crush on him kasi because of X-Men and it’s a dream come true talaga!” natawang sabi pa niya.
Patuloy ni Myrtle, “Noong makilala ko siya, sinabihan daw siya na kumakanta ako.
“Gusto raw niyang pakinggan ang song ko.
“Pagkatapos kong magpa-picture, hindi ko alam na finollow niya pala ako sa Twitter.
“Tapos, nag-invite siya kung gusto ko raw sumama sa event with other stars pa from Hollywood, after daw ng convention, para magkita-kita.
“Kaso, late ko nang nabasa ang message.
“Kaya noong nabasa ko yung message, para akong iiyak. Nakakalungkot talaga!”

NICHOLAS'S INVITATION. Nang nakausap ng PEP si Mayrtle sa telepono noong Martes ng gabi, August 30, ang alam daw niya ay nasa El Nido, Palawan na si Nicholas.
Nag-reply ba siya kahit late na niyang nabasa ang message sa kanya ni Nicholas?
Ayon kay Myrtle, “Two days after na nag-message siya ako nakapag-reply.
“Sabi ko, hindi ko nabasa agad ang message and I said, ‘Thank you for being nice and accommodating.’
“And sabi ko sa kanya, fan na fan niya ako.
“Natuwa talaga ako sa kanya.”
Ngunit aminado si Myrtle na nanghinayang siyang hindi nabasa agad ang mensahe sa kanya ni Nicholas.
“Grabe, nanghihinayang talaga ako!” natatawang sabi niya.
Si Nicholas ay ex-boyfriend ng Oscar-winning actress na si Jennifer Lawrence (The Hunger Games, X-Men)
JOE DEMPSIE. Ang isa pang Hollywood star na nag-follow sa Twitter account ni Myrtle ay si Joe Dempsie.
Nagkita sila at nag-hi and hello lang daw siya rito, kaya nagulat ang former PBB Teen housemate nang malamang pina-follow na rin siya nito.

Masayang kuwento ni Myrtle, “Doon din kami nagkita sa AsiaPOP Comicon, bigla na lang siyang nag-follow.
“Kasi, sa lahat ng artista, ang dami ring artistang nagpunta, sa Philippines, ako lang ang finollow niya kaya na-flatter talaga ako nang sobra.
“Sabi nga nila ngayon, ako raw ang ultimate fan girl.
“Ako na raw ang ultimate fan girl peg, kasi lahat daw ng nasalubong ko, bigla akong finollow ng mga artista.”
Dagdag pa niya, “Ang guwapo talaga nila...
“As in, sobrang napa-flatter talaga ako.
“For the longest time, hindi ko talaga in-expect na ang isa sa mga idols ko, ipa-follow talaga ako.”
COSPLAYER. Bago maging Big Winner ng Pinoy Big Brother Teen Edition 4 ay kilala na si Myrtle bilang cosplayer.
Kaya malaki ang interes niya sa ginanap na AsiaPOP Comicon.
Pero sa ngayon, sa Hero TV na lang daw siya nagko-cosplay.
“Kaya po sa mga shows, lumilihis ako. Pero sa mga convention, tulad ng Comicon, nagko-costume po ako.”
Masaya rin si Myrtle dahil ang bago niyang album na Now Playing Myrtle ay nasa No. 3 spot daw sa Myx.
“Ang lakas niya ngayon, nag-number 3 ang ‘Mr. Pakipot.’ Nag-number 3 siya sa Myx.
“Kakabalik ko lang, di ba, sa music, tapos bigla na lang, wala, number 3 agad.
“Sabi ng Ivory, okey na raw yun, sobrang taas.
“Talagang sa ngayon, sobrang happy lang po ako sa lahat ng nangyayari sa akin.”
