Maraming gustong mangyari si Joross Gamboa sa kanyang showbiz career bukod sa pagiging isang aktor.
Saad niya, “Gusto ko ring magsulat para sa Star Cinema. Hiwalay naman ang pelikula sa ano, e.
“Actually, mag-a-apply ako, gusto kong mag-apply sa GMA, papasok ako sa production.
“Naisip ko lang dahil, sabihin na natin, sa kabila [Ang Probinsyano of ABS-CBN], kay Coco [Martin] malakas dahil episodal.
“Hindi nagsasawa ang tao, mula ‘yan sa Santino, napag-aralan ko ‘yan.
“Sa Santino, every two weeks, iba-iba ang guests kaya hindi nagsasawa ang tao.
“Ang mga audience ngayon, madali nang magsawa.
“Ang strength ng GMA, comedy. Puwede tayong gumawa ng soap na episodal na comedy.
“Hindi siya sitcom, so isip ako ng ganun.
“Sino ba makokontak sa ganun, sa GMA?” biro pa niya.
Natatawa niyang dugtong, “Pero siyempre, kasama pa rin ako sa cast.”
PRAISES FOR DENNIS, HEART. Ayon kay Joross, isa sa pinaka-espesyal na nagawa niyang teleserye ay ang Juan Happy Love Story ng GMA Network, na magtatapos na ngayong gabi, September 2.
Bida rito sina Dennis Trillo at Heart Evangelista.
“Thankful talaga ako sa GMA na binigyan ako ng ganitong soap at sana magtuluy-tuloy.
“O, di ba, talagang nilalapit, sana magtuluy-tuloy!” natatawang sabi niya.
Mami-miss daw niya talaga ang naturang teleserye kaya siya na rin ang nagpasimuno ng pagkakaroon nila ng Viber group.
“Mami-miss ko talaga ang Juan Happy Love Story kasi isa sa pinakapaborito kong character na ginawa is si Bob, sa lahat ng mga soaps.
“Yung treatment ng Juan Happy, para siyang sitcom na soap opera, hindi siya dull pagdating sa acting ng mga artista.
“Si Dennis at saka si Heart, pagdating sa istorya, totoo.
“At saka kung paano i-deliver yung comedy sa drama, napagmi-mix nila, e... nakakaiyak, nakakatawa.
“Sana magkaroon ulit ng ganito, bihira lang ang ganitong soap.”
DUET WITH ADELE. Magtapos man ang primetime series ni Joross ngayong gabi, kinabukasan ay may bago agad siyang show.
Ito ay ang Superstar Duets kunsaan isa si Joross sa walong celebrity contestants.
May request daw siya: “Sana nga suportahan naman ako ng Juan Happy Love Story family.
“Or huwag na lang din siguro, iligtas ko na lang din sila sa kahihiyan.
“Sosolohin ko na lang ang kahihiyan!” tawa pa rin niya.
Alam naman daw niyang hindi siya singer, at halos karamihan ng makakalaban niya ay singers.
“Actually, parang ayoko na ngang tanggapin kasi alam ko naman ang kapasidad ko.
“E, dahil naman may comic relief, dun ko na lang inano.”
Biro nga niya, “Sa sobrang bilib nga sa akin ng manager ko na si Noel Ferrer, pinasok niya ako sa singing contest.
“Sabi ko nga, kung umabot kami sa Olympic, baka naipasok niya rin ako.
“Ewan ko ba kung ano ang ginagawa ko rito!”
Si Adele ang ka-duet niya at kinanta na raw niya ang "Rolling in the Deep."
Ang susunod daw niyang kakantahin ay "Someone Like You."
“Sabi ko nga sa kanila, e, kung si Adele nga nahirapan nang kantahin yun.
“Hay, naku, ano ba itong napasok ko!”
POINTLESS BASHING. Ang Superstar Duets ay magsisimula nang mapanood ngayong Sabado, September 3.
Ang panalo ay manggagaling lang sa score ng judges na sina Allan K, Aicelle Santos, at Christian Bautista.
Pagpapatawa pa ni Joross, “Kung may text votes, at least, malaki ang pamilya ko and friends.”
Sino sa palagay ni Joross ang magiging mahigpit na kalaban niya?
“Hindi, laban-laban lahat, unpredictable.
“Unang-una, kasama ko rito sina Pekto, Jerald Napoles, Rita Daniela... ang dami pang magagaling.”
“Kaya nga nangba-bash na lang ako dun kasi puwede kang mag-comment .
“So, nag-aasaran na lang kami dun, which is, wala namang point.”
