Suportado ni Robin Padilla ang desisyon ng kanyang kapatid na si BB Gandanghari na magpalit ng pangalan at kasarian.
“Mukha naman siyang masaya. Basta masaya siya, masaya na rin ako,” sabi ni Robin nang makapanayam siya ng ABS-CBN News sa ginanap na baby shower para sa misis niyang si Mariel Rodriguez nitong Sabado, September 3.
Matatandaang noong nakaraang linggo ay ipinaalam ni BB sa kanyang Instagram followers ang pagpa-file niya ng petition sa Superior Court of California para pormal nang mapalitan ang pangalan niyang Rustom Padilla sa Binibini Gandanghari, pati na ang kanyang kasarian.
Ngunit paglilinaw ni Robin, “Hindi naman ibig sabihin nun na kung ako ay masaya, ako ay 100 percent na sampalataya sa ginagawa niya.
“Basta mahal natin sa buhay, masaya sila, tama o mali, masaya siya, okay na rin.
“Ako lang, hangga’t wala kang sinasaktan na kapwa mo, okay sa akin lahat iyan.
“Sa palagay ko naman, masaya lahat ng nasa paligid ni utol, e, di sige.”