Ipinagtanggol nina Robin Padilla at Aiko Melendez si Pangulong Rodrigo Duterte sa gitna ng isyung kinakaharap nito matapos maging kontrobersyal ang kanyang pahayag tungkol kay US President Barack Obama.
Lumikha ng ingay ang mga salitang binitawan ni Pres. Duterte sa isang briefing sa Davao International Airport nitong Lunes, September 5.
Dito ay tinanong ng isang reporter kung paano ipapaliwanag ng Philippine president sa US president ang tungkol sa diumano’y kaso ng extrajudicial killings sa bansa kaugnay sa kampanya ng gobyerno laban sa droga.
May kasamang pagmumura ang sagot ni Pres. Duterte, at isinulat sa mga balita na ang pagmumura ni Duterte ay patukoy umano kay Pres. Obama.
Nag-react ang US at kinansela ang nakatakdang bilateral meeting nina Obama at Duterte sa ginaganap na Asean Summit sa Vientiane, Laos.
May mga tagasuporta ni Duterte ang nagsabing hindi para kay Pres. Obama ang pagmumura ni Pres. Duterte.
Isa na nga rito si Robin na kilalang tagasuporta ni Duterte.
Sa kanyang Instagram post kahapon, September 6, ipinost ng action star ang transcription ng buong pahayag ni Duterte na naging kontrobersiyal:
“You must be respectful. Do not just throw away questions and statements. Putangina (son of a bitch) I will curse you in that forum.”
Dagdag ni Robin sa caption, ang mura na binitawan ni Duterte ay hindi para kay Pres. Obama kundi sa mga reporter na nagtatanong sa Pangulo noong gawin ang briefing nitong Lunes.
“As a clarification, Duterte is referring to reporters who are not respectful and are throwing questions at him that are not on topic.”
Sinundan pa ito ng isang paliwanag sa binitawang mura ni Duterte.
Ekspresyon umano ang paraan ng pagkakagamit ng mura ni Duterte at hindi pagtukoy sa isang tao.
AIKO DEFENDS DUTERTE. Samantala, sa nasabing comments section ng post ni Robin ay nag-react si Aiko Melendez.
Pagtatanggol ng aktres, marami man ang nagulat sa paraan ng pagsasalita ni Duterte, lalo na ang mga hindi sanay, kailangan pa rin daw isipin ang mga ginagawa ng Pangulo upang ipagtanggol ang bansa nang walang hidden agenda.
“Walang perpektong leader! We should always see the good side, i know its not an everyday expression for some people who are conservative but at the end of the day, we must consider how he fights for our Country without hidden agenda and un ang mahalaga.”
Sabi pa ni Aiko, “For me siya pa din ang best president because he addresses our current problem with a solution not just all talk..[smile emoji].”

