Nilinaw ni Arci Munoz na hindi pinagseselosan ng non-showbiz boyfriend niyang si Badi del Rosario si Jericho Rosales.
Ito ay sa kabila ng kaalamang maraming love scenes sina Arci at Jericho sa pinagbibidahan nilang ABS-CBN primetime soap na Magpahanggang Wakas.
Sabi ni Arci, “With my work naman, hindi niya ako pinapakialaman.
“Alam niyang trabaho lang talaga, and kilala naman niya si Echo [Jericho's moniker].”
Si Badi ay anak ni Brunei Prince Jefri Bolkiah at lead vocalist ng Pinoy rock band na Mr. Bones and The Boneyard Circus.
Seloso bang boyfriend si Badi?
Sagot ni Arci, “Hindi naman. Supportive naman yun.”
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Arci pagkatapos ng presscon proper ng Magpahanggang Wakas, na ginanap sa Dolphy Theater sa ABS-CBN compound, Linggo ng hapon, September 11.
Ayon kay Arci, matagal nang magkakilala ang kanyang nobyo na si Badi at si Jericho.
Kuwento ng 27-year-old actress tungkol sa pag-uusap nila ng nobyo, “Siya ang una kong sinabihan nung nalaman kong makakatrabaho ko si Echo.
“Sabi niya, 'Oh, that's good. Say hi na lang. Send my regards to [Jericho].”
Samantala, hindi raw nakaramdam ng pagkailang si Arci kahit na marami silang intimate scenes ni Jericho sa soap.
“I'm very comfortable with Echo, maganda yung eksena, e.”
Pabiro pang sabi ni Arci, “Si Echo, parang pag may kissing scene, excited. 'Yey! May kissing scene.'”
Pero pasubali ni Arci, “Hindi... walang ganun.”
Kinausap ba siya ni Jericho bago sila sumabak sa maseselang eksena?
“Professional naman 'to. Sasabihin niya, 'O, ano ha, trabaho lang.'”
