Inamin ni JC Santos na itinuturing niyang first serious girlfriend ang stage actress na si Teetin Villanueva.
Kasama si Teetin sa cast ng stage play na Ako Si Josephine.
Sa eksklusibong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) para sa PEPtalk, ibinahagi ni JC na kilala siyang playboy sa mundo ng teatro.
Sabi niya, “Yung girlfriend ko ngayon, siya yung una kong niligawan.
“Kasi iba yung interpretation ko ng love noon.”
Paano niya niligawan si Teetin?
Sagot ni JC, “Kasama ko siya sa theater, she was my leading lady.
“Ano kami nun, backstage romance.”
DATING HISTORY. Nag-ugat daw ang “distorted” na konsepto ni JC ng pag-ibig noong nasa elementarya pa lamang siya.
“Nung fifth grade ako, nagka-girlfriend ako!” natatawang pag-amin ng Till I Met You actor tungkol sa maaga niyang pakikipagrelasyon.
“Tapos nalaman ko, tatlo kami. Iba siya! Tatlo kami [na boyfriend niya].”
Sa murang edad ay tumatak daw kay JC ang karanasan niyang iyon.
Balik-tanaw niya sa kanyang pambababae noon, “A, okay... ganyan pala... e, di game! Tatlo ka? Apat ako. Hahaha!”
Nang makilala ni JC si Teetin ay aminado ang binata na may reputasyon siyang playboy.
“Alam mo, kahit siya, nung magiging kami na...
“Kasi medyo kalat sa theater na ano ako... ‘Kumalma kayo kay JC, iba ‘yan.’
“So, alam niya. Actually, aware siya and sabi niya, ‘Risky ‘tong pinapasok ko.’
“Tapos papasok pa kami sa long-distance relationship nun, kasi pupunta ako ng New York.”
A MATTER OF TRUST. Umpisa pa lang ay tanggap na raw ni Teetin kung ano ang nakaraan ni JC pagdating sa pakikipagrelasyon.
Siniguro rin ng binata na walang dapat ikabahala ang nobya, lalo na ngayong unti-unting nakikilala sa showbiz si JC.
Paano ina-assure ni JC kay Teetin na hindi na siya titingin sa iba?
Sagot niya, “Alam mo, actually, hindi ko siya ina-assure.
“Basta ano, hindi na mangyayari yun. Kasi okay na ako, e.”
Kung mayroon mang kaagaw si Teetin sa puso ni JC, iyon ay ang dedikasyon daw ng binata sa trabaho.
“Gusto ko lang mag-focus dun sa work. Nakikita rin naman niya na focused ako sa work.
“Kasi pati siya, hindi ko pinapapansin minsan.”
Ngunit mayroon pa rin naman daw "date nights" sina JC at Teetin.
Sabi ni JC, "Oo naman. Kailangan 'yan, e. Kailangan may oras pa rin.”
Katunayan, nakasama nina Teetin at JC ang mga magulang ng dalaga sa isang "double date" sa restaurant sa Quezon City, noong Linggo, September 11. Base ito sa Instagram post ni Teetin.
Tatlong taon na silang magkasintahan ngayon.

WHO IS JC SANTOS? Si JC ay gumaganap bilang Ali, ang gay chef na ka-love triangle nina James Reid at Nadine Lustre sa ABS-CBN primetime series na Till I Met You.
Kabilang din si JC sa Cosmo Bachelors 2016 o centerfolds ng celebrity hunks para sa Cosmopolitan Magazine.
Abangan ang iba pang rebelasyon ni JC tungkol sa kanyang buhay-pag-ibig at pagsabak sa showbiz sa paglabas ng kanyang PEPtalk episode.
