Anim na buwan na ang nakalilipas muna nang magwakas ang pinagbidahang afternoon soap ni Ken Chan sa GMA Network, ang Destiny Rose, ngunit hanggang ngayon ay damang-dama pa rin niya ang epekto ng tagumpay nito.
Dumagsa nga raw ang magagandang offer kay Ken pagkatapos ng teleserye kung saan gumanap siya bilang isang transwoman.
Bukod sa movie offers at endorsements, nakatanggap din siya ng mga award mula sa Box Office Entertainment Awards bilang Promising Actor of the Year at sa The PEP List Year 3 bilang Teleserye Actor of the Year.
Saad ng Kapuso actor sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), “Hindi naman ako nag-e-expect na magkaka-award.
“Magampanan ko lang nang maganda yung role, okey na sa akin.
“Yung magandang ratings at tumagal kami ng anim na buwan, blessings na yun.
“Idagdag pa yung mga papuri ng mga nakakapanood nito, masaya na ako.
“Yung award, bonus na yun… at inspirasyon ko para mas magtrabaho pa nang maganda at paghusayan yung pag-arte ko.”
Patuloy niya, “Sobrang ang sarap sa feeling kasi ilang buwan na ring wala yung Destiny Rose, pero naaalala pa rin ng mga tao at nabibigyan ng recognition.
“Hindi lang ako, pati na rin yung show.
“And yung pinaghirapan po namin, sobrang worth it.
“Dahil yun sa group effort ng lahat ng taong kasama sa show, hindi lang ako.”
Sabi pa ni Ken, “Ang Destiny Rose po talaga yung nagbigay ng way para maipakita ko yung talent ko bilang actor.
“Ito yung naging daan para mapansin ako ng mga tao. Binago ni Destiny Rose ang buhay ko.
“Ang daming mga pintuan na nabuksan para sa akin, like mga endorsement na pumasok sa akin.
“May mga plans yung GMA sa akin na sobrang nakakataba ng puso.
“Yung mga blessings na dumadating sa akin ang mas nagpapatibay ng loob ko bilang ako at bilang actor.
“After Destiny Rose, mas minahal ako ng mga tao, naramdaman ko yung mas mainit na pagtanggap nila.”
GETTING UNSTUCK. Sa kabilang banda, aminado si Ken na may downside ang naging pagganap niya bilang transwoman sa Destiny Rose sa mga proyektong inaalok sa kanya.
Saad niya, “Ang daming pumasok na pelikula na gusto akong kunin, pero ganun yung role.
“Mga endorsement, maggaganun din ako.
“Okey lang sana if may Destiny Rose pa, kaso wala na.
“Pinag-usapan kasi namin ng GMA-7, umupo kami na ayaw na po nila.
“Ako naman, mas alam nila kung ano yung career path na gagawin sa akin, so sinusunod ko po yun.
“So, ngayon po, ayaw po nila na malinya sa ganung role, kasi baka ma-typecast daw ako.”
Patuloy ni Ken, “Parang napakahirap na tanggalin si Destiny Rose sa akin.
“Kasi hangang ngayon, kahit saan ako pumunta, si Destiny Rose pa rin ang nakikita nila sa akin.
“May mga techniques po kami na ginagawa, hindi ko na ulit magagawa yung ganung klaseng role.
“Kung magagawa ko man, siguro sobrang matatagalan pa.”