Nagkaroon ng appreciation night ang KDKN Solidarity Community, ang grupo ng mga tagahanga nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.
Ito ay bilang paggunita sa fifth anniversary ng KathNiel loveteam.
Ginanap ito noong Biyernes ng gabi, September 16, sa Center Road ng ABS-CBN.
Dumating sina Daniel at Kathryn galing sa maghapon nilang schedules, kasama ang mga ina nilang sina Karla Estrada at Min Bernardo.
Naroon din ang iba pang miyembro ng kanilang pamilya, ilang malalapit na kaibigan, ang Star Cinema head na si Malou Santos, at ang direktor ng Barcelona A Love Untold na si Olivia Lamasan.
Bukod sa napakaraming pagkain, makikitang pinaghandaan talaga ng KDKN Solidarity ang ika-limang anibersaryo ng hinahangaan nilang love team.
Bago matapos ang appreciation night, tatlo sa mga tagahanga nina Kathryn at Daniel ang pinalapit sa harapan.
Ang isa sa kanila ay inalay ang dalawang medalya niya ng pagiging valedictorian kay Kathryn, na naging inspirasyon daw niya sa pag-aaral.
Yung isa naman, sa kabila ng mga pinagdaanan sa buhay ay naging matatag na KathNiel fan.
Isang senior citizen din ang nagpakilala na naging principal sa eskuwelahang pinasukan noon ni Alden Richards, pero dumalo siya bilang tagahanga nina Kathryn at Daniel.
Pagkatapos ng ang appreciation night ay sama-samang nagpunta ang grupo sa pa-block screening ng Barcelona sa Dolphy Theater ng ABS-CBN.
SUPER TOUCHED. Halatang naapektuhan at na-touch si Daniel sa inihandang VTR kunsaan ipinakita rito ang limang taon nila ni Kathryn bilang magka-love team.
Emosyunal na mensahe ni Daniel, “Sa mga supporters, grabe, sobrang... ganito pala ang pakiramdam.
“Parang gusto mong mag-break down sa tuwa, pinipigilan ko lang, e.
“Nakatutok kasi ang mga camera sa akin ng mga ‘to!” biro pa niya.
Patuloy ng tinaguriang Teen King, “Well, gusto kong magpasalamat dahil ngayon, parang mas gusto ko pang pasayahin ang mga KathNiel fans.
“Wala akong masabi kung hindi maraming-maraming salamat, grabe.
“At gusto kong magpasalamat, nag-block screening po kayo, thank you, thank you very much.”
SUPER GRATEFUL. Katulad ni Daniel, nagbigay rin ng mensahe ng pasasalamat si Kathryn.
Aniya, “Ako rin po, gusto kong magpasalamat and, I think, this is the perfect time para pasalamatan ang mga fans.
“Na sa limang taon na yun ay hindi kami iniwan ni DJ, parami pa sila nang parami.
“Sa mga fans ni DJ, fans ko at fans namin together, the KathNiel Solidarity, thank you very much.
“Noong pinapanood namin kanina yung VTR, parang hindi ko alam kung ano ang mararamdaman.
“Sobrang saya, hindi rin ako aware na ang dami ko palang naapektuhang buhay, kami ni DJ.
“Masaya kami na naging parte kami ng buhay ninyo, promise ko na mas lalo pa namin kayong pasasayahin.
“Gusto naming makita na proud kayo sa amin at sa journey na ito, kung hindi niyo kami bibitawan.
“Hawak-kamay tayo dito, sa five years na ito, lalo lang tayong nagiging strong.
“Maraming-maraming salamat sa lahat and sa lahat ng nag-organize ng event na ito.”
Sa bandang huli ay ipinalabas ang video ng ilan pa sa mga fans nila na nabago raw ang buhay at na-inspire dahil sa KathNiel.
SUPER SURPRISED. Samantala, sa kanyang talumpati, sinabi ng ina ni Daniel na si Karla Estrada na sobra niyang ipinagmamalaki ang pelikulang Barcelona.
Saad ng actress-TV host, “Bilang mama… ako mismo, nagulat.
“Nag-init ang tainga ko, nag-high blood ako dun sa kissing scenes na hindi sinabi sa akin.
“So, isa ko sa mga nagulat.
“Ganun pala kapag first time mong makita ang anak mo na humalik ng ibang babae.”
Pahayag pa niya, “2011, we saw the birth of KathNiel.
“Two teenagers full of dreams making their own mark in this industry.
“Dalawang bata na puno ng determinasyon na makatulong sa kanilang pamilya..
“Two hopefuls who wanted to make their parents proud.
“2016, five years later, lahat kami ay nagugulat pa rin to see how far they have gone.
“Pero looking at them now, nakikita ko pa rin ang dalawang batang nakita ninyo noong 2011.
“Both still continue to work with their family and to be better with what they do.
“Kung may nagbago man, ang anak ko, hindi na siyang butiking pasay. Hindi na siya patpatin.
“At si Kat naman, sobrang nag-bloom pa.”
Malaki rin daw pasasalamat niya sa KDKN Solidarity Community.
Aniya, “Salamat sa inyong lahat dahil hindi kayo bumitaw mula sa simula.
“Kasama tayo nina Kathryn at Daniel sa kanilang journey, marami pa silang matutunan in the future.
“Oo naman, pero I’m sure, palagi silang inspired and motivated dahil nandito tayo.
“Nandiyan kayo na palaging nakasuporta sa kanila, mahal na mahal kayo ng KathNiel.
“Hindi dahil mahal niyo sila kung hindi dahil mahal nila kayo because that’s what all you deserve.”
