Gustong linawin ni Cesar Montano ang kumakalat na balitang diumano’y binigyan na siya ng posisyon sa gobyerno ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Isa kasi si Cesar sa solid supporters ng Pangulo, at ilan sa mga kapwa niya Duterte supporters ay nabigyan na ng puwesto sa pamahalaan; katulad nina Arnell Ignacio, Liza Dino, at Aiza Seguerra.
Ayon sa aktor, wala itong katotohanan.
Saad niya, “Wala pa, wala pang position.
“Ako nga, kahit hindi ako mabigyan ng posisyon, okey lang sa akin.
“Gusto ko lang talagang sumuporta dahil nakakatuwa dahil we’re so blessed na itong nangyayari ngayon...
“Tama siya, e, ang una talagang tatanggalin, yung mga drug addict.
“Yung mga liability should turn into assets of the society.”
So, hindi totoong may hahawakan na siyang isang ahensiya o komisyon?
Ayon kay Cesar, “Narinig ko rin iyan, e.
“Pero alam mo kung ano yung ibibigay sa akin ng Presidente, tatanggapin ko nang maligaya.
“It will be an honor and joy for me kung mayroon man.
“Kung wala rin, praise God, pareho lang. Pero I’m still willing to support the President.
“Pero wala pa, wala pang posisyon.”
Wala bang naging offer sa kanya ang Pangulo before or after nitong manalo?
“Wala, wala,” tanggi ng actor-director.
Sa tingin niya, saan nanggaling ang kumalat na balita?
Saad ni Cesar, “Marami nga akong narinig, e. Meron din akong narinig na PCSO. Pero hindi ko pinakikinggan.
“Sa akin, sanay na ako diyan, e, yung mga ganyan.
“Pero kung ano lang yung dumating. Mabuti pang hindi mo na lang asahan.
“Pero wala, ako, when I first helped, when I composed a song for him [noong campaign period], wala, wala kaming usapan.
“Naniniwala talaga ako sa kanya bilang presidentiable, at sabi ko sa kanya, ‘Titindig ako rito.’
“Actually, noong una, ang kinausap ko lang yung anak niya, si Paolo [Duterte, Davao City vice mayor].
“Sabi ko, ‘Paolo, mukhang tatakbo ang tatay mo. Tutulong ako. Game na tayo!’
“Sabi niya, ‘Hindi pa. Maniniwala lang ako pag nag-file na ng certificate [of candidacy].’
“‘O sige, wait.’ So, iyon na, natuloy din.”
Kung halimbawang magdesisyon nga ang Pangulo na bigyan siya ng posisyon, sa tingin niya sa anong ahensiya kaya siya magiging effective?
Sagot ni Cesar, “I don’t know. Alam mo naman, e, sa resume.
“Kung hihingan nila ako ng resume, magbibigay ako, at titingnan nila kung saan ako babagay doon.
“And then, tatanggapin ko, tatanggapin ko iyon.”
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Cesar nang maging special guest siya sa press launch ng bagong TV network na Piaya Network, na ginanap sa Blue Leaf Filipinas, sa Aseana City, Paranaque City, noong September 18.
Inimbitahan daw siyang mag-perform sa event ng may-ari ng naturang network na si Anthony Leo Aguirre, na nagkataong kaibigan din niya.
TRUSTING THE PRESIDENT. Malaki ang tiwala ni Cesar sa kakayahan ni Pangulong Duterte kahit pa raw may mga kumukontra rito.
Saad niya, “That’s why I’m so thankful that we are so blessed that we have good leaders like Duterte, na nagpapalinaw ng magandang future ng Pilipinas.
“Maraming kumukontra, pero mas marami ang naniniwala na magiging maganda yung bansa natin sa future.
“Kasi nababawasan yung mga masasamang tao, nawawala.”
Apektado ba siya kapag may mga taong gustong magpabagsak sa Presidente?
Tugon ni Cesar, “Alam mo, sa totoo lang, lahat tayo apektado.
“Ako, mas apektado ako siyempre, kasi isa ako sa mga tunay na naniniwala sa pinuno ng ating bansa.
“Actually, kapag kinokontra siya, kinokontra niya ang buong bansa, e.
“If you go against the administration, buong bansa yung inaano mo.
“Kasi lider iyon, e, parang tatay natin.
“Apektado tayo. Whether you like it or not, apektado tayo.”
Patuloy niya, “Pag may bumato sa bahay niyo, kahit pinalo ka ng tatay mo kanina at masama ang loob mo, binato yung bahay niyo at nabasag ang salamin ng bahay niyo, masama ang loob mo roon, apektado ka roon.
“Sino yun, di ba?
“So, it’s like in our country, nanalo na yung ating Presidente, we should follow him and trust our President one hundred percent.”
Una na nga raw na dapat suportahan ang war on drugs ng Duterte administration dahil sa dumaraming kaso at krimen na may kaugnayan sa droga.
“Lalo na sa ginagawa niya, totoo naman talagang kapani-paniwala naman yung 700,000 na ang drug dependents, kasama na riyan yung mga protectors, kasama diyan yung mga pushers, lahat-lahat na.
“These are the future na manghoholdap sa iyo, mangre-rape ng anak natin.
“Manloloko doon sa mga tunay at mabubuting investors sa atin na mawawala, masisira.
“For the next 3, 5 to 10 years, eto yun, mawawala na sila yung 700,000, and we still need to do more.
“Isipin mo kung nawala lahat iyan, anong ganda ng bansa natin.”
ASSESSMENT. Bilang isa sa loyal supporters ni Pangulong Duterte, paano niya ia-assess ang mga nagawa ng Pangulo sa ilang buwan ng pamamahala nito sa Pilipinas?
Ayon kay Cesar, “Ako, para sa akin, bilang isang Pilipino, na eto tumanda ako at marami akong pinagdaanang presidente, he has done a lot of things as a president.
“Ilang buwan pa lang siya. Na hindi nagawa ng ibang presidente, at alam nating mga Pilipino iyan, na mas marami siyang na-accomplish for a short period of time.
“Iyan dapat tanggapin natin ang katotohanang iyan.
“Etong nagawa niyang ito [war on drugs], hindi biro ito.
“Mga drug addict ito na puwedeng yung closest friend mo, yung pinakamamahal mong anak o yung asawa mo, puwedeng maging addict at mahawa nito, or mapatay nito, ma-rape nito.
“So, siguro namumroblema tayo.
“Kung hindi niya ginawa ito, malamang dadami pa ito.
“So, satisfied ako sa accomplishment niya.
“I know and I believe in him, I believe in Duterte na mas marami pang maa-accomplish iyan.”
Anong parte naman ng pamamahala ng Pangulo ang sa tingin niya puwede pang ma-improve?
Ayon kay Cesar, “I wouldn’t know kasi siya ang Presidente.
“Ako, hahayaan ko silang gumalaw because they know what they’re doing.
“I am not in any position para bigyan siya ng advise because, sa una pa lang pagkakataon, nakita ko yung pagka-pure ng puso niya sa pagmamahal niya sa bansa natin.”
ON CELEBRITIES INVOLVED IN DRUGS. May listahan ang gobyerno ng mga artistang involved sa drugs.
Sa tingin ni Cesar, dapat ba itong ilabas o isapubliko?
Tugon niya, “Ako, I will let them decide on that.
“Katulad ng sinabi ko pa rin, sila yung nandidiyan sa puwesto, sila ang mag-decide. They know what to do better than me.
“Kasi kaya nga natin sila in-elect, para mag-decide diyan, e, bakit natin sila pangungunahan?
“Kung ano ang sabihin nila, sumunod tayo. Mag-abide tayo.”