Pormal nang naghain ng multiple complaints sa korte ang actress-singer na si Vina Morales laban sa ex-boyfriend niyang si Cedric Lee.
Ito ang nakarating na impormasyon sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kahapon, September 21.
Sa Mandaluyong Regional Trial Court (MRTC) daw isinampa ni Vina ang mga reklamong kidnapping, illegal detention, at paglabag sa Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004 (VAWC) laban kay Cedric at sa kapatid nitong si Bernice Lee.
Base ito sa ulat ni Reggee Bonoan sa Balita tabloid noong September 17.
Kahapon ay nagpadala kami ng mensahe kay Vina, sa pamamagitan ng text, upang humingi ng pahayag tungkol dito ngunit hanggang ngayon ay hindi pa niya sinasagot ang aming mensahe.
MISSING FELLOW INMATES. Kinahapunan, hiningan namin ng reaksiyon si Cedric tungkol dito.
Noong una ay sinabi nitong hindi pa niya alam ang tungkol dito kaya magtanung-tanong daw muna siya sa mga kaibigan niya.
Ilang minuto ang nakalipas, nagpadala ng mensahe si Cedric sa amin.
Dito ay kinumpirma ng negosyante na sinampahan na nga siya ng mga reklamo ng ina ng kanyang anak na si Ceana.
Medyo may halong biro ang kanyang sagot, ngunit maaari raw namin itong gamitin sa aming gagawing artikulo.
Aniya, “Yes, confirmed. Vina filed kidnapping charges against me and my sister.
“We will just wait for the warrants to be issued so we can surrender ourselves to the authorities.
“So I can hang out again with my fellow inmates in city jail. Na-miss ko na sila makasama.”
Sabi pa niya kay Vina, “Tell Vina na tawagin na lang niya akong Bulaklak ng City Jail.”
Ang tinutukoy ni Cedric dito ay ang pagkakakulong niya sa Taguig City Jail dahil sa illegal detention case na isinampa laban sa kanya ng actor-TV host na si Vhong Navarro.
