Tila hindi na nagugustuhan ng maraming netizens ang diumano'y pagiging OA (overacting) supporter ni Mocha Uson kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Tingin ng marami, baka raw nakakasira na siya sa imahe ng pangulo at ng administrasyon nito.
Kagabi, September 22, hindi sinasadyang nakasalubong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Mocha sa lobby ng Manila Peninsula Hotel, sa Makati City.
Noong una ay ayaw sana niyang pumayag magpa-interview dahil naglalabas naman daw siya ng official statement sa Facebook account niya kapag may isyung ipinupukol sa kanya.
Ang pinakahuli nga rito ay ang tungkol sa performance nila ng kanyang grupong Mocha Girls sa New Bilibid Prison (NBP) na nabanggit sa pagdinig ng Kongreso nitong Martes, September 20.
Read: Mocha Uson on concert in Bilibid: 'Ako at ang aking grupo ay nagbigay ng malinis na kasiyahan.'
“BAKIT AKO NAKAKASIRA?” Pero pagkatapos ng ilang minutong pangungumbinsi, nagpaunlak na rin si Mocha ng maiksing panayam.
Diretso naming tinanong ang reaksiyon niya tungkol sa usaping baka nakakasira na siya sa imahe ni President Duterte.
Tugon ni Mocha, “E, bakit ako nakasira? I am a private citizen.
“I do not work for the government. So, ang ginawa kong pagsuporta ay boluntaryo.”
Minsan ay tinatawag na din siyang ‘epal’ at ‘OA.’ Ano ang masasabi niya rito?
Sabi niya, “Inaamin ko na OA talaga ako. OA ako na Duterte supporter.”
Ano ang masasabi niya sa dumarami niyang bashers dahil dito?
Saad ni Mocha, “Okay lang, tuluy-tuloy lang sila sa pamba-bash.
“Kami na mga supporters at saka yung mga nagnanais ng pagbabago, tuluy-tuloy din lang sa pagsuporta kay Pangulong Duterte.
“Pangulo na siya, e, dapat sinusuportahan natin siya.
“Igagalang natin yung mandato ng mga Pilipino na ibinigay kay Pangulong Duterte, irespeto natin yun.”
Mensahe pa niya, “Sa mga bashers siguro, tuloy lang ang pang-bash.
“Maganda rin siguro i-acknowledge niyo yung magagandang nangyayari sa bansa natin at sa mga maraming nakikinabang sa magagandang nagawa ng pangulo natin.”
