Isang achievement para sa young Kapuso actor na si Miguel Tanfelix ang ma-feature sa isang Indonesian newspaper kamakailan.
“Sa Indonesia po, na-feature po ako sa broadsheet na Zetizen, and it’s about musical.ly po talaga, yung app na ginagamit po namin ni Bianca where gumagawa po kami ng music video.
“Nag-send po sila [Zetizen newspaper] ng questions and then sinagot ko po.
“In Bahasa po. For example, anong naitutulong sa akin ng musical.ly.
“Ang sagot ko po dun is ang musical.ly ay natutulungan po akong i-express yung gusto ko pong iparating sa mga followers ko po.
“Like nung nagawa po ng musical.ly na 'Where Is The Love Challenge' po.
“Dahil ngayon po, sa panahon ngayon, marami pong nangyayaring gulo, kaya gusto ko pong iparating yung message na 'Where is the love?'
“Para magmahalan po tayo ulit, and, musically, parang nagagamit ko rin po siya para mai-showcase yung talent ko po, sa app na musical.ly po.”
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Miguel sa presscon ng Usapang Real Love (URL) nitong nakaraang Miyerkules, September 21, sa GMA Network Center.
Ang URL ang pinakaunang interactive rom-com series sa telebisyon na tatampukan nina Miguel at Bianca Umali at mapapanood tuwing Linggo ng gabi sa GMA. Kasama rin nina Miguel at Bianca si Jak Roberto.
Magsisimula na ito sa September 25.
SOCIAL MEDIA INFLUENCERS. At dahil may malaking kinalaman sa social media ang kanilang show, tinanong namin si Miguel kung gaano ka-importante para sa kanya ang social media.
“Yung social media very important po siya dahil unang-una, ngayong panahon po natin na ito, mas marami pong nag-e-engage po sa social media kaysa sa TV.
"Dahil ang social media, nandito ka lang sa ano, makakapag-Instagram ka.
“Pero pag sa TV, kailangan mo pang makauwi, sa bus. Pero anytime, puwede pong ma-access ang social media.
“And them marami pong na-i-impluwensiyahan ang social media, and happy po kami na kami po yung una [na interactive rom-com sa TV], dahil feeling ko po, nakita po nila na may influence po kami sa social media ni Bianca,” paliwanag niya..
Pero kung may maganda ay may pangit ring dulot ang social media, tulad ng bashing.
IGNORING BASHERS. Naaapektuhan ba si Miguel ng mga bashers?
Sabi niya, “May mga nagba-bash po. Pero ang kailangan niyo lang pong gawin dun is huwag niyo po silang pansinin.
“Dahil pag pinansin niyo po sila, kayo po yung maaapektuhan, and mas iba-bash po nila kayo pag nakita po nilang, ‘Ah, pumapatol siya!’”
Ni minsan raw ay hindi pumatol si Miguel sa basher.
Paano niya naku-control ang sarili niya na huwag patulan ang mga ito?
Aniya, “Isipin mo na lang po yung mga taong nagmamahal po sa inyo, dahil mas marami po sila kesa mga nagba-bash po.”
Biro namin sa kanya, maraming nagmamahal sa kanya tulad ni Bianca.
Mahal siya ni Bianca, di ba?
“Yes, yes po,” ang nakangiting sagot ni Miguel.
WILLING TO WAIT FOR LOVE. Marami ang nagsasabing sila na pero ayaw lang nilang umamin.
Balik-tanong niya, “Talaga po?”
Totoo bang sila na pero ayaw lang nilang umamin?
“Hindi po, hindi po totoo yun.
“Hindi pa po kami ni Bianca. Hindi pa po,” diin niya.
Si Miguel ay 18 years old na, habang si Bianca ay 16 years old.
Kapag 18 na ba si Bianca ay doon itotodo ni Miguel ang panliligaw sa dalaga?
Saad niya, “Siguro hindi po todo, kasi pag sinabing…iyon po yung time na mag-i-step up po kami.
“Ako po ha, para sa akin po, kung iyon po yung papayagan.
“Pero hindi ko po itotodo dahil alam po natin na may career pa rin po kaming dapat mas priority.”
Dalawang taon pa ang hihintayin niya.
Paano kung maunahan siya ng iba? Maganda si Bianca at tiyak na maraming nagkakagusto dito.
Maghihintay ba si Bianca sa kanya?
Lahad niya, “Iyon po yung usapan namin na hindi po muna kami magbo-boyfriend/girlfriend hangga’t hindi po siya legal age.”
So may usapan pala silang ganoon?
Ani Miguel, “Opo dahil nga po… hindi naman po yung intention namin na usapan namin about sa love.
“Kumbaga, yung usapan po namin is about sa career na, ‘Huwag muna kaya tayong mag-boyfriend/girlfriend dahil tayo ay nasa… minor pa lang tayo, and alam nating hindi pa tayo ready.’”
