Kabilang ang Kapuso teen actress na si Bianca Umali sa maraming local celebrities na nagiging biktima ng social-media bashing.
Ayon kay Bianca, noong magsimula nang makilala ang love team nila ni Miguel Tanfelix na BiGuel, doon na raw nagsulputan ang bashers at haters nila sa social media.
Pero mapapagod lang daw ang bashers at haters ni Bianca dahil natutunan na niyang dedmahin ang mga ito.
Saad niya, “Actually, gusto ko pa nga po silang pasalamatan kasi inaabangan nila ang bawat kilos ko.
“Kung hindi nila ako gusto talaga, sana hindi nila ako pina-follow sa mga social media accounts ko.
“Napapansin ko po na mas dumarami pa ang followers ko.
“Pakiramdam ko na ang iba doon, mga bashers at haters ng love team namin ni Miguel.
“Ako naman po, hindi ako pikon na tao.
“May kasabihan nga na ‘sticks and stones may break my bones, but words will never hurt me.’
“Yun po ang lagi kong iniisip.
“Kung mga salita lang, wala po yun. Madaling dedmahin.”
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Bianca sa press launch ng URL: Usapang Real Love sa GMA Network Center last week.
STAYING POSITIVE AMIDST THE NEGATIVITY. Nagkuwento pa si Bianca tungkol sa isang basher niyang nag-abala pa raw gumawa ng isang social media account na ang pangalan ay 'Anti-Bianca Umali.'
Lahat daw ng kinu-comment doon ay puro hindi magagandang salita laban sa kanya at sa ka-love team niya.
“Natawa na lang po ako, kasi nag-abala talaga silang gumawa ng ganung account para lang siraan ako at si Miguel.
“They call me malandi, hindi marunong umarte, trying hard… mga paninira lang talaga.
“Pero hindi naman po ako apektado. Natatawa lang po ako sa ginagawa nila.
“Kasi, parang hindi sila busy sa buhay nila.
“Kung nag-effort sila to make that account, it means na importante ako sa kanila.
“Kaya thank you pa rin po sa kanila.
“God bless them at sana balang-araw ay malaman nila na hindi tama ang ginagawa nila sa kapwa nila,” asam ni Bianca.
