Magkasunod na nagsumite ng counter-affidavit sina Timothy Tan at Clarisma Sison sa Quezon City Regional Trial Court kanina, September 29.
Ang counter-affidavits ng dalawa ay para sa reklamong Violence Against Women and their Children Act of 2004 (VAWC) at concubinage na inihain ng aktres na si Sunshine Dizon laban sa kanila.
Sandaling nakapanayam ni Nelson Canlas ng GMA News at iba pang reporters si Timothy sa QC-RTC.
Dito ay kinumpirma ni Timothy na nagkita sila ng kanyang estranged wife na si Sunshine kamakailan.
Kuwento niya, “Nagkataon lang 'yon kasi parang at that time, kinuha ko yung mga kids, and sakto siya yung naghatid.
“Then, parang she's paying yata, nagkita lang kami.”
Kaugnay nito, masaya raw siya ngayon dahil regular niyang nakikita ang kanilang mga anak.
Ani Timothy, “I'm good. I'm good naman kasi I see my kids on a regular basis, so I'm happy for that.”
Samantala, hindi naman nagpaunlak ng panayam si Clarisma, na dumating sa QC-RTC kasama ang kanyang legal counsel na si Atty. Jonathan Amoroso.
Sa kabilang banda, hindi na nagbigay ng anumang pahayag ang kampo ni Sunshine tungkol dito.