“Ay, naku!” sabay pakawala ng malutong na halakhak ang sagot ni Coco Martin sa tanong kung kumusta na ba ang love life niya.
Hanggang ngayon ay nananatiling palaisipan sa publiko ang kanyang love life dahil patuloy ang pag-iwas ng Kapamilya actor sa mga ganitong klaseng katanungan.
Ito ay sa kabila ng patuloy na haka-haka tungkol sa espesyal diumano nilang relasyon ng kapwa Kapamilya star na si Julia Montes.
Pero kahit si Julia ay nananatiling tikom ang bibig sa naturang usapin.
Kagabi, September 29, sa grand presscon para sa unang anibersaryo ng FPJ’s Ang Probinsyano, muli na namang umiwas si Coco sa tanong.
Mas nais daw niyang pag-usapan ang tungkol sa kanyang teleserye na isang taon nang umeere sa ABS-CBN.
Hindi nga maitago ang kaligayahan sa mukha ni Coco dahil naipapalaganap daw nila ang magandang kuwento ng kapulisan.
Napi-pressure ba siya kung paano nila mapapanatili ang mataas na ratings ng Ang Probinsyano?
Tugon ni Coco, “Actually, hindi.
“Kasi sabi ko nga, ipapangako ko in three months, hanggang December po, sisiguraduhin po namin na hindi kayo bibitiw dahil napakaganda po ng aming kuwento na ibabahagi sa inyo.
“Yung librong hindi pa nabubuksan, ito bubuksan na namin para sa inyo.”
Bilang pasasalamat sa tagumpay ng kanilang primetime series, magkakaroon ng star-studded concert ang FPJ’s Ang Probinsyano sa October 8 sa Araneta Coliseum, kung saan tampok ang lahat ng cast ng show at iba pang mga bigating artista sa industriya.
