Lotlot de Leon on bagging acting citation from Indian filmfest: "Hindi talaga ako makapaniwala."

IMAGE Rommel Gonzales

Lotlot de Leon on her Special Acting Citation given during the All Lights India International Film Festival late September: "Noong in-announce nga na meron akong Special Acting Citation, hindi ko agad naintindihan kung ano yung sinasabi nila. Medyo matagal bago nag-sink in sa akin."


Hindi inakala ng aktres na si Lotlot de Leon na makakapag-uwi siya ng tropeyo mula sa katatapos lamang na All Lights India International Film Festival (na bahagi ng Indywood Film Carnival) na ginanap mula September 24 hanggang 27 sa Hyderabad, India.

“Ang alam ko kasi na nominated ay yung dalawang directors ng 1st Sem,” umpisang kuwento ng aktres.

Ang 1st Sem ay ang indie movie na ginawa ni Lotlot na dinirehe ng first-time directors na sina Dexter Hemedez at Allan Ibanez.

Naging nominado ang naturang pelikula sa kategoryang International Competition For Debut Directors.

“So we were invited to attend the film festival in India.

“Ako, aside from representing the film with my directors and my co-star, si Darwin Yu, who played my son Maru in 1st Sem, I really wanted to go to support nga sina Direk Dexter and Direk Allan sa nomination nila.”

Ang mga nakalabang mga foreign directors nina Dexter at Allan ay sina Jagadeesan Subu ng Canada (para sa pelikulang Blossom); Mor Kaplansky ng Israel (Caf Nagler); Nanfu Wang ng China (Hooligan Sparrow); Gholamreza Sagharchiyan at Masoumeh Amradi ng Iran (Houra); Mahdi Hoseinivand ng Iran (Rice Cake); Mia Maariel Meyer ng Germany (Treppe Aufwaerts); Jyoti Singh ng United States (Yadvi) at Derrick Lui ng Singapore (1400).

Ginanap ang awards night sa Ramoji Film City sa Hyderabad ma itinuturing na pinakamalaking film studio sa buong mundo.

At matapos i-announce na nanalo sina Dexter at Allan ay sumunod na in-announce ng hosts ng awards night na dahil sa kahusayang ipinakita ni Lotlot sa 1st Sem (na napanood ng board of jury dalawang araw bago ang gabi ng parangal) ay nagdesisyon sila na sa kauna-unahang pagkakataon ay magbigay ng Special Acting Citation para sa isang artista.

TOTALLY UNEXPECTED. Kahit noong nakaraang taon, na unang taon ng ALIIFF, ay walang artistang binigyan ng Special Acting Citation.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Hindi talaga ako makapaniwala,” bulalas ni Lotlot.

“Hindi ko kasi ine-expect.

“Akala ko yung dalawang directors ko at yung movie namin ang pinarangalan, hindi ko alam na pati ako.

“Noong in-announce nga na meron akong Special Acting Citation, hindi ko agad naintindihan kung ano yung sinasabi nila.

“Medyo matagal bago nag-sink in sa akin,” at tumawa ang aktres.

Bukod sa parangal na iginawad sa kanya, halos maiyak sa tuwa si Lotlot sa dami ng mga foreigners na lumapit sa kanya para i-congratulate siya at purihin ang ipinamalas niyang acting (bilang ina na si Precy) sa 1st Sem.

“Surreal lahat ng naging karanasan ko!

“Yung Special Acting Citation ko, at yung ang daming lumalapit sa akin para mag-congratulate.

“May isang Indian director pa nga na kinausap ako at ang sabi sa akin, ‘I want you to be in one of my future movies!’

“Nakakataba ng puso, sa totoo lang!” pag-amin niya.

FIRST FOREIGN FILMFEST. Pinakaunang film festival abroad ito na dinaluhan ni Lotlot at pinakauna rin niyang international acting citation.

Napag-alaman pa namin na matapos mapanood ng members ng jury ang 1st Sem ay hinanap ng mga ito si Lotlot sa Google para malaman ang kanyang acting/showbiz background sa Pilipinas.

JANINE'S B-DAY BASH. Samantala, pagka-uwi ng Pilipinas galing India noong Huwebes ay lumipad naman patungong Taipei, Taiwan si Lotlot nitong Sabado kasama ang mga anak na sina Jessica, Maxine at Janine Gutierrez.

Doon nila ipinagdiwang ang birthday ni Janine ngayong araw, October 2.

Hindi nakasama sa biyahe ng mag-iina ang nag-iisang anak na lalaki ni Lotlot na si Diego dahil may pasok ito sa school.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN