Mark Anthony Fernandez denies possession of marijuana when he was arrested

IMAGE PNP Region 3

Hindi raw alam ni Mark Anthony Fernandez kung saan galing ang isang kilong marijuana na nahuli sa kanya sa Pampanga kagabi, October 3. Ayon sa aktor, binili pa lamang daw ng marijuana sa isang dealer nang mahuli siya ng mga awtoridad. Kinontra naman ito ng Angeles City police chief.


Itinanggi ng aktor na si Mark Anthony Fernandez na sa kanya ang isang kilong marijuana na nahuli diumano sa kanya sa Pampanga nitong Lunes ng gabi, October 3.

Ngunit inamin niya kay Victoria Tulad ng GMA News na bibili pa lang siya ng marijuana sa isang dealer, kaya wala siyang dalang illegal drugs nang masabat siya ng mga awtoridad.

Iginiit din ni Mark Anthony na hindi siya naaresto sa isang security checkpoint.

Nakatakas naman ang dealer.

Ayon pa sa 37-year-old actor, gumagamit siya ng marijuana upang maiwasan ang sakit na cancer.

Ngunit sa panayam ng GMA News kay Angeles City police chief Chief Inspector Francisco Guevarra Jr., sinabi nitong sinubukan ng police officers na arestuhin si Mark Anthony sa Barangay Birhen delos Remedios checkpoint, pero binilisan daw ng aktor ang takbo ng sasakyan nito.

Nagkaroon daw ng car-chase hanggang sa makorner nila ang aktor sa San Fernando City.

Idinagdag din ni Guevarra sa ulat ng GMA News na ang pakete ng marijuana ay natagpuan sa passenger seat ng sasakyan ni Mark Anthony.

Ngayong umaga ay sumailalim sa drug test ang aktor at pagkatapos nito ay sasailalim siya sa inquest sa Prosecutor's Office.

Si Mark Anthony ay anak ng actress-politician na si Alma Moreno at ng yumaong action star na si Rudy Fernandez.

Hindi ito ang unang pagkakataong nasangkot sa ilegal na droga si Mark Anthony.

Noong 2004 ay boluntaryong pumasok ang dating matinee idol sa Bicutan Rehabilitation Center.

Pagkatapos nito ay ipinagpatuloy niya ang kanyang acting career.

Huling napanood si Mark Anthony sa GMA primetime series na Wish I May (2015) at sa Cannes-winning film na Ma' Rosa.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN