Pampito si Jake Vargas sa siyam na magkakapatid.
At kahit lima silang may trabaho, tila ang Kapuso actor pa rin ang tumatayong breadwinner sa kanyang pamilya dahil siya ang pinakamalaki ang kinikita.
Ayon kay Jake, “Okay lang naman sa akin yung ganito hangga't may nakikita akong maganda sa ginagawa ko.
“Tsaka yung may nararating yung mga pinag-iipunan ko.
“Hangga’t nagpapasalamat, hangga’t may naibibigay ako sa kanila, okay ako.
“Ganun lang naman yun.”
Dahil na rin sa mga responsibilidad niya, never napabalita si Jake na nasangkot sa masamang bisyo.
Paano niya ito naiiwasan sa mundong ginagalawan niya?
Aniya, “Malalaman mo naman 'yan sa sarili mo, e, kapag may lumapit sa iyong tao na ganyan.”
May mga lumapit na nga raw sa kanya.
Kuwento ni Jake, “Sasabihin ko, ‘A, wala, wala. Hindi ako puwede sa ganyan, pare!’
“Kasi alam ko namang may pamilya ako na sinusuportahan, masisira ang buhay ko diyan.
“Pag nasimulan mo ‘yan, magdidire-diretso na, masisira ang buhay ko.”
Hindi kataka-taka na pabor si Jake sa ginagawang kampanya ng gobyerno laban sa droga.
Willing daw siyang magpa-drug test at pati raw sana lahat ng artista.
‘TRABAHO LANG.’ Sa isang banda, dati ay buhay na buhay ang tandem nina Jake at Bea Binene na JaBea, hanggang sa nabuwag na ang real-life romance ng dalawa.
Ngayon, sina Bea at Derrick Monasterio na ang magkapareha sa upcoming fantasy series ng GMA Network na Tsuperhero.
Si Jake naman ay leading lady si Inah de Belen sa afternoon drama series na Oh, My Mama.
Reaksiyon ng young actor, “Okay naman, okay lang naman sa akin, wala naman pong problema.”
Dahil ba nandiyan na nga si Inah?
“Basta trabaho, trabaho lang din po,” ang nakangiting sagot ni Jake.