Comedienne Whitney Tyson reveals struggle as a showbiz has-been

IMAGE Courtesy of GMA Network

Whitney Tyson says she's gotten tired trying to get back to showbiz: "Sasabihin nila na meron na't mas magaling sa akin… masakit kapag sinabi nilang laos ka na. Artista pa rin ako, wala lang akong kinang!"


Hindi na marahil kilala ng maraming kabataan ngayon ang komedyanteng si Whitney Tyson, na unang sumikat dahil sa hit gag show ng ABS-CBN na Goin’ Bananas noong 1988.

Sa pamamagitan ng documentary program ng GMA-7 na Front Row, ipinakita ang buhay ngayon ng dating sikat na komedyante sa isang relocation site sa San Jose del Monte, Bulacan.

Ipinalabas ang naturang docu-feature noong November 14.

Biglang sikat si Whitney noong 1988 dahil nakipagsabayan siya sa pagpapatawa noon sa show ng Bad Bananas group nina Christopher de Leon, Edgar Mortiz, at ang mga yumao nang sina Jay Ilagan at Johnny Delgado.

Nadiskubre si Whitney ng isang talent scout sa isang disco sa Angeles City, Pampanga.

Noong gabing iyon ay nakita siyang nakikipag-away sa isang Amerkano na tagabantay sa pintuan ng disco.

Kuwento ni Whitney, “Sa Angeles kasi, may disco para sa mga white at may disco para sa mga black.

“E, napunta ako doon sa disco ng mga puti, ayaw akong papasukin noong kano.

“Nakipag-away ako kasi residente ako doon tapos ayaw akong papasukin, nag-i-Ingles ako habang inaaway ko siya.

“Noong maubusan na ako ng Ingles, tinagalog ko siya, e, pinapanood pala ako ng bakla, natawa sa akin.

“Siya nagdala sa akin sa Maynila kasi naghahanap daw sila ng puwedeng komedyante sa isang TV show.”

Ayon pa sa komedyante, ang yumaong aktor na si Jay Ilagan ang nagbansag sa kanya bilang Whitney Tyson.

“Noong una, ipinangalan nila sa akin ay Puwitny, kasi ang tambok ng puwet ko.

“Tapos noong taon na iyon, nanalo si Mike Tyson sa boxing… sumikat pa si Whitney Houston.

“So, pinagsama na yung names nila at naging Whitney Tyson.

“Since kalahi ko naman daw ang mga ‘yan, yun na ang maging pangalan ko!” tawa niya.

HEYDAY. Noong mawala sa ere ang Goin’ Bananas noong 1991, kinuha siya ng ibang TV shows tulad ng Mara Clara, Tropang Trumpo, Richard Loves Lucy, Margarita, at ang huli niyang TV show na Super Inggo.

Napasama rin siya sa mga pelikulang Yes Darling: Walang Matulis Na Pulis 2, Otso-Otso Pamela Mela Wan, Astig, Mondomanila, at Espesyal Kopol.

Pero hindi raw naging maingat si Whitney sa kanyang kinikita.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ubos-biyaya raw siya at tawag nga niya sa sarili ay “one-day millionaire”.

Kuwento pa niya, “Noon kasi, mabilis ka lang kumita; sasabihin kaagad ng manager ko, kaliwaan.

“After mag-tape, bigay na yung budget, ang pinapalabas kong pera sa isang araw, kung hindi sampung libo, walang-wala yun.

“Pinakamaliit lang niya ay limang libo o pitong libo.

“Kasi noong time na yun, ang nasa isip ko noon, lagi naman meron, e.

“Lagi naman may show, e, lagi naman may shooting, lagi naman may guesting.

“E, di gastos lang nang gastos, hindi ako nag-isip na biglang mawawala nang ganun.

“Unti-unti, nawawala yung mga taping at ang pelikula, nawawala dahil pumasok ang pirate-pirate na 'yan.

“Doon ako natuto na pag may kikitain ako, i-save ko muna.”

Dahil sa kawalan ng offers na lumabas siya sa TV, ang pag-e-emcee na lang sa mga fiesta at birthday parties ang naging trabaho ni Whitney.

“Kapag may naaamoy na kaming piyesta, magtatanong na ako niyan, may tatawag naman sa akin.

“Noon, ang mga suot kong damit sa isang show, umaabot ng dalawa hanggang tatlong libo.

“Ngayon, pinagkakasya ko na sa isang daang piso ang isusuot ko.

“Pinagsu-show nila ako, komedyante naman ako kaya kahit ano ginagawa ko para makapagpatawa lang.”

HAS-BEEN. Inaasam ni Whitney na maging abala muli sa showbiz kahit may mga nagsasabing 'laos' na siya.

Saad niya, “Nami-miss ko yung puyatan na taping, nami-miss ko yung pag nagkamali ako, nabubulyawan ako ng direktor. Nami-miss ko yun.

“Kaso wala na, napagod na rin akong pumunta sa mga production office.

“Sasabihin nila na meron na't mas magaling sa akin… masakit kapag sinabi nilang laos ka na.

“Para bang hindi katanggap-tanggap na laos ka na, artista pa rin ako, wala lang akong kinang!"

Kung mabibigyan lang daw ulit ng pagkakataon si Whitney, pangako niyang mas magiging maingat na siya sa kanyang kikitain.

“Mabigyan lang ako ng pagkakataon ulit, ibang Whitney Tyson na ang makikita nila.

“Mamahalin ko na ang trabaho at mas mamahalin ko na ang aking sahod.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

BUNNY FOWLER. Ang tunay na pangalan ni Whitney ay Bunny Fowler at ipinanganak siya sa Angeles, Pampanga.

Black American ang ama niya at black Filipino-American naman ang kanyang ina.

Hindi na nakagisnan ni Whitney ang kanyang ama dahil sanggol pa lang daw siya noong mamatay ito sa isang aksidente.

“Twenty-five percent lang ang Filipino blood ko, half-Filipino and half-Black American ang mother ko kasi.

“Hindi ko na nakilala ang tatay ko. Kapag may mga PTA meetings noon sa school, ako lang ang walang tatay.

“Wala kasi akong maipakita sa kanila,” pag-alala pa niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN