Jose Manalo on exclusion of Vic Sotto-starrer from MMFF: "Kung may karapatang sumama ang loob, siguro meron."

IMAGE Noel Orsal

Jose Manalo, seen here in costume, shares Vic Sotto's disappointment at the non-inclusion of their movie, Enteng Kabisote 10 and the Abangers, from this year's eight MMFF entries: "Medyo nabigla rin kaming lahat. Nag-usap nga kami ni Bossing na naging ganun ang desisyon. Wala tayong magagawa, e. Iyon ang inano ng committee, yun ang gusto nila."


Nakikiisa si Jose Manalo sa kalungkutan at disappointment ni Vic Sotto dahil hindi nakasali sa walong official entries ng Metro Manila Film Festival 2016 ang pelikula nilang Enteng Kabisote 10 and the Abangers.

Bilang madalas na sidekick ni Bossing Vic sa MMFF entries nito, si Jose ay naapektuhan din daw sa naging desisyon ng MMFF Selection Committee.

Sabi ng mahusay na komedyante at host, “Medyo nabigla rin kaming lahat.

“Nag-usap nga kami ni Bossing na naging ganun ang desisyon.

“Wala tayong magagawa, e. Iyon ang inano ng committee, yun ang gusto nila.

“Sabi nga ni Bossing, iyon ang panlasa nila. So, talagang pareho kami ng pinag-uusapan.

“Kaya lang, ang iniisip namin, sana panoorin din ng mga bata at makapunta rin sila.

“Kasi alam mo naman, tuwing Pasko lang sila kadalasan nagkakaroon ng sariling pera, di ba?”

Tila nakasama na si Jose ni Bossing sa panata nitong magbigay ng kasiyahan sa mga bata tuwing Kapaskuhan sa pamamagitan ng pelikulang handog nila sa MMFF.

Patuloy ni Jose, “Kasi naging tradisyon na natin iyon, e.

“Sabi ko nga, ako nalulungkot ako, e.

“Noong minsan, gumawa si Bossing ng movie na wala ako ng Christmas, [pero] sumama pa rin ako sa parada, e.

“So, naging panata na namin iyon, e.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Jose sa grand media launch ng Enteng Kabisote 10 and the Abangers, na ginanap sa Annabel’s restaurant sa Tomas Morato Ave., Quezon City, noong Nobyembre 24.

Sa direksiyon nina Tony Y. Reyes at Marlon Rivera, ang Enteng Kabisote 10 and the Abangers ay mapapanood simula sa November 30.

SACRIFICES. Ayon pa kay Jose, na kilalang-kilala dahil sa Eat Bulaga!, marami silang isinakripisyo at hirap na dinaanan para lang makaabot sa deadline ng MMFF.

Binago na kasi ang rules na kailangan. Original pa ay dapat "finished film" ang isa-submit, bagamat panghuli ay tinanggap din ng MMFF Execom ang "picture lock." 

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kuwento ni Jose,“Yung hinabol namin yung submission, talagang puyat-puyat kaming lahat.

“Umaga pa lang, nakaganito na kami [make-up at costume].

“Inaabot kami ng 4 o’clock, 5 o’clock in the morning na walang tanggalan ito.

“Tapos, from Eat Bulaga, naka-lola, takbo ng shooting.

“So, pagod at hirap yung pinuhunan namin nina Bossing. Lalo na si Bossing, minsan naiiwan pa iyan.

“Tapos, editing, dubbing, minadali namin.

“Tapos, eto yung ending.

“So, talagang nagulat kami. Kung may karapatang sumama ang loob, siguro meron kahit konti.

“Pero sa desisyon, wala kaming magagawa, sila ang masusunod.”

CONCERN & SUPPORT. Kung mayroon man daw nakapagpalubag ng kanilang loob ay iyong maraming mga taong nagpakita ng concern at suporta, lalo sa social media.

Sinabi ng mga ito na magiging iba raw ang MMFF dahil walang movie si Bossing Vic. Kaya panonoorin daw nila ang Enteng Kabisote 10 and the Abangers sa November 30.

Ayon kay Jose, “Nakakatuwa dahil nakita namin maraming concerned din sa amin, marami rin ang nakikiisa sa amin.

“Yung ibang tao, lalo na yung wala naman masyadong kaya sa buhay, hindi naman palanood ng sine iyan e, tuwing Pasko lang sila nanonood ng sine.

“So, mapapaaga lang yung Pamasko nila.

“Sana magkita-kita rin kami sa mga sinehan, dahil alam ko mag-iikot-ikot din kami sa mga sinehan,” ani Jose.

Dahil sa magandang samahan nila ni Bossing Vic, tila mahirap na silang paghiwalayin ni Jose.

Lagi kasi silang magkasama sa pelikula man o sa telebisyon. Wish nga rin ni Jose na magtagal pa ang samahan nila.

Panalangin niya, “Sana, sana.

“Ako rin, kahit pinapagawa ako ng solo [project], nagkukonsulta pa rin ako sa kanila, kay Bossing, kay Mr. [Tony] Tuviera, kay Ma’am Malou [Choa-Fagar].

“Okay lang ako habambuhay sidekick ni Bossing, wala namang problema sa akin.

“Hangga’t nandiyan si Bossing, sidekick kung sidekick.

“Hindi na ako naghahangad na mag-solo pa.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ipinagpapasalamat nga raw ni Jose na nakilala niya at naging kaibigan si Bossing.

“Iba talaga iyan. Parang kuya namin iyan, kapatid namin talaga.

“At saka ganun siya on- and off-camera, ganun siya, e, mabait.

“Kung anong mangyari sa akin, nandiyan siya. Kung malungkot ako, sasamahan ako niyan. Ganun siya, e.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN