Coco Martin overwhelmed by box-office success of Super Parental Guardians

IMAGE Mark Atienza

Coco Martin on the box-office success of Super Parental Guardians: "Sobrang nakakatuwa at nakakataba ng puso... Para sa akin hindi na yung pera, e. Parang mas maganda na nakapagapasaya ka ng ganung karaming tao. Yun ang pakiramdam na sobrang worth it yung pinaghirapan namin."


Hindi makapaniwala si Coco Martin sa laki ng kinita ng pelikulang Super Parental Guardians sa opening day nito.

Bagamat hindi ito nakasali sa Magic 8 ng MMFF 2016 official entries, pinilahan at patuloy na sinusuportahan ng mga manonood ang pelikulang pinagbibidahan nina Coco at ng kaibigan niyang si Vice Ganda.

Sa interview ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Coco nung nakaraang Huwebes, bago ito lumipad patungong Middle East para sa Ang Probinsyano: Isang Pamilya Tayo tour, masaya ang aktor na nagbunga ang lahat ng hirap at pagod nila para sa paggawa ng Super Parental Guardians.

Pag-amin niya, “Actually, di nga ako makapaniwala.

“Paggising ko kaninang umaga, sobrang pagod na pagod ako, kasi lumalagare ako sa taping, at the same time, pagpu-promote para sa pelikula.

“Hayun nga, paggising ko kaninang umaga, nakita ko nga na 75 million ang kinita kahapon nung pelikula.

“Sobrang nakakatuwa at nakakataba ng puso.

“Hindi yung kita. Para sa akin hindi na yung pera, e.

“Parang mas maganda na nakapagapasaya ka ng ganung karaming tao.

“Yun ang pakiramdam na sobrang worth it yung pinaghirapan namin.

“Sabi ko nga, kahit sinegue ko yung pagte-taping saka yung paggawa ng pelikula, talagang nagbunga siya sa pagtutulungan namin ni Vice, ni Direk Joyce, sa galing ng dalawang bata, at sa lahat ng bumubuo ng pelikula, at sa suportang binigay sa amin ng Star Cinema.

“Kaya sobra talaga akong nagpapasalamat sa lahat ng mga tao na nanood, sumuporta.

“Sana po panoorin ninyo dahil sigurado ako na talagang tatawa kayo nang sobra-sobra at makakalimutan ninyo ang inyong mga problema.

“Di ko ine-expect na ganito kalaki, pero ine-expect ko na magugustuhan nila.

“Sabi ko, kung tinangkilik nila last year ang Beauty and the Bestie, alam ko kasi na talagang mas maganda ito, talagang pinag-aralan naming mabuti.

“Dinoble namin yung action, yung comedy, tapos may dalawang bata na bonus, talagang pinag-aralan namin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Saka siyempre, iba rin ang binigay ni Direk Joyce.

“Siguradong-sigurado ako, sabi ko nga, kahit makapasok siya sa Metro Manila Filmfest or hindi, alam ko na magugustuhan ito ng mga manonood.”

DRIFTING APART. Sa interview kay Julia Montes sa nakaraang trade launch ng mga bagong shows ng Kapamiya network ay inamin nito na hindi na sila gaanong nakakapag-usap sa ngayon ni Coco.

Kaya naman nabalita kamakailan na nag-break na ang dalawa.

Sinang-ayunan naman ni Coco na wala na nga sila gaanong komunikasyon ng aktres sa ngayon.

Aniya, “Honestly, ngayon nga nawawala dahil sa sobrang busy ko.

“Ganun din siya sa Doble Kara.

“Siguro darating din yung pagkakataon na alam ko na lahat ng bagay na ito, magiging cool din, mapapanatag din.

“Siguro dun ako babawi sa pamilya ko at sa lahat ng mga tao.”

NOT COURTING YASSI. Tinanong din si Coco sa usap-usapan ngayon na ang bagong dinidiskartehan niya raw ay ang bagong kapareha sa Ang Probinsyano na si Yassi Pressman.

Mabilis niyang tanggi, “Hindi, hindi, hindi.

“Si Yassi kasi sobrang bait.

“Napakabait na bata, kaya sabi ko nga, sana may mai-share ako sa kanya, at sana mahaba pa ang mapuntahan ng career niya.”

PROJECT WITH LIZA? Lumabas din kamakailan ang balita na nakalinya na raw umpisahan ang isang serye na pagtatambalan nila Coco at Liza Soberano sa 2017.

Ayon naman sa aktor ay pangarap niya talaga na makatrabaho ang magandang aktres.

“Naku, pangarap ko pa lang yun.

“Sana matuloy. Sana magkatrabaho kami,” panalangin niya.

CHRISTMAS WITH FAMILY. Ang darating na Kapaskuhan naman ang nakikitang pagkakataon ni Coco para makapagpahinga at para makabawi na rin sa pamilya niya na hindi niya gaanong nakakasama dahil sa sobrang abala niya sa trabaho.

“Bahay lang, babawi naman ako sa pamilya ko at sa sarili ko,” pahabol niya nang tanungin kung saan siya magpapasko.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN