PEP EXCLUSIVE. Oro producer, director clarify reasons why Nora Aunor was replaced by Irma Adlawan

IMAGE Noel Orsal

Director Alvin Yapan on alleged conflict with former Oro lead star Nora Aunor: "Ang pinakadahilan ko ay magkaiba yung vision namin kung paano namin gagawin yung pelikula… It was a professional decision. It's nothing personal. Wala kaming nagawang mali sa kanya. Hindi namin siya sinisiraan." Nora was replaced by veteran actress Irma Adlawan.


Usap-usapan sa sirkulo ng showbiz ang biglaang pagkawala ni Nora Aunor sa cast ng Oro, isa sa walong official entries sa 2016 Metro Manila Film Festival (MMFF).

Si Nora ang orihinal na napiling gumanap bilang Kapitana sa pelikula, ngunit kinalaunan ay pumalit sa Superstar ang batikan ding aktres na si Irma Adlawan.

Kahapon, December 13, ekslusibong nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang producer ng Oro na si Shandii Bacolod at direktor ng pelikula na si Alvin Yapan, sa pamamagitan ng pagtawag sa telepono.

Dito ay binigyang-linaw ng dalawa ang mga kontrobersiya kaugnay ng pagkawala ni Nora sa Oro.

Una na rito ang isyung hindi umano makabisado ni Nora ang mga importanteng linyang kailangan nitong sambitin sa isang matinding eksena.

Pangalawa, idinemanda diumano ng producer ng Oro na si Shandii si Nora dahil tumanggi ang Superstar na ibalik ang natanggap nitong talent fee.

THE SUPPOSED FOUR-PAGE MONOLOGUE. Sa panayam ng PEP, mariing itinanggi ni Shandii ang bali-balitang hindi makapag-deliver ng kanyang linya si Nora kaya ito tinanggal sa pelikula.

“Two things—number one, we cannot deny the fact that the original actress to play the Kapitana in Oro is Nora Aunor, Ate Guy, the Superstar. Totoo yun.

“Pero yung incident na sinasabi na she could not deliver, it’s not true. It’s not the reason,” bungad ni Shandii.

Dahil inspired by a true-to-life story ang Oro, first choice daw si Nora sa papel bilang barangay captain sa isang lugar sa Bicol, na siya ring hometown ng batikang aktres sa tunay na buhay.

Lahat ng creators ng pelikula ay sang-ayon na “perfect for the role” ang Superstar.

Ayon pa kay Shandii, kahit na abala si Nora sa paggawa noon ng Kapuso primetime series na Little Nanay at iba pang proyekto ay kinuha pa rin nila itong lead star ng Oro.

“Initially, she said yes.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Maganda yung negotiation—nagkasundo, nag-briefing, nag-contract signing, nag-reading.

“Okay kami despite na may ginagawa siya. So, we adjusted dun sa schedule niya.

“And eventually, nag-shoot kami and she arrived sa set.”

Naganap ang locked-in at on-location shoot ng Oro, kasama si Nora, sa Bicol noong Marso.

Dito raw nagkaroon ng “kaunting discussion” sa pagitan ni Nora at direktor ng pelikula na si Alvin Yapan.

Paglilinaw ni Shandii, “Sinabi na ito ni Direk on national television—the only problem na nagkaroon lang sila is the vision, kasi Direk wanted a stronger approach sa pelikula.”

Patuloy ng producer, “Particularly, there’s this scene that requires a four-page monologue na walang cut.

“Kasi si Ate Guy was suggesting, 'Puwede ba ganito?' Yun lang naman. Walang argument.

“So, sabi ni Direk, ‘I will try to consider yung suggestion ni Ate Guy.'

"Kasi nasa last part pa ng schedule [yung monologue], pagbalik ng Manila, a week after ng shoot sa Bicol.”

Dagdag ni Shandii, natapos ni Nora nang “maayos” at “walang problema” ang mga eksenang kinunan nila sa Bicol noong araw na iyon.

DIFFERENT VISIONS. Sa hiwalay na panayam ng PEP, kinumpirma ni Alvin ang tungkol sa pagkakaiba nila ng “vision” ni Nora para sa Oro.

Lahad ni Alvin, “Hindi kami nagkaintindihan.

"Hindi kami nagkasundo pagdating sa kung papaano isu-shoot o gagawin yung vision ng pelikula.

“It was a difference on how we envisioned the output of the film is going to be…

“Pero wala namang away. I’d like to think na hindi naman kami nag-away…

“Walang sigawan, walang iyakan, walang drama na ganun on the set.”

Hindi idinetalye ni Alvin kung paano nagkaiba ang vision nila ni Nora dahil mayroon daw “confidentiality clause” ang kontrata nila sa Superstar.

Ngunit kinumpirma ng direktor na apat na sequences ni Nora ang nakunan sa loob ng isang araw nitong shooting sa Bicol. 

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pagkatapos ay nagpaalam daw sa kanya si Nora na nais nitong umuwi ng Manila habang wala pa itong naka-schedule na eksena.

Patuloy ni Alvin, “Noong patapos na yung prod sequence, nagpaalam siya sa akin kung puwede siya bumalik ng Manila. Nag-state siya ng napakaraming dahilan.

“Sabi ko, ‘Okay. Kung hindi po kayo maka-focus, papayagan ko kayo umuwi ng Manila.

“'Tapos pagbalik namin ng Manila, kausapin ko yung producers kung anong gagawin namin.'”


Alvin Yapan, director of MMFF 2016's Oro

CREATIVE DIFFERENCES, CONFLICT OF SCHEDULE. Walang binanggit si Alvin tungkol sa gagawin sanang four-page monologue ni Nora.

Pero nauna nang nabanggit ni Shandii na bahagi ito ng mga eksenang kukunan sa Manila, isang linggo matapos ang shooting ng cast ng Oro sa Bicol.

Pagbalik nga ng Manila, nagkaroon ng meeting sa pagitan nina Alvin, Shandi, at iba pang producers ng Oro tungkol sa mga suhestiyon ni Nora sa paggawa ng pelikula.

Dito ay nanindigan ang direktor na nais niyang ituloy ang kanyang orihinal na konsepto.

Saad ni Alvin, “Kinausap ko yung producer, nasabi ko na, ‘Kung gusto niyo matapos yung pelikula doon sa deadline na ibinigay niyo sa akin, mukhang hindi ko iyon magagawa with Nora Aunor still at the lead.’

“Nagbigay ako ng pointers na ito yung dahilan ko kung bakit ko ginawa yun as a director. Mahirap because of the vision.

“Sabi ko, ‘Kayo, decide as producers.”

Gayunman, bukas pa rin daw si Alvin na manatili sa cast si Nora kung makakapag-shooting ito on schedule.

Patuloy ng direktor, “Ang nangyari sa usapan nila with Nora, hindi na talaga nagkasundo.

“Tapos, dahil nga nagmamadali, we had to look for another actress to take on the role.

“It was a very professional decision on my part and the producers.”

Si Shandii raw ang personal na humarap kay Nora upang ipaalam dito ang napagdesisyunan ng creators ng Oro.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dagdag ng producer, “Kasi nakailang series of talks pa kami [ni Ate Guy]. Nagkaroon pa ng personal meeting. Nakausap ko pa siya sa phone.

“Sinabi ko na eto na yung decision namin, hindi na namin maa-accomodate yung kanyang timeline.

“So we replaced her... And finally, nag-decide kami with Irma Adlawan.”

Ilan sa mga nagawa nang indie films ni Alvin Yapan ay ang mga sumusunod: Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa, Huling Pasada, Ang Panggagahasa Kay Fe, at Gaydar.

NO MONEY ISSUE, NO LEGAL CASE. Samantala, pinabulaanan ni Shandii ang isyung idinemanda niya si Nora.

Kaugnay ito ng usap-usapan sa sirkulo ng showbiz na ayaw raw ibalik ni Nora ang natanggap nitong talent fee sa kabila ng naudlot nitong paglabas sa Oro.

Paglilinaw ni Shandii, “There’s no legal case. No filing, no anything.”

Iginiit din ng producer na walang katotohanan ang bali-balitang P3.5 million ang halaga ng talent fee ni Nora para sa papel ng Superstar sa pelikula. 

Sabi ni Shandii, “Hindi naman kami nagkaproblema in terms of money.

"Kasi, remember, she shot a day with us. May payment na and everything.

“Honestly, hindi ko alam kung saan nanggagaling yung issue. Kasi wala namang nagsasalita sa amin.

“Pero, honestly, wala. Hindi totoo yung P3.5 million.

“Grabe naman! Hindi namin kaya na magbigay ng ganung budget.”

Hindi sinabi ni Shandii kung ang talent fee na ibinayad niya kay Nora ay para sa isang araw ng shooting o para sa kabuuang pagganap nito sa pelikula.

“To be honest, ito lang ang puwede kong sabihin.

“Meron kaming talks na parang, ‘Anong puwede mong magawa for us?’ Yun lang naman.

"'I-endorse mo ba kami?' Pero wala kaming usap na bawian or anything."

Ayon kay Shandii, nang hindi na matuloy si Nora bilang artista ng Oro ay plano sana niya at iba pang producers ng pelikula na kunin itong co-producer.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“But then, pumasok kami sa MMFF. So, nabago lahat.

"Ngayon, wala pa kaming other talks."


Shandii Bacolod, producer of MMFF 2016's Oro

ILL WILL WITH NORA? Samantala, may lumabas na balitang sa galit ni Nora sa pagkatanggal sa kanya sa Oro ay nais nitong sampalin ang direktor na si Alvin sa oras na magkrus ang kanilang landas.

Mariin itong pinabulaanan ng direktor.

Sa katunayan daw ay nagkita sila ni Nora sa isinagawang event na "Countdown to MMFF 2016" sa SM North noong December 3.

Kuwento ni Alvin, “Hindi naman yun nangyari. Nagkasalubong kami, nagkatabi kami. Wala namang sampalan na naganap.

“I don't think magagalit siya. It was a professional decision. It’s nothing personal.

“Wala kaming nagawang mali sa kanya. Hindi namin siya sinisiraan.

“Hindi nga namin alam kung saan nagmumula ang mga balitang ito.

"Kasi dapat ay may confidentiality clause sa kontratang pinirmahan namin sa isa’t isa.

“Kaya ngayon, napipilitan din lamang kami magsalita para linawin ang aming panig."

Sinegundahan din ni Shandii ang sinabi ni Alvin tungkol sa pagkikita ng direktor at ng Superstar noong December 3.

“Hindi ko alam ‘yan [sampalan]. Pero alam naman ni Direk Alvin na may tampo sa kanya si Ate Guy.

“Pero wala naming ganung bayolente. Kasi nagkita na sila sa SM North.

"Nagbigay-pugay si Direk. Hindi mawawala yung respect," giit ni Shandii.

Dagdag ng film producer, “Kung nagtatampo man si Ate Guy, normal lang naman yun.

"Kasi siyempre, yung buong process—yung script reading, yung mga meetings—kasama si Ate Guy. So, mahalaga sa kanya ito.

“Kilala ko si Ate Guy, e. Nakikipaglaban siya sa mga ganito—sa mga Lumad, sa mga inaping mahihirap. Isa ‘yan sa mga advocacy niya.

"Kung nagtatampo man siya sa nangyari sa pelikula, hindi namin puwede itanggi kasi valid yun at karapatan niya yun bilang tao."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

CONFIDENTIALITY AGREEMENT WITH NORA. Inulit ni Alvin ang tungkol sa "confidentiality clause" sa kontrata nila ni Nora, na siyang dahilan kung bakit hindi makapagdetalye ang direktor tungkol sa pagkawala ng Superstar sa cast ng Oro.

Aniya, “Yung mga sinasabi ko sa ‘yo, puro general—I’d like to apologize—pero ang dami namang witness, ang daming nakakita, at nakaalam kung ano ang nangyari.”

Ayon naman kay Shandii, ang naturang "confidentiality agreement" ay ang pagbabawal sa cast at staff ng Oro na magsalita tungkol sa pelikula noong nasa production stage pa ito.

“Nobody knows that we submitted Oro as an entry in MMFF 2016.

"Kaya tawag talaga sa amin, dark horse.

“It was a shock when we got in [sa Magic 8 ng MMFF].

"I think na-shock sila lalo kasi hindi na si Nora ang bida.

“Yun lang naman yung sinasabi ni Direk... Confidentiality clause siya na kapag brineach, may P3.5 million na damages [fee].”

Hindi man natuloy si Nora sa Oro, may official entry pa rin siya sa MMFF 2016. Ito ay ang political-thriller na Kabisera.

Sinubukan ng PEP na hingin ang panig ni Nora sa pamamagitan ng pagpadala ng text message sa kanyang handler na si Marie Cusi. 

At press time, wala pang ibinibigay na pahayag ang kampo ni Nora hinggil dito.

Mananatiling bukas ang PEP sa anumang pahayag ng mga sangkot sa isyu. 


Irma Adlawan (third from left) replaced Nora Aunor for the role of the fearless barangay captain in the movie Oro.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN