Oro director Alvin Yapan on replacing Nora Aunor: "It's really a professional decision."

IMAGE Noel Orsal

Director Alvin Yapan on working again with Superstar Nora Aunor: "Maybe in the future, given the right material, kasi alam ko na yung atake ni Nora as an actress. Maybe mayroong right material na magpi-fit sa kanya at magka-work ulit kami. But definitely not now, kasi masyado pang magulo at hot na hot ang topic."


Nag-react ang direktor na si Alvin Yapan sa naging pahayag ni Nora Aunor matapos siyang palitan bilang lead actress sa pelikulang Oro.

Sa interview sa kanya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), sinabi ng Superstar na wala raw kapatawaran ang ginawa ni Direk Alvin sa kanya

Paliwanag ni Direk Alvin, "Nalulungkot ako na ganun ang iniisip niya.

"Pero kailangan kong ulitin na yung mga pagpapasya ko ay isang propesyunal na desisyon.

"Kasi sa palagay ko, hindi ko matatapos yung pelikula sa deadline na ibinigay sa akin ng producer kapag iyong parehong kundisyon ng pag-shoot ko ay ganun pa rin with her around.

"Kinakailangan ko talagang magdesisyon.

"Sabi ko nga, sino ba naman ako para kalabanin siya? Siya ay ang Superstar, I am a nobody."

Patuloy niya, "Nandoon siya, tapos sa kabila, kinakailangan ko ring bantayan yung demands ng producer sa akin.

"So, kumbaga, ako ito nasa gitna ng dalawang nag-uumpugang napakalalaking bato.

"So, ano ang gagawin ko? Ang gagawin ko talaga ay mapagka-direktor.

"At bilang direktor, ang trabaho ko ay tapusin ang pelikula.

"Ginawa ko iyon at nakapasok pa sa Metro Manila Filmfest, kaya tuwang-tuwa ako.

"Iyon lang, nalungkot ako na ganun yung iniisip niya, pero it was a professional decision on my part."

May mga nagsasabing nagpapakontrobersyal lang si Direk Alvin para sa publicity ng Oro.

Paglilinaw ng direktor, "Hindi nga dapat ito pag-usapan, e.

"Ang utos sa amin ng producer, huwag maglabas ng kung anu-anong mga kontrobersiya.

"Kasi baka matabunan yung isyu sa massacre na nangyari doon sa Caramoan, dapat iyon ang pag-usapan.

"Mas mabigat na pag-usapan iyon kaysa sa mga isyu na ito.

"Kaya iyon parati ang statement ko, it was a professional decision.

"Kung ganun yung naramdaman niya, nakakalungkot.

"Kaya gusto ko na rin sana na mamatay yung isyung ito... kasi ang gusto kong pag-usapan ay iyong pelikula.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ayokong biglang pag-usapan ay kaming dalawa ni Nora.

"Hindi ko naman ito ginawa para sumikat o gumamit ng pangalan ng kahit sino."

Hindi naman daw sumama ang loob ni Direk Alvin sa sinabi ng Superstar, "Hindi talaga."

Lahad pa niya, "Ako kasi, hindi ko ito pinepersonal talaga.

"Hindi kami magkakilala, first time ko ito na makatrabaho at makausap nang malapitan si Nora Aunor.

"So, wala talaga, it's really a professional decision."

Si Irma Adlawan ang pumalit kay Nora sa role ng Kapitana sa Oro, na isa sa walong official entries sa 2016 Metro Manila Film Festival at mapapanood sa mga sinehan simula sa Disyembre 25.

Napabilang din sa Magic 8 ang pinagbibidahang pelikula ni Nora, ang Kabisera.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Direk Alvin sa presscon ng Oro na ginanap noong Disyembre 17 sa Relish Hello Happiness restaurant sa Sct. Limbaga, Quezon City.


Stories We Are Tracking

<em>Oro </em>producer, director explain decision to replace Nora
Oro producer, director explain decision to replace Nora
Nora Aunor speaks up about being replaced in <em>Oro</em>
Nora Aunor speaks up about being replaced in Oro
Irma Adlawan speaks up about replacing Nora in Oro
Irma Adlawan speaks up about replacing Nora in Oro

NOT MEANT TO BE. Bilang pagbabalik-tanaw, natanong ng PEP kay Direk Alvin kung kaninong desisyon ba na gawing bida ng Oro si Nora.

Tugon niya, "Ang desisyong iyon ay nanggaling sa akin, sa aming producer [Mark Shandii Bacolod], at sa aming executive producer [Feliz Guerrero].

"Bakit siya ang napili namin? Kasi gusto talaga namin na maganda yung kalidad ng pelikula.

"Ang gusto ko kasi sana, ang maging slant ng publicity noon kung sakaling lumabas yung Oro with her as lead, na pareho kaming nanalo sa Cairo International Film Festival.

"Siya ay Best Actress ng Cairo International Filmfest for The Flor Contemplacion Story [1995].

"Ako rin, nag-Best Picture for Digital Films ng Cairo International Filmfest for Ang Panggagahasa Kay Fe [2009], kung saan ko ikinast una si Irma Adlawan.

"At pareho pa kaming Bicolano ni Nora Aunor.

"So, parang itinadhana na pareho kaming nanalo sa Cairo tapos pareho kaming taga-Bicol, at doon pa namin isu-shoot yung movie.

"So, iyon sana ang pinapangarap kong publicity, perfect sana.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Nakakalungkot lang na hindi nga iyon itinadhana na mangyari."

Pagkatapos ng insidente, nagkasama na ulit sina Alvin at Nora sa MMFF Countdown sa SM Skydome.

Binati ba niya si Ate Guy?

Pag-amin ng direktor, "Hindi ko siya binati, nagkaanuhan kami, nagkalampasan.

"Of course, it's very awkward, kasi sino ang papansin kanino?

"Ako naman, since it's a professional decision on my part, parang wala namang dapat ipagpatawad o patawarin.

"Ito ay mga propesyunal na desisyon at hindi personal.

"Kasi, si Shandii, dahil nga siya ang producer at siya ang humahawak sa buong produksyon, siya ang unang gumawa ng pagtatangka na gumawa ng paraan para ito nga ay malagay sa ayos.

"Si Shandii ang nagtangka na kausapin siya [Nora], kaya lang hindi raw siya pinansin.

"So, ako, sino naman ako para harapin siya at kausapin?

"Siya ang Superstar, isa siya sa mga institusyon ng industriya.

"So, ako ay nandito lang gumagawa ng aking trabaho."

SOME OTHER TIME. Kung mabibigyan ng pagkakataon, gusto niya bang magkausap sila ngayon ni Ate Guy?

Pahayag ni Direk Alvin, "Maybe not now, kasi hindi talaga ako ma-showbiz na tao.

"Ako po ay isang propesor sa Ateneo de Manila, hindi po ito talaga ang mundo ko.

"Nagtuturo po ako ng Philippine Literature, iyon talaga ang main profession ko.

"Pero sa lumalabas, parang 'eto [pagdidirek] na yung nagiging mundo ko ngayon.

"So, anyway, kung gugustuhin ko man na magkausap kami [ni Nora], siguro not now.

"Kasi kung ngayon ko iyon gagawin, baka sabihin ay ginagamit na naman, hindi talaga.

"Maybe in the future, given the right material, kasi alam ko na yung atake ni Nora as an actress.

"Maybe mayroong right material na magpi-fit sa kanya at magka-work ulit kami.

"But definitely not now, kasi masyado pang magulo at hot na hot ang topic.

"Gusto ko na muna na mamatay na yung isyu kasi baka matabunan pa yung mismong tema at mensahe ng Oro."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ano ang mensahe niya para kay Ate Guy?

Lahad niya, "Good luck sa kanyang Kabisera.

"Natutuwa ako na pareho kaming nakapasok pa rin sa Magic 8 ng Metro Manila Filmfest.

"Pareho kaming may entry, so good luck sa Kabisera at natutuwa ako na nangyayari ito ngayong taon sa Magic 8.

"Kahit anuman ang mangyari, bahagi na kami ng kasaysayan na ang tawag nila ay pioneer batch ng Metro Manila Filmfest."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN