Mika dela Cruz on sister Angelika's overprotective ways: "Ramdam na ramdam ko."

IMAGE Noel Orsal

Mika dela Cruz reveals how her older sister Angelika tends to be stricter to her than her parents: "Eighteen years ang agwat namin. So parang puwede na niya kong maging anak, e. Wala, iba ang pag-aalaga niya sa akin, iba ang pagiging protective niya sa akin."


Labing-isang taong naging Kapamilya ang bagong Kapuso star na si Mika dela Cruz.

Mahigit sa kalahati ng edad niyang 18 ang pagiging Kapamilya niya, kaya aminado ang dalaga na naninibago siya ngayong nasa GMA ito.

Pagbabalik-tanaw niya, “Nung lumipat ako, sobra pong nakakapanibago.

“Para kasing hindi ako namulat na trabaho yun.

“Nagsimula ako, naglalaru-laro lang ako.

“'Tapos ngayon, na-feel ko na trabaho na.

“Lumaki na 'ko, naintindihan ko ng trabaho na ang nangyayari sa paligid ko at nakakapanibago.

“Lalo na nag-iba ang atmosphere ko, nag-iba ang work place.

“Ibang tao ang nakakasalamuha ko, bagong lugar, ibang klaseng mga tao, bagong pakikitungo, bagong pakikisama, so nag-a-adjust po.”

PROVING HER WORTH. May pakiramdam ba siyang nagsisimula siyang muli kahit labing-isang taon na siyang artista?

Pagsang-ayon niya, “Oo, may ganun akong pakiramdam na parang kailangan kong patunayan ang sarili ko ulit.

“Kahit na nagawa ko naman siguro, sa dami kong nagawa sa kabila.

“Pero siyempre, bago ‘to, e.

“Hindi nila alam kung paano ako umarte, hindi nila alam kung sino akong tao, wala, iba ako, e.

“Kailangan kong magpakilala, kailangan kong may patunayan sa sarili ko, kaya nagsisimula po ulit ako.”

Napabilang sa 18 movie at TV projects sa ABS-CBN si Mika.

SISTERLY ADVICE. Kung titingnan, tila sinundan niya ang kanyang nakatatandang kapatid na si Angelika dela Cruz bilang isang Kapuso.

Matagal nang Kapuso si Angelika kaya siguradong may mga payo ito sa kanya.

“Si Ate, ang palaging sinasabi niya lang sa akin, just be yourself.

“Kasi palagi akong kinakabahan, palagi akong, 'Baka hindi ako magustuhan. Baka hindi matuwa sa akin. Baka hindi ma-appreciate ang talent ko.'

“Pero sa kanya naman, 'Just be yourself.'

“Kung makita nila kung paano ka sa totoong buhay, magugustuhan ka nila.

“At saka, focus, yun ang palagi nilang sinasabi sa akin.

“Huwag kang matakot sa kahit ano, basta focus ka sa trabaho mo at huwag kang makikinig sa ibang tao, yun po."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Saka binanggit ni Mika ang isa sa mga weaknesses ng kanyang personality.

“E, ako kasi, sensitive ako.

“Kapag may naririnig akong nakaka-down o masakit, yun na, hindi na 'ko makaarte, hindi ko na makita ang talent ko.

“Kumbaga, apektado ako sa sinasabi ng ibang tao tungkol sa akin.”

STRICT ATE. Kumpara sa mga magulang niya, tila mas istrikto pa sa kanya ang kapatid.

Ramdam niya bang mas protective sa kanya ang Ate Angelika niya kesa sa mga magulang?

“Opo naman, ramdam na ramdam ko,” natawang pag-amin niya.

“Eighteen years ang agwat namin.

“So parang puwede na niya kong maging anak, e.

“Wala, iba ang pag-aalaga niya sa akin, iba ang pagiging protective niya sa akin.”

Hindi ba siya parang nasasakal sa pagiging protective ng ate niya sa kanya?

“Hindi naman po, inspired naman po ako. Okey rin naman po sa kanila yung inspirasyon lang.”

LOVE LIFE. Pahayag naman ni Mika tungkol sa love life noong naganap ang grand presscon ng Meant to Be sa Victoria Sports, EDSA, noong January 3, hindi pa raw siya pinapayagan.

Ayon dito, “Sa love life, hindi ko po siya masasabing love life dahil never pa po akong pinayagan ng parents ko na magpaligaw.

“Alam niyo naman siguro yun.

“Ang Ate ko, matapang, itatali ako sa langgaman,” natatawang sabi niya.

Dugtong pa niya, “Wala pa po akong nagiging boyfriend ngayong 18 ako.

“Pero alam ko, ngayong 18 na ako, papayagan nila akong magpaligaw so yun pa lang.”

Binigyang-linaw din ni Mika ang pagkaka-link nila noon ni Paolo Ryle Tan ng Hashtag.

Hanggang saan lang ba talaga umabot kung anuman ang namagitan sa kanila?

“Ay, wala po, naging close lang po kami ni Ryle dahil sa Mirabella, parang best friend po kami.

“Hindi naman naging boyfriend po.

“Kasi nga, sasakalin nga po ako ni Ate.”

So wala pa siyang naging boyfriend?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Wala po at kung ako man po ang papipiliin, non-showbiz po talaga.

“Ayoko po sana ng showbiz. Kuntento ako na non-showbiz kung sakali po.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN