Nora Aunor apologizes to INC for "Iglesia Ni Manalo" remark

IMAGE Courtesy: elisoriano.com

Hindi pinalampas ng mga miyembro ng Iglesia Ni Cristo (INC) ang pagtawag ni Nora Aunor sa kanilang relihiyon na "Iglesia Ni Manalo." Kaya naman matapos siyang mabatikos, humingi na ng kapatawaran ang Superstar sa kanyang nasabi.


Humingi ng paumanhin ang Superstar na si Nora Aunor sa pamunuan ng Iglesia Ni Cristo (INC) dahil sa pagtawag niya sa kanilang relihiyon na "Iglesia Ni Manalo."

Sinabi ito ni Nora sa selebrasyon ng ika-36 anibersaryo ng Ang Dating Daan (The Old Path) noong December 9, 2016, na ginanap sa Mall of Asia Arena, Pasay City.

Ang simbahan ng Iglesia Ni Cristo ay kasalukuyang pinamumunuan ng Executive Minister nitong si Eduardo V. Manalo.

Habang ang religious group na Ang Dating Daan ay pinamumunuan ng televangelist at "Lingkod Pangkalahatan" na si Bro. Eli Soriano.

Sa kanyang mensahe noon para sa mga miyembro ng Ang Dating Daan at kay Bro. Eli, ikinuwento ni Nora ang kanyang naramdaman noong minsan ay nakasama siya sa samba ng INC.

Saad ng Superstar, “Ito po ay hindi pagtatanong. At gusto ko lang po malaman lahat ng mga kapatid natin.

“Kasi hindi po… parang hindi ko po maatim na hindi ko sabihin. Alam niyo po ako ay isang Katoliko.

“Noong may kaibigan po ako, na miyembro ho ng Iglesia Ni Manalo, ako po ay napasama dun sa kanila.

“At doon ko po nakita na kapag nagpunta pala kayo doon, hiwalay ang mga babae sa lalaki.

“At kailangang magkaroon kayo ng donasyon. At inantok ho ako sa totoo lamang nung pumunta po ako.”

Dito na ikinumpara ni Nora ang kanyang naramdaman noong um-attend naman siya ng pagtitipon ng Ang Dating Daan, kung saan nakita raw niya na ang samahan ng mga miyembro ay may respeto sa bawat isa.

Pahayag ng aktres, “Yung respeto kasi, kapag sinabi mo yung respeto, andun na lahat, e. Andun na yung pagmamahal, andun na lahat yun.

“At dito ko lamang nakita yun, ang respeto ng bawat isa.”

Sinabi rin ng Superstar na bago siya matulog ay nakikinig siya ng mga salita ng Diyos ni Brother Eli.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kaya naman nagdesisyon na raw siyang umanib sa kanilang sekta.

Saad pa ni Nora, “Sa totoo lamang po ay dito ko lang naramdaman ang pagmamahal.

"At kung loloobin po ng Diyos na matuloy, sa susunod na linggo, ito po ay hinihintay ko. At asahan niyo po na makakasama niyo ako lagi at lagi tayo magkikita. Nasa puso ko na po yun.”

Kasunod nito ay ang pagbatikos ni Nora sa sa mga paring Katoliko at ang hindi raw tamang pakikisawsaw ng mga ito sa usaping panglipunan.

NORA SAYS SORRY. Pinalagan naman ng mga miyembro ng INC ang mga nabanggit na salita ni Nora, lalo na ang pagtawag nito sa kanilang relihiyon na "Iglesia Ni Manalo."

Ipinaliwanag din nilang ang "donasyon" ng mga miyembro ng INC ay nakapaloob sa Bibliya.

Matapos ang halos isang buwan, humingi ng paumanhin si Nora sa pamunuan ng INC.

Sa pamamagitan ng Facebook account ng Inquirer entertainment columnist na si Bayani San Diego , kahapon, January 9, inihayag ng Superstar ang paghingi ng kapatawaran sa kanyang mga nasabi.

Pahayag ni Nora, “Para sa lahat po ng mga Ministro at sa lahat ng mga kapatid natin sa Iglesia ni Cristo:

“Humihingi po ako ng paumanhin at kapatawaran kung may nasabi po akong hindi maganda, lalo na ang pagkakabanggit ko ng 'Iglesia ni Manalo.'

“Marami na rin po kasi akong naririnig na mga tao na ganito ang tawag nila kaya hindi ko po alam na ang pagkakabanggit ko ng ganito ay sobrang ikinasama ng loob ng nakakarami nating kapatid sa INC.

“Inuulit ko po na wala po akong masamang ibig sabihin at hindi ko puwedeng saktan ang damdamin ng kahit na sinong tao, ano man ang kanilang relihiyon.

“Isa pa po, hindi po ako magiging Nora Aunor kung wala po itong mga taong ito na patuloy na nagmamahal at sumusuporta sa akin mula noon hanggang ngayon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Itong mga taong ito na may kanya-kanyang paniniwala at kaanib ng iba’t ibang relihiyon. Kung paano nila ako minamahal at itinataguyod bilang kanilang idolo, triple po ang respeto at pagmamahal ko sa kanila.

“Ayoko po hangga’t maaari na makagawa ng mga bagay na alam kong masasaktan sila. Siguro naman po kahit papaano ay alam at nakikita rin naman po ito ng mga taong nagmamahal sa akin na madalas kong nakakasama at nakakausap na itinuring ko na rin pong pamilya ko. Kaya hindi ko po inisip na masama ang ginawa ko.

“Umaasa po ako na maiintindihan ito ng ating mga minamahal na mga Ministro at mga kapatid natin sa INC.

“Wala pong perpektong tao. Lahat po ng tao ay nagkakamali. Sino mang pinaniniwalaan nating lahat na naglalang sa atin ay mapagpatawad.

“Ito po ang inaasahan ko sa INC: Ang mapatawad ako sa aking pagkakamali.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN