Zanjoe Marudo on Bea Alonzo-Gerald Anderson romance: "Nakikita ko masaya si Bea."

IMAGE Noel Orsal

Zanjoe Marudo on ex-girlfriend Bea Alonzo: "Sobrang okey kami. Wala kaming masamang tinapay. At ramdam ko na ganun din siya sa akin."


Walang bahid ng lungkot ang pahayag ni Zanjoe Marudo tungkol sa bali-balitang nagkabalikan na ang dating magkasintahang sina Bea Alonzo at Gerald Anderson.

Lalo pa’t nanatili raw silang mabuting magkaibigan ng dating nobya.

Mahigit-kumulang isang taon na ang lumipas mula nang matuldukan ang apat na taong relasyon nina Zanjoe at Bea.

Pahayag ng 34-year-old actor, “Nakikita ko naman na masaya si Bea. Yun naman ang wish namin sa isa’t isa.

“Sobrang okey kami. Wala kaming masamang tinapay.

“At ramdam ko na ganun din siya sa akin.

“At kung may nangyayari sa buhay ko at career ko, natutuwa siya.

“Ganun din ako sa kanya. Sana maging masaya siya palagi.”

Hindi na nagkomento pa si Zanjoe nang tanungin kung sa tingin niya ay maaalagaan ni Gerald si Bea sa pagkakataong ito.

Nakangiti ngunit paiwas na sabi niya, “Hindi na ako ang nakakaalam nun.”

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Zanjoe sa presscon ng ABS-CBN primetime series na My Dear Heart, na ginanap sa 9501 Restaurant sa ABS-CBN compound, noong Enero 19.

STILL LOVELESS. Dito ay ibinahagi ni Zanjoe na wala pa rin siyang babaeng napupusuan sa ngayon.

Aniya, “Kung non-showbiz [girlfriends] kasi, parang hindi ko naman sila makikita.

“Hindi ko sila makikilala kasi palagi akong nasa showbiz, palaging nasa shooting, nasa location.”

Umaasa si Zanjoe na ngayong taon ay makikilala rin niya ang tamang babae para sa kanya.

Paglalarawan ng aktor sa kanyang future girlfriend, “Hindi naman ako nahihirapan kasi alam ko naman kung ano ang gusto ko…

“Kailangan yung connection namin nandun, yung magic na mahirap ipaliwanag."

Dagdag nito, “Sana, sana," na ang tinutukoy ay ang makilala na ang babae para sa kaniya.

Kung saka-sakali, handa raw si Zanjoe na may makasama sa Manila concert ng sikat na British rock band na Coldplay sa Abril.

“Eto, kakapasok lang ng 2017… Sabi ko sa isang interview ko na noong nag-release ng ticket ang Coldplay, dalawa yung binili ko. Hindi ko alam kung kanino yung isa pa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Sa April yung concert. So, ini-imagine ko na baka naman pagdating ko ng April, meron na akong kasama.

“Binili ko lang siya talaga na dalawa, pero wala pang may-ari nung isa.”

Tanong ng PEP: Ibig bang sabihin nito, kung sino ang makakasama ni Zanjoe sa Coldplay concert ay siya nang magiging nobya niya?

Natatawang saad ng aktor, “Hindi naman… Malay mo, kung wala talaga akong naging girlfriend, malay mo lalaki yung kasama ko.”

Kahit wala siyang love life ay hindi naman daw dinadapuan ng lungkot si Zanjoe.

Dagdag niya, “Maraming trabaho. Na-excite lang ako sa ideyang baka mamaya biglang dumating di ba? Makikilala ko na.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN